Apocalipsis kay Juan 22:1-21

  • Ilog ng tubig ng buhay (1-5)

  • Konklusyon (6-21)

    • ‘Halika! Kumuha ka ng tubig ng buhay na walang bayad’ (17)

    • “Dumating ka nawa, Panginoong Jesus” (20)

22  At ipinakita niya sa akin ang isang ilog ng tubig ng buhay,+ malinaw na gaya ng kristal, na umaagos mula sa trono ng Diyos at ng Kordero+ 2  sa gitna ng malapad na daan ng lunsod. At sa magkabilang panig ng ilog ay may mga puno ng buhay na namumunga nang 12 beses sa isang taon, isang beses sa bawat buwan. At ang mga dahon ng mga puno ay para sa pagpapagaling ng mga bansa.+ 3  At hindi na magkakaroon ng anumang sumpa. Ang trono ng Diyos at ng Kordero+ ay matatagpuan sa lunsod, at ang mga alipin niya ay maglilingkod* sa kaniya; 4  at makikita nila ang mukha niya,+ at ang pangalan niya ay masusulat sa mga noo nila.+ 5  Gayundin, ang gabi ay mawawala na,+ at hindi nila kakailanganin ang liwanag ng lampara o ng araw, dahil ang Diyos na Jehova* ang magbibigay ng liwanag sa kanila,+ at maghahari sila magpakailanman.+ 6  Sinabi niya sa akin: “Ang mga salitang ito ay tapat* at totoo;+ oo, si Jehova,* ang Diyos na nagsalita sa pamamagitan ng mga propeta,+ ay nagsugo ng anghel niya para ipakita sa mga alipin niya ang mga bagay na malapit nang mangyari. 7  Malapit na akong dumating.+ Maligaya ang sinumang tumutupad sa mga salita ng hula sa balumbong ito.”+ 8  Ako, si Juan, ang nakarinig at nakakita sa mga ito. Nang marinig ko at makita ang mga ito, sumubsob ako para sumamba sa paanan ng anghel na nagpakita sa akin ng mga bagay na ito. 9  Pero sinabi niya sa akin: “Mag-ingat ka! Huwag mong gawin iyan! Isa lang akong alipin gaya mo at ng mga kapatid mong mga propeta at ng mga sumusunod sa mga salita sa balumbong ito. Ang Diyos ang sambahin mo.”+ 10  Sinabi rin niya sa akin: “Huwag mong tatakan* ang mga salita ng hula sa balumbong ito, dahil ang takdang panahon ay malapit na. 11  Ang di-matuwid ay patuloy na gumawa ng di-matuwid, at ang marumi ay patuloy na magpakarumi; pero ang matuwid ay patuloy na gumawa ng matuwid, at ang banal ay patuloy na magpakabanal. 12  “‘Malapit na akong dumating, at nasa akin ang kabayarang ibibigay ko, para ibigay sa bawat isa ang ayon sa ginagawa niya.+ 13  Ako ang Alpha at ang Omega,*+ ang una at ang huli, ang pasimula at ang wakas. 14  Maligaya ang mga naglalaba ng mahahaba nilang damit,+ para magkaroon sila ng karapatan sa mga puno ng buhay+ at makapasok sila sa lunsod sa mga pintuang-daan nito.+ 15  Nasa labas ang mga aso* at ang mga nagsasagawa ng espiritismo at ang mga namimihasa sa* seksuwal na imoralidad* at ang mga mamamatay-tao at ang mga sumasamba sa idolo at ang lahat ng mahilig magsinungaling at laging nagsisinungaling.’+ 16  “‘Ako, si Jesus, ay nagsugo ng anghel ko para magpatotoo sa inyo tungkol sa mga bagay na ito para sa mga kongregasyon. Ako ang ugat at ang supling ni David+ at ang maningning na bituing pang-umaga.’”+ 17  At ang espiritu at ang babaeng ikakasal+ ay patuloy na nagsasabi, “Halika!” at ang sinumang nakikinig ay magsabi, “Halika!” at ang sinumang nauuhaw ay lumapit;+ ang sinumang may gusto ng tubig ng buhay na walang bayad ay kumuha nito.+ 18  “Ako ay nagpapatotoo sa bawat isa na nakikinig sa mga salita ng hula sa balumbong ito: Kung ang sinuman ay magdagdag sa mga bagay na ito,+ idaragdag sa kaniya ng Diyos ang mga salot na nakasulat sa balumbong ito;+ 19  at kung ang sinuman ay mag-alis ng anuman sa mga salita ng balumbon ng hulang ito, aalisin ng Diyos ang parte niya sa mga puno ng buhay+ at sa banal na lunsod,+ mga bagay na nakasulat sa balumbong ito. 20  “Sinabi ng nagpapatotoo tungkol sa mga bagay na ito, ‘Oo, malapit na akong dumating.’”+ “Amen! Dumating ka nawa, Panginoong Jesus.” 21  Tumanggap nawa ang mga banal ng walang-kapantay na kabaitan ng Panginoong Jesus.

Talababa

O “maghahandog ng sagradong paglilingkod.”
Tingnan ang Ap. A5.
O “mapagkakatiwalaan.”
Tingnan ang Ap. A5.
Tingnan sa Glosari, “Pantatak; Tatak.”
O “ang A at ang Z.” Ang Alpha at Omega ang una at huling letra ng alpabetong Griego.
Mga gumagawa ng mga bagay na kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos.
O “nagkakasala ng.”
Tingnan sa Glosari.