Ezra 5:1-17
5 At ang mga propetang si Hagai+ at si Zacarias+ na apo ni Ido+ ay naghayag ng hula sa mga Judio na nasa Juda at Jerusalem, sa pangalan ng Diyos ng Israel na gumagabay sa kanila.
2 Kaya sinimulan ni Zerubabel+ na anak ni Sealtiel at ni Jesua+ na anak ni Jehozadak ang pagtatayong muli sa bahay ng Diyos+ sa Jerusalem; kasama nila ang mga propeta ng Diyos at pinalalakas ng mga ito ang loob nila.+
3 Nang panahong iyon, pinuntahan sila ni Tatenai na gobernador ng rehiyon sa kabila ng Ilog* at ni Setar-bozenai at ng mga kasamahan nila at nagtanong: “Sino ang nag-utos sa inyo na itayo ang bahay na ito at gawin ang istrakturang* ito?”
4 Nagtanong pa sila: “Sino ang mga lalaking nagtatayo ng gusaling ito?”
5 Pero pinapatnubayan ng Diyos ang* matatandang lalaki ng mga Judio,+ at hindi sila napahinto ng mga iyon hanggang sa ang ulat ay makarating kay Dario at maibalik ang isang opisyal na dokumento tungkol dito.
6 Ito ang liham ni Tatenai na gobernador ng rehiyon sa kabila ng Ilog at ni Setar-bozenai at ng mga kasamahan niya, ang nakabababang mga gobernador ng rehiyon sa kabila ng Ilog, na ipinadala kay Haring Dario;
7 ipinadala nila ang ulat sa kaniya at ganito ang nakasulat:
“Kay Haring Dario:
“Sumainyo ang kapayapaan!
8 Dapat pong malaman ng hari na nagpunta kami sa distrito ng Juda sa bahay ng dakilang Diyos, at itinatayo ito gamit ang malalaking bato,* at ang mga kahoy ay inilalapat sa mga pader. Napakasipag nila at marami na silang nagagawa.
9 Tinanong namin ang matatandang lalaki: ‘Sino ang nag-utos sa inyo na itayo ang bahay na ito at gawin ang istrakturang* ito?’+
10 Itinanong din namin ang mga pangalan nila para maisulat namin at maipaalám sa inyo kung sino ang mga lalaking nangunguna sa kanila.
11 “Ito ang isinagot nila sa amin: ‘Kami ang mga lingkod ng Diyos ng langit at ng lupa, at itinatayo naming muli ang bahay na itinayo ng isang dakilang hari ng Israel maraming taon na ang lumipas.+
12 Pero dahil ginalit ng aming mga ama ang Diyos ng langit,+ ibinigay niya sila sa kamay ni Haring Nabucodonosor+ ng Babilonya, ang Caldeo. Winasak ng hari ang bahay na ito+ at ang bayan ay dinala niyang bihag sa Babilonya.+
13 Gayunman, noong unang taon ni Haring Ciro ng Babilonya, iniutos ni Haring Ciro na muling itayo ang bahay na ito ng Diyos.+
14 Bukod diyan, inilabas ni Haring Ciro mula sa templo ng Babilonya ang mga sisidlang yari sa ginto at pilak na kinuha noon ni Nabucodonosor mula sa templo ng Diyos sa Jerusalem at dinala sa templo ng Babilonya.+ Ibinigay ang mga iyon kay Sesbazar,*+ na inatasan ni Ciro na maging gobernador.+
15 Sinabi ni Ciro sa kaniya: “Kunin mo ang mga lalagyang ito, at ilagay mo sa templo sa Jerusalem. Muli mong itayo ang bahay ng Diyos sa dati nitong lugar.”+
16 Pagdating ni Sesbazar, ginawa niya ang mga pundasyon ng bahay ng Diyos+ sa Jerusalem; noon sinimulan ang pagtatayo pero hindi pa ito natatapos hanggang ngayon.’+
17 “Kung mabuti po sa paningin ng hari, magkaroon sana ng imbestigasyon sa kabang-yaman ng hari sa Babilonya, para malaman kung talagang iniutos ni Haring Ciro na muling itayo ang bahay na iyon ng Diyos sa Jerusalem;+ at ipaalám sana sa amin ang pasiya ng hari tungkol dito.”
Talababa
^ O “sa kanluran ng Eufrates.”
^ O “mga bigang.”
^ Lit., “ang mata ng Diyos nila ay nasa.”
^ O “malalaking bato na iginugulong sa mga puwesto nito.”
^ O “mga bigang.”