Apocalipsis kay Juan 21:1-27
21 At nakita ko ang bagong langit at ang bagong lupa;+ dahil ang dating langit at ang dating lupa ay lumipas na,+ at ang dagat+ ay wala na.
2 Nakita ko rin ang banal na lunsod, ang Bagong Jerusalem, na bumababa ng langit mula sa Diyos+ at nakahandang gaya ng isang babaeng ikakasal na nakabihis para salubungin ang mapapangasawa niya.+
3 Pagkatapos, narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono na nagsasabi: “Tingnan mo! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at maninirahan siyang kasama nila, at sila ay magiging bayan niya. At ang Diyos mismo ay sasakanila.+
4 At papahirin niya ang bawat luha sa mga mata nila,+ at mawawala na ang kamatayan,+ pati ang pagdadalamhati at ang pag-iyak at ang kirot.+ Ang dating mga bagay ay lumipas na.”
5 At sinabi ng nakaupo sa trono:+ “Tingnan mo! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.”+ Sinabi rin niya: “Isulat mo, dahil ang mga salitang ito ay tapat* at totoo.”
6 At sinabi niya sa akin: “Naganap na ang mga iyon! Ako ang Alpha at ang Omega,* ang pasimula at ang wakas.+ Ang sinumang nauuhaw ay bibigyan ko ng tubig mula sa bukal ng tubig ng buhay nang walang bayad.+
7 Mamanahin ng sinumang magtatagumpay* ang mga bagay na ito, at ako ang magiging Diyos niya at siya ay magiging anak ko.
8 Pero para naman sa mga duwag at sa mga walang pananampalataya+ at sa mga kasuklam-suklam at marumi at sa mga mamamatay-tao+ at sa mga namimihasa sa* seksuwal na imoralidad*+ at sa mga nagsasagawa ng espiritismo at sa mga sumasamba sa idolo at sa lahat ng sinungaling,+ ihahagis sila sa lawa na nagniningas sa apoy at asupre.+ Sumasagisag ito sa ikalawang kamatayan.”+
9 Dumating ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok na punô ng pitong huling salot,+ at sinabi niya sa akin: “Halika, ipapakita ko sa iyo ang babaeng ikakasal, ang mapapangasawa ng Kordero.”+
10 Kaya sa kapangyarihan ng espiritu ay dinala niya ako sa isang malaki at napakataas na bundok, at ipinakita niya sa akin ang banal na lunsod na Jerusalem na bumababa ng langit mula sa Diyos+
11 at nagtataglay ng kaluwalhatian ng Diyos.+ Ang kaningningan nito ay gaya ng isang napakamamahaling bato, gaya ng batong jaspe na kumikinang na parang kristal.+
12 Ito ay may malaki at napakataas na pader at may 12 pintuang-daan, at sa bawat pintuang-daan ay may isang anghel; sa mga pintuang-daan ay may nakasulat na pangalan ng 12 tribo ng mga anak ni Israel.
13 Tatlong pintuang-daan ang nasa silangan, tatlong pintuang-daan sa hilaga, tatlong pintuang-daan sa timog, at tatlong pintuang-daan sa kanluran.+
14 Ang pader ng lunsod ay mayroon ding 12 batong pundasyon, at makikita sa mga iyon ang 12 pangalan ng 12 apostol+ ng Kordero.
15 At ang nakikipag-usap sa akin ay may hawak na panukat na gintong tambo para sukatin ang lunsod at ang mga pintuang-daan nito at ang pader nito.+
16 At ang lunsod ay parisukat, na ang haba at ang lapad ay magkapareho. At sinukat niya ng tambo ang lunsod, 12,000 estadyo;* ang haba at ang lapad at ang taas nito ay magkakasukat.
17 Sinukat din niya ang pader nito, 144 na siko* ayon sa panukat ng tao, na panukat din ng anghel.
18 At ang pader ay gawa sa jaspe,+ at ang lunsod ay purong ginto na gaya ng malinaw na salamin.
19 Ang mga pundasyon ng pader ng lunsod ay gawa sa bawat uri ng mamahaling bato: ang unang pundasyon ay jaspe, ang ikalawa ay safiro, ang ikatlo ay calcedonia, ang ikaapat ay esmeralda,
20 ang ikalima ay sardonica, ang ikaanim ay sardio, ang ikapito ay crisolito, ang ikawalo ay berilo, ang ikasiyam ay topacio, ang ikasampu ay crisopasio, ang ikalabing-isa ay jacinto, ang ikalabindalawa ay amatista.
21 Gayundin, ang 12 pintuang-daan ay 12 perlas; ang bawat isa sa mga pintuang-daan ay gawa sa isang perlas. At ang malapad na daan ng lunsod ay purong ginto, gaya ng malinaw na salamin.
22 Wala akong nakitang templo roon, dahil ang Diyos na Jehova* na Makapangyarihan-sa-Lahat+ ang templo nito, gayundin ang Kordero.
23 Hindi kailangan ng lunsod ang sikat ng araw o liwanag ng buwan, dahil ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagbibigay ng liwanag dito,+ at ang lampara nito ay ang Kordero.+
24 At ang mga bansa ay lalakad sa liwanag nito,+ at dadalhin ng mga hari sa lupa ang kaluwalhatian nila sa loob nito.
25 Ang mga pintuang-daan nito ay hindi isasara sa araw, dahil hindi magkakaroon ng gabi roon.+
26 At dadalhin nila sa loob nito ang kaluwalhatian at ang karangalan ng mga bansa.+
27 Pero anumang bagay na nadungisan at sinumang gumagawa ng kasuklam-suklam at mapandaya ay hinding-hindi makakapasok sa loob nito;+ ang makakapasok lang ay ang mga nakasulat sa balumbon ng buhay ng Kordero.+
Talababa
^ O “mapagkakatiwalaan.”
^ O “ang A at ang Z.” Ang Alpha at Omega ang una at huling letra ng alpabetong Griego.
^ O “mananaig.”
^ O “nagkakasala ng.”