Mga Bilang 13:1-33
13 At sinabi ni Jehova kay Moises:
2 “Magsugo ka ng mga lalaki para mag-espiya* sa lupain ng Canaan, na ibinibigay ko sa mga Israelita. Magsugo kayo ng isang lalaking pinuno mula sa bawat tribo+ ng kanilang ninuno.”+
3 Kaya sa utos ni Jehova ay isinugo sila ni Moises mula sa ilang ng Paran.+ Ang lahat ng lalaki ay ulo ng mga Israelita.
4 Ito ang mga pangalan nila: sa tribo ni Ruben, si Samua na anak ni Zacur;
5 sa tribo ni Simeon, si Sapat na anak ni Hori;
6 sa tribo ni Juda, si Caleb+ na anak ni Jepune;
7 sa tribo ni Isacar, si Igal na anak ni Jose;
8 sa tribo ni Efraim, si Hosea+ na anak ni Nun;
9 sa tribo ni Benjamin, si Palti na anak ni Rapu;
10 sa tribo ni Zebulon, si Gaddiel na anak ni Sodi;
11 sa tribo ni Jose,+ para sa tribo ni Manases,+ si Gaddi na anak ni Susi;
12 sa tribo ni Dan, si Amiel na anak ni Gemali;
13 sa tribo ni Aser, si Setur na anak ni Miguel;
14 sa tribo ni Neptali, si Nabi na anak ni Vopsi;
15 sa tribo ni Gad, si Geuel na anak ni Maki.
16 Ito ang pangalan ng mga lalaking isinugo ni Moises para mag-espiya sa lupain. At si Hosea na anak ni Nun ay pinangalanan ni Moises na Josue.*+
17 Nang isugo sila ni Moises para mag-espiya sa Canaan, sinabi niya: “Pumunta kayo sa Negeb, at pagkatapos ay umakyat kayo sa mabundok na rehiyon.+
18 Kailangan ninyong alamin kung anong uri iyon ng lupain+ at kung ang mga nakatira doon ay malalakas o mahihina, kaunti o marami,
19 at kung ang lupain ay maganda o hindi at kung ang mga lunsod na tinitirhan nila ay hantad o napapaderan.
20 Alamin din ninyo kung ang lupain ay mataba o tigang*+ at kung may mga puno roon o wala. Dapat ninyong lakasan ang loob ninyo+ at kumuha kayo ng mga bunga ng lupain.” Nahihinog na ang mga ubas+ nang panahong iyon.
21 Kaya pumunta sila at nag-espiya sa lupain mula sa ilang ng Zin+ hanggang sa Rehob,+ malapit sa Lebo-hamat.*+
22 Nang makarating sila sa Negeb, pumunta sila sa Hebron,+ kung saan nakatira ang mga Anakim+ na sina Ahiman, Sesai, at Talmai.+ At ang Hebron ay itinayo pitong taon bago ang Zoan ng Ehipto.
23 Nang makarating sila sa Lambak* ng Escol,+ pumutol sila ng isang sanga na may isang kumpol ng ubas, na kinailangang buhatin ng dalawa sa mga lalaki gamit ang isang pingga;* mayroon ding mga granada* at igos.+
24 Tinawag nila ang lugar na iyon na Lambak* ng Escol*+ dahil sa kumpol na pinutol doon ng mga Israelita.
25 Pagkalipas ng 40 araw,+ bumalik sila mula sa pag-eespiya sa lupain.
26 Bumalik sila kina Moises at Aaron at sa buong bayan ng Israel na nasa ilang ng Paran, sa Kades.+ Nag-ulat sila sa buong bayan at ipinakita nila ang mga bunga ng lupain.
27 Ito ang iniulat nila kay Moises: “Pumasok kami sa lupain kung saan mo kami isinugo, at talaga ngang inaagusan iyon ng gatas at pulot-pukyutan,+ at ito ang mga bunga mula roon.+
28 Pero malalakas ang mga taong nakatira sa lupain, at napakalaki ng mga napapaderang* lunsod. Nakita rin namin doon ang mga Anakim.+
29 Ang mga Amalekita+ ay naninirahan sa lupain ng Negeb;+ ang mga Hiteo, Jebusita,+ at Amorita+ ay naninirahan sa mabundok na rehiyon; at ang mga Canaanita+ ay naninirahan malapit sa dagat+ at sa Jordan.”
30 Pagkatapos, sinikap ni Caleb na pakalmahin ang bayan habang nakatayo sila sa harap ni Moises. Sinabi niya: “Lumusob na tayo agad, at tiyak na mapapasaatin iyon, dahil siguradong masasakop natin iyon.”+
31 Pero sinabi ng mga lalaking kasama niya: “Hindi natin sila kayang labanan dahil mas malalakas sila kaysa sa atin.”+
32 At puro di-magagandang ulat ang sinasabi nila+ sa mga Israelita tungkol sa lupain kung saan sila nag-espiya. Sinasabi nila: “Ang lupain kung saan kami nag-espiya ay lumalamon ng mga nakatira doon, at napakalaki ng lahat ng taong nakita namin doon.+
33 At nakita namin doon ang mga Nefilim, ang mga anak ni Anak,+ na mula sa* mga Nefilim; para lang kaming mga tipaklong kumpara sa kanila, at ganoon din ang tingin nila sa amin.”
Talababa
^ O “magmanman.”
^ O “Jehosua,” ibig sabihin, “Si Jehova ay Kaligtasan.”
^ Lit., “payat.”
^ O “pasukan ng Hamat.”
^ Mahabang kahoy.
^ O “Wadi.”
^ O “Wadi.”
^ Ibig sabihin, “Kumpol ng Ubas.”
^ O “nakukutaang.”
^ O “na mga inapo ng.”