Apocalipsis kay Juan 20:1-15

  • Nakagapos si Satanas sa loob ng 1,000 taon (1-3)

  • Mga haring kasama ni Kristo sa loob ng milenyo (4-6)

  • Pinakawalan si Satanas, pagkatapos ay pinuksa (7-10)

  • Hinatulan ang mga patay sa harap ng puting trono (11-15)

20  At nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit hawak ang susi ng kalaliman+ at isang malaking kadena. 2  Sinunggaban niya ang dragon,+ ang orihinal na ahas,+ ang Diyablo+ at Satanas,+ at iginapos ito sa loob ng 1,000 taon. 3  At inihagis niya ito sa kalaliman+ at isinara iyon at tinatakan ang pasukan, para hindi na nito mailigaw ang mga bansa hanggang sa matapos ang 1,000 taon. Pagkatapos, pakakawalan ito nang kaunting panahon.+ 4  At nakakita ako ng mga trono, at ang mga nakaupo sa mga iyon ay binigyan ng awtoridad na humatol. Oo, nakita ko ang dugo ng mga pinatay* dahil sa pagpapatotoo nila tungkol kay Jesus at pagsasalita tungkol sa Diyos, ang mga hindi sumamba sa mabangis na hayop o sa estatuwa nito at hindi tumanggap ng marka sa noo at kamay nila.+ At nabuhay sila at nagharing kasama ng Kristo+ sa loob ng 1,000 taon. 5  (Ang iba pang patay+ ay hindi nabuhay hanggang sa matapos ang 1,000 taon.) Ito ang unang pagkabuhay-muli.+ 6  Maligaya at banal ang sinumang kasama sa unang pagkabuhay-muli;+ walang awtoridad sa kanila ang ikalawang kamatayan,+ kundi sila ay magiging mga saserdote+ ng Diyos at ng Kristo, at maghahari silang kasama niya sa loob ng 1,000 taon.+ 7  At pagkatapos ng 1,000 taon, pakakawalan agad si Satanas mula sa bilangguan niya, 8  at lalabas siya para iligaw ang mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, ang Gog at Magog, para tipunin sila sa digmaan. Ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat. 9  At nangalat sila sa buong lupa at pinalibutan ang kampo ng mga banal at ang minamahal na lunsod. Pero bumaba ang apoy mula sa langit at tinupok sila.+ 10  At ang Diyablo na nagliligaw sa kanila ay inihagis sa lawa ng apoy at asupre, na kinaroroonan ng mabangis na hayop+ at ng huwad na propeta;+ at pahihirapan* sila araw at gabi magpakailanman. 11  At nakita ko ang isang malaki at puting trono at ang nakaupo roon.+ Mula sa harap niya ay tumakas ang lupa at ang langit,+ at wala nang lugar para sa mga ito. 12  At nakita ko ang mga patay, ang mga dakila at ang mga hamak, na nakatayo sa harap ng trono, at binuksan ang mga balumbon. Pero may isa pang balumbon na binuksan; ito ang balumbon ng buhay.+ Ang mga patay ay hinatulan sa mga ginawa nila batay sa mga nakasulat sa mga balumbon.+ 13  At ibinigay ng dagat ang mga patay na naroon, at ibinigay ng kamatayan at ng Libingan* ang mga patay na nasa mga ito, at hinatulan ang bawat isa sa kanila ayon sa mga ginawa nila.+ 14  At ang kamatayan at ang Libingan* ay inihagis sa lawa ng apoy.+ Sumasagisag ito sa ikalawang kamatayan,+ ang lawa ng apoy.+ 15  At ang sinumang hindi nakasulat sa aklat ng buhay+ ay inihagis sa lawa ng apoy.+

Talababa

Lit., “pinatay sa pamamagitan ng palakol.”
O “ibibilanggo.” Tingnan ang tlb. sa Apo 14:11.
O “Hades.” Tingnan sa Glosari.
O “Hades.” Tingnan sa Glosari.