Liham sa mga Taga-Colosas 4:1-18
4 Kayong mga panginoon, maging matuwid kayo at patas sa pagtrato sa inyong mga alipin, dahil alam ninyong may Panginoon din kayo sa langit.+
2 Magmatiyaga kayo sa pananalangin+ para manatili kayong gisíng, at maging mapagpasalamat kayo.+
3 At manalangin din kayo para sa amin,+ na magbukas sana ng daan ang Diyos para maihayag namin ang kaniyang salita, ang sagradong lihim tungkol sa Kristo, na dahilan kung bakit ako nasa bilangguan,+
4 at para maihayag ko ito nang malinaw gaya ng nararapat.
5 Patuloy na lumakad nang may karunungan kapag kasama ninyo ang mga di-kapananampalataya,* at gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo.*+
6 Laging maging mabait sa inyong pananalita, na tinitimplahan ito ng asin,+ para malaman ninyo kung paano kayo dapat sumagot sa bawat isa.+
7 Si Tiquico,+ isang minamahal na kapatid at kapuwa alipin at tapat na lingkod ng Panginoon, ang magdadala sa inyo ng balita tungkol sa akin.
8 Isinusugo ko siya sa inyo para malaman ninyo ang kalagayan namin at para maaliw niya kayo.
9 Kasama niya si Onesimo,+ ang tapat at minamahal kong kapatid na galing sa inyo. Sasabihin nila sa inyo ang lahat ng nangyayari dito.
10 Binabati kayo ni Aristarco+ na kapuwa ko bihag, pati ng pinsan ni Bernabe na si Marcos+ (ang tinutukoy namin na malugod ninyong tanggapin+ kung sakaling pumunta siya sa inyo),
11 at ni Jesus na tinatawag na Justo, na mga kabilang sa mga tuli. Sila lang ang mga kamanggagawa ko para sa Kaharian ng Diyos, at talagang napalalakas* nila ako.
12 Binabati kayo ni Epafras,+ isang alipin ni Kristo Jesus na galing sa inyo. Lagi siyang nananalangin nang marubdob para sa inyo, para manatili kayong may-gulang* at nanghahawakan sa lahat ng kalooban ng Diyos hanggang sa wakas.
13 Sinasabi ko sa inyo na talagang nagpagal siya para sa inyo at sa mga nasa Laodicea at Hierapolis.
14 Binabati kayo ni Lucas,+ ang minamahal na doktor, at ni Demas.+
15 Iparating ninyo ang pagbati ko sa mga kapatid sa Laodicea at kay Nimfa at sa kongregasyon na nagtitipon sa bahay niya.+
16 Kapag nabasa na ninyo ang liham na ito, isaayos ninyo na mabasa+ rin ito ng kongregasyon sa Laodicea at basahin din ninyo ang liham na ipinadala ko sa Laodicea.
17 Sabihin din ninyo kay Arquipo:+ “Magpokus ka* sa ministeryong tinanggap mo mula sa Panginoon para maisagawa mo ito.”
18 Ako, si Pablo, ay bumabati rin sa inyo.*+ Patuloy ninyong isaisip ang mga gapos ko sa bilangguan.+ Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan.
Talababa
^ O “ang mga nasa labas.”
^ O “at bilhin ninyo ang naaangkop na panahon.”
^ O “napapatibay.”
^ O “ganap; may matibay na pananampalataya.”
^ O “Magsikap ka nang husto.”
^ Lit., “Narito ang pagbati ko, ni Pablo, mula sa sarili kong kamay.”