Mga Bilang 21:1-35
21 Nang mabalitaan ng Canaanitang hari ng Arad,+ na nakatira sa Negeb, na ang Israel ay nasa daan ng Atarim, sinalakay niya ang Israel at binihag ang ilan sa kanila.
2 Kaya nanata ang Israel kay Jehova: “Kung ibibigay mo ang bayang ito sa kamay ko, ipinapangako ko, wawasakin ko* ang mga lunsod nila.”
3 Kaya nakinig si Jehova sa Israel at ibinigay ang mga Canaanita sa kanila, at pinatay nila ang mga ito at winasak* ang mga lunsod nito. Kaya tinawag nilang Horma* ang lugar na iyon.+
4 Habang patuloy silang naglalakbay mula sa Bundok Hor+ sa Daan ng Dagat na Pula para makaiwas sa lupain ng Edom,+ napagod ang bayan sa paglalakbay.
5 At ang bayan ay patuloy na nagsalita laban sa Diyos at kay Moises:+ “Bakit ninyo kami inilabas sa Ehipto para mamatay sa ilang? Walang pagkain at tubig,+ at sawang-sawa* na kami sa walang-kuwentang tinapay na ito.”+
6 Kaya nagpadala si Jehova sa bayan ng makamandag* na mga ahas, at tinuklaw ng mga ito ang mga tao, kaya maraming Israelita ang namatay.+
7 Kaya pumunta kay Moises ang bayan at nagsabi: “Nagkasala kami, dahil nagsalita kami laban kay Jehova at laban sa iyo.+ Makiusap ka kay Jehova para alisin niya sa amin ang mga ahas.” At nakiusap si Moises para sa bayan.+
8 At sinabi ni Jehova kay Moises: “Gumawa ka ng replika ng makamandag* na ahas, at ilagay mo ito sa isang poste. Ang sinumang matuklaw ay titingin doon para hindi mamatay.”
9 Agad na gumawa si Moises ng isang ahas na yari sa tanso+ at inilagay iyon sa poste,+ at ang mga natuklaw ng ahas na tumingin sa tansong ahas ay hindi namamatay.+
10 Pagkatapos, umalis ang mga Israelita at nagkampo sa Obot.+
11 Umalis sila sa Obot at nagkampo sa Iye-abarim,+ sa ilang na nasa silangan, sa harap ng Moab.
12 Umalis sila roon at nagkampo sa may Lambak* ng Zered.+
13 Umalis sila roon at nagkampo sa rehiyon ng Arnon,+ sa ilang na nasa may hangganan ng mga Amorita, dahil ang Arnon ang hangganan ng Moab, sa pagitan ng Moab at ng mga Amorita.
14 Kaya naman binabanggit sa aklat ng Mga Digmaan ni Jehova ang “Vaheb sa Supa at mga lambak* ng Arnon.
15 Ang mga lambak ay umaabot hanggang sa Ar at tuloy-tuloy sa hangganan ng Moab.”
16 Pagkatapos, pumunta sila sa Beer. Ito ang balon kung saan sinabi ni Jehova kay Moises: “Tipunin mo ang bayan, at bibigyan ko sila ng tubig.”
17 Inawit noon ng Israel:
“Bumukal ka, O balon!—Tumugon* kayo rito!
18 Ang balon na hinukay ng mga prinsipe, hinukay ng mga prominenteng tao ng bayan,Gamit ang baston ng kumandante at sarili nilang mga baston.”
At mula sa ilang ay pumunta sila sa Matana,
19 mula sa Matana ay pumunta sila sa Nahaliel, at mula sa Nahaliel ay pumunta sila sa Bamot.+
20 Mula sa Bamot ay pumunta sila sa lambak na nasa teritoryo ng Moab,+ sa itaas ng Pisga,+ kung saan matatanaw ang Jesimon.*+
21 At ang Israel ay nagsugo ng mga mensahero kay Sihon na hari ng mga Amorita. Sinabi ng mga ito:+
22 “Paraanin mo kami sa iyong lupain. Hindi kami dadaan sa bukid o ubasan. Hindi kami iinom ng tubig sa alinmang balon. Sa Daan ng Hari kami maglalakad hanggang sa makadaan kami sa iyong teritoryo.”+
23 Pero hindi pumayag si Sihon na dumaan ang Israel sa teritoryo niya. Sa halip, tinipon ni Sihon ang kaniyang buong bayan at pumunta sa ilang para labanan ang Israel, at nakarating sila sa Jahaz at nakipaglaban sa Israel.+
24 Pero natalo siya ng Israel gamit ang espada+ at kinuha ang kaniyang lupain+ mula sa Arnon+ hanggang sa Jabok,+ malapit sa mga Ammonita, dahil paglampas ng Jazer+ ay teritoryo na ng mga Ammonita.+
25 Kaya kinuha ng Israel ang lahat ng lunsod na ito, at tumira sila sa lahat ng lunsod ng mga Amorita,+ sa Hesbon at sa lahat ng katabing nayon nito.*
26 Dahil ang Hesbon ang lunsod ni Sihon, ang hari ng mga Amorita, na nakipaglaban sa hari ng Moab at kumuha ng buong lupain nito hanggang sa Arnon.
27 Kaya naman nabuo ang mapang-insultong kasabihang ito:
“Pumunta tayo sa Hesbon.
Maitayo sana ang lunsod ni Sihon at maging matatag ito.
28 Dahil may apoy na lumabas sa Hesbon, isang liyab mula sa bayan ni Sihon.
Tinupok nito ang Ar ng Moab, ang mga panginoon ng matataas na lugar ng Arnon.
29 Kaawa-awa ka, Moab! Malilipol ka, O bayan ni Kemos!+
Dahil sa kaniya,* magiging takas ang mga anak niyang lalaki at magiging bihag ni Sihon na hari ng mga Amorita ang mga anak niyang babae.
30 Panain natin sila;Mawawasak ang Hesbon hanggang sa Dibon;+Gawin natin itong tiwangwang hanggang sa Nopa;Ang apoy ay kakalat hanggang sa Medeba.”+
31 Kaya nanirahan ang Israel sa lupain ng mga Amorita.
32 At nagsugo si Moises ng ilang lalaki para mag-espiya sa Jazer.+ Sinakop nila ang katabing mga nayon nito at itinaboy ang mga Amorita na naroroon.
33 Pagkatapos, lumiko sila at dumaan sa Daan ng Basan. At si Og,+ na hari ng Basan, kasama ang buong hukbo niya ay nakipagdigma sa kanila sa Edrei.+
34 Sinabi ni Jehova kay Moises: “Huwag kang matakot sa kaniya,+ dahil siya at ang buong bayan at lupain niya ay ibibigay ko sa iyo,+ at gagawin mo sa kaniya ang gaya ng ginawa mo kay Sihon na hari ng mga Amorita, na nakatira noon sa Hesbon.”+
35 Kaya pinabagsak nila siya, pati ang kaniyang mga anak at ang buong bayan; walang natirang buháy sa bayan niya,+ at kinuha nila ang kaniyang lupain.+
Talababa
^ Lit., “itatalaga ko sa pagkapuksa.”
^ Lit., “itinalaga sa pagkapuksa.”
^ Ibig sabihin, “Pagtatalaga sa Pagkapuksa.”
^ O “nasusuklam.”
^ O “malaapoy.”
^ O “malaapoy.”
^ O “Wadi.”
^ O “wadi.”
^ O “Umawit.”
^ O posibleng “disyerto; ilang.”
^ O “sa lahat ng nayong nakadepende rito.”
^ Si Kemos, o posible ring tumukoy sa Moab.