Mga Bilang 30:1-16

  • Pagtupad sa mga panata (1, 2)

  • Panata ng mga babae (3-16)

30  Pagkatapos, sinabi ni Moises sa mga pinuno+ ng mga tribo ng Israel: “Ito ang iniutos ni Jehova: 2  Kung ang isang tao ay manata+ o sumumpa kay Jehova,+ isang panata ng pagkakait sa sarili,* dapat niya itong tuparin.+ Dapat niyang tuparin ang lahat ng sinabi niyang gagawin niya.+ 3  “Kung ang isang babae ay gumawa ng panata kay Jehova o panata ng pagkakait sa sarili habang kabataan pa siya at nakatira sa bahay ng ama niya, 4  at narinig ng ama niya ang kaniyang panata o panata ng pagkakait sa sarili at hindi tumutol ang ama niya, magkakabisa ang lahat ng kaniyang panata at panata ng pagkakait sa sarili. 5  Pero kung tumutol ang ama niya matapos marinig ang ginawa niyang mga panata o panata ng pagkakait sa sarili, hindi magkakabisa ang mga ito. Patatawarin siya ni Jehova dahil tumutol ang ama niya.+ 6  “Kung mag-asawa siya habang may bisa ang kaniyang panata o padalos-dalos na pangako, 7  at marinig iyon ng asawang lalaki at hindi tumutol sa araw na marinig iyon, hindi mawawalan ng bisa ang kaniyang mga panata o panata ng pagkakait sa sarili. 8  Pero kung pagbawalan siya ng asawa niya sa araw na marinig nito ang kaniyang panata o padalos-dalos na pangako, puwede nitong ipawalang-bisa iyon,+ at patatawarin siya ni Jehova. 9  “Kung isang biyuda o diborsiyada ang manata, lahat ng panata niya ay magkakabisa. 10  “Pero kung ang isang babae ay gumawa ng panata o panata ng pagkakait sa sarili habang nasa bahay ng asawa niya 11  at narinig iyon ng asawa niya at hindi ito tumutol o hindi siya pinagbawalan nito, magkakabisa ang lahat ng kaniyang panata o panata ng pagkakait sa sarili. 12  Pero kung tumutol ang asawa niya sa araw na marinig nito ang anumang panata niya o panata ng pagkakait sa sarili, hindi iyon magkakabisa.+ Tutol ang asawa niya kaya patatawarin siya ni Jehova. 13  May kinalaman sa anumang panata o sumpa, isang panata ng pagkakait sa sarili, ang asawa niya ang magpapasiya kung tutuparin niya iyon o hindi. 14  Kung hindi tumutol ang asawa niya sa paglipas ng mga araw, pinagtitibay nito ang lahat ng kaniyang panata o panata ng pagkakait sa sarili. Pinagtitibay iyon ng asawang lalaki dahil hindi siya tumutol nang araw na marinig niyang nanata ang asawa niya. 15  Pero kung ipawalang-bisa niya iyon makalipas ang araw na narinig niya iyon, siya ang mananagot sa pagkakamali ng asawa niya.+ 16  “Ito ang mga tuntuning ibinigay ni Jehova kay Moises may kinalaman sa asawang lalaki at asawa nito at sa ama at anak nitong kabataang babae na nakatira sa bahay nito.”

Talababa

Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”