Daniel 3:1-30
-
Ang gintong imahen ni Haring Nabucodonosor (1-7)
-
Ipinag-utos na sambahin ang imahen (4-6)
-
-
Tatlong Hebreo, inakusahang hindi sumusunod (8-18)
-
‘Hindi kami maglilingkod sa iyong mga diyos’ (18)
-
-
Inihagis sa nagniningas na hurno (19-23)
-
Makahimalang pagliligtas mula sa hurno (24-27)
-
Dinakila ng hari ang Diyos ng mga Hebreo (28-30)
3 Ang haring si Nabucodonosor ay gumawa ng isang gintong imahen* na 60 siko* ang taas at 6 na siko* ang lapad. Itinayo niya iyon sa kapatagan ng Dura sa nasasakupang distrito ng Babilonya.
2 Pagkatapos, ipinatawag ni Haring Nabucodonosor ang mga satrapa, prepekto, gobernador, tagapayo, ingat-yaman, hukom, mahistrado, at lahat ng administrador ng mga nasasakupang distrito para sa inagurasyon ng imaheng itinayo ni Haring Nabucodonosor.
3 Kaya ang mga satrapa, prepekto, gobernador, tagapayo, ingat-yaman, hukom, mahistrado, at lahat ng administrador ng mga nasasakupang distrito ay nagtipon para sa inagurasyon ng imaheng itinayo ni Haring Nabucodonosor. At tumayo sila sa harap ng imaheng itinayo ni Nabucodonosor.
4 Ipinahayag ng tagapagbalita: “Inuutusan kayo, O mga bayan at bansa na iba’t iba ang wika,
5 na kapag narinig ninyo ang tunog ng tambuli, plawta, sitara, alpang tatsulok, instrumentong de-kuwerdas, gaita,* at lahat ng iba pang instrumentong pangmusika, dapat kayong sumubsob sa lupa at sumamba sa gintong imahen na itinayo ni Haring Nabucodonosor.
6 Ang sinumang hindi susubsob sa lupa at sasamba ay agad na ihahagis sa nagniningas na hurno.”+
7 Kaya nang marinig ng lahat ng bayan at bansa na iba’t iba ang wika ang tunog ng tambuli, plawta, sitara, alpang tatsulok, instrumentong de-kuwerdas, at lahat ng iba pang instrumentong pangmusika, sumubsob sila sa lupa at sumamba sa gintong imahen na itinayo ni Haring Nabucodonosor.
8 Ngayon, may ilang Caldeo na lumapit sa hari, at inakusahan* nila ang mga Judio.
9 Sinabi nila kay Haring Nabucodonosor: “O hari, mabuhay ka nawa magpakailanman.
10 O hari, ipinag-utos mo na ang sinumang makarinig sa tunog ng tambuli, plawta, sitara, alpang tatsulok, instrumentong de-kuwerdas, gaita, at lahat ng iba pang instrumentong pangmusika ay dapat sumubsob sa lupa at sumamba sa gintong imahen;
11 at ang sinumang hindi susubsob sa lupa at sasamba ay dapat ihagis sa nagniningas na hurno.+
12 Pero ang ilang Judiong inatasan mo na mangasiwa sa nasasakupang distrito ng Babilonya, sina Sadrac, Mesac, at Abednego,+ ay hindi gumalang sa iyo, O hari. Hindi sila naglilingkod sa iyong mga diyos, at ayaw nilang sambahin ang gintong imahen na itinayo mo.”
13 Galit na galit si Nabucodonosor, at ipinatawag niya sina Sadrac, Mesac, at Abednego. Kaya dinala ang mga lalaking ito sa harap ng hari.
14 Sinabi ni Nabucodonosor: “Sadrac, Mesac, at Abednego, totoo bang hindi kayo naglilingkod sa aking mga diyos+ at ayaw ninyong sambahin ang gintong imahen na itinayo ko?
15 Ngayon, kapag narinig ninyo ang tunog ng tambuli, plawta, sitara, alpang tatsulok, instrumentong de-kuwerdas, gaita, at lahat ng iba pang instrumentong pangmusika at handa kayong sumubsob sa lupa at sumamba sa imaheng ginawa ko, mabuti. Pero kung ayaw ninyong sumamba, agad kayong ihahagis sa nagniningas na hurno. At sinong diyos ang makapagliligtas sa inyo mula sa kamay ko?”+
16 Sinabi nina Sadrac, Mesac, at Abednego sa hari: “O Nabucodonosor, hindi namin kailangang magpaliwanag sa iyo tungkol dito.
