Mga Bilang 36:1-13

  • Batas tungkol sa pag-aasawa ng babaeng tagapagmana (1-13)

36  Lumapit ang mga ulo ng angkan ng mga inapo ni Gilead na anak ni Makir+ na anak ni Manases na mula sa mga pamilya ng mga anak ni Jose, at kinausap nila si Moises at ang mga pinuno, ang mga ulo ng mga angkan ng mga Israelita. 2  Sinabi nila: “Iniutos ni Jehova sa panginoon ko na hati-hatiin ang lupain bilang mana ng mga Israelita sa pamamagitan ng palabunutan;+ at inutusan ni Jehova ang panginoon ko na ibigay ang mana ng kapatid naming si Zelopehad sa mga anak nitong babae.+ 3  Kung mag-asawa sila ng mula sa ibang tribo ng Israel, ang mana nila ay maaalis sa mana ng aming mga ama at madaragdag sa mana ng tribo ng mapapangasawa nila, kaya maaalis iyon mula sa mana na nakuha namin sa palabunutan. 4  At kapag dumating na ang taon ng Jubileo+ sa bayang Israel, ang mana nila ay madaragdag pa rin sa mana ng tribo ng napangasawa nila, kaya maaalis ang mana nila mula sa mana ng tribo ng aming mga ama.” 5  Kaya sinabi ni Moises sa mga Israelita ayon sa utos ni Jehova: “Tama ang tribo ng mga anak ni Jose. 6  Ito ang iniutos ni Jehova para sa mga anak na babae ni Zelopehad: ‘Puwede nilang mapangasawa ang sinumang gustuhin nila, pero dapat na mula ito sa isa sa mga pamilya ng tribo ng ama nila. 7  Hindi dapat magpalipat-lipat ng tribo ang mana ng mga Israelita, dahil ang mana nila ay dapat manatili sa tribo ng mga ninuno nila. 8  At kung ang isang anak na babae ay tumanggap ng mana mula sa isang tribo ng Israel, dapat na mula sa tribo ng ama niya ang maging asawa niya,+ para manatiling pag-aari ng mga Israelita ang mana ng mga ninuno nila. 9  Ang mana ay hindi dapat magpalipat-lipat ng tribo, dahil ang mana ng bawat tribo ng Israel ay dapat manatili sa kanila.’” 10  Ginawa ng mga anak na babae ni Zelopehad ang iniutos ni Jehova kay Moises.+ 11  Kaya ang mga anak na babae ni Zelopehad na sina Maala, Tirza, Hogla, Milca, at Noa+ ay naging asawa ng mga anak ng mga kapatid na lalaki ng ama nila. 12  Nag-asawa sila ng mula sa mga pamilya ni Manases na anak ni Jose para manatili ang mana nila sa tribo ng pamilya ng ama nila. 13  Ito ang mga utos at hudisyal na pasiya na ibinigay ni Jehova sa mga Israelita sa pamamagitan ni Moises sa mga tigang na kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico.+

Talababa