17 Kung ihahagis kami sa nagniningas na hurno, kaya kaming iligtas ng Diyos na pinaglilingkuran namin mula roon at mula sa iyong kamay, O hari.+
18 Pero kung hindi man niya kami iligtas, gusto naming malaman mo, O hari, na hindi pa rin kami maglilingkod sa iyong mga diyos o sasamba sa gintong imahen na itinayo mo.”+
19 Nagalit nang husto si Nabucodonosor kina Sadrac, Mesac, at Abednego kaya nagbago ang ekspresyon ng mukha niya,* at iniutos niyang painitin ang hurno nang pitong beses na mas mainit kaysa sa dati.
20 Inutusan niya ang ilan sa malalakas na lalaki mula sa kaniyang hukbo na igapos sina Sadrac, Mesac, at Abednego at ihagis sila sa nagniningas na hurno.
21 Kaya iginapos ang mga lalaking ito na suot ang kanilang balabal, damit, gora,* at lahat ng iba pa nilang kasuotan, at inihagis sila sa nagniningas na hurno.
22 Dahil napakalupit ng utos ng hari at napakainit ng hurno, napatay ng naglalagablab na apoy ang mga lalaking nagdala kina Sadrac, Mesac, at Abednego.
23 Pero ang tatlong lalaking ito, sina Sadrac, Mesac, at Abednego, ay bumagsak nang nakagapos sa nagniningas na hurno.
24 Natakot si Haring Nabucodonosor; agad siyang tumayo at sinabi niya sa kaniyang matataas na opisyal: “Hindi ba tatlong lalaki ang iginapos natin at inihagis sa apoy?” Sumagot sila: “Opo, O hari.”
25 Sinabi niya: “Tingnan ninyo! May nakikita akong apat na lalaki na naglalakad nang walang gapos sa gitna ng apoy; walang masamang nangyari sa kanila, at parang anak ng mga diyos ang ikaapat.”
26 Lumapit si Nabucodonosor sa pinto ng nagniningas na hurno, at sinabi niya: “Sadrac, Mesac, at Abednego, kayong mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos,+ lumabas kayo riyan!” At lumabas sa nagniningas na hurno sina Sadrac, Mesac, at Abednego.
27 At nakita ng mga satrapa, prepekto, gobernador, at matataas na opisyal ng hari na nagkakatipon doon+ na hindi napinsala ng apoy ang* katawan ng mga lalaking ito;+ walang isa mang buhok sa ulo nila ang nasunog, walang nagbago sa mga balabal nila, at hindi man lang sila nangamoy-usok.
28 At sinabi ni Nabucodonosor: “Purihin nawa ang Diyos nina Sadrac, Mesac, at Abednego,+ na nagsugo ng anghel niya at nagligtas sa mga lingkod niya. Nagtiwala sila sa kaniya at sumuway sa utos ng hari at handa pa ngang mamatay* sa halip na maglingkod o sumamba sa ibang diyos maliban sa kanilang sariling Diyos.+
29 Kaya iniuutos ko na pagputol-putulin ang katawan ng sinumang tao, anuman ang kaniyang bansa o wika, na magsasalita ng anumang laban sa Diyos nina Sadrac, Mesac, at Abednego, at ang bahay niya ay dapat gawing pampublikong palikuran;* dahil walang ibang diyos na makapagliligtas na gaya ng isang ito.”+
30 At binigyan ng hari ng mas mataas na posisyon* sina Sadrac, Mesac, at Abednego sa nasasakupang distrito ng Babilonya.+
Talababa
^ O “estatuwa.”
^ Sa Ingles, bagpipe.
^ O “siniraang-puri.”
^ O “kaya lubusang nagbago ang pakikitungo niya sa kanila.”
^ O “sombrero.”
^ O “na walang kapangyarihan ang apoy sa.”
^ O “at ibinigay ang katawan nila.”
^ O posibleng “gawing tambakan ng basura o dumi.”
^ Lit., “At pinaunlad ng hari.”