Liham sa mga Taga-Filipos 3:1-21

  • Hindi nagtitiwala sa laman (1-11)

    • Dahil sa Kristo, itinuring na walang halaga ang lahat ng bagay (7-9)

  • Buong lakas na tumatakbo para maabot ang tunguhin (12-21)

    • Pagkamamamayan sa langit (20)

3  Kaya, mga kapatid ko, patuloy kayong magsaya dahil sa Panginoon.+ Hindi naman pabigat para sa akin na ulitin ko ang mga naisulat ko na, dahil gusto kong maprotektahan kayo. 2  Mag-ingat kayo sa maruruming tao;* mag-ingat kayo sa mga namiminsala; at mag-ingat kayo sa mga nagtataguyod ng pagtutuli.*+ 3  Dahil tayo ang mga tunay na tinuli,+ tayo na naglilingkod* sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos at ipinagmamalaki si Kristo Jesus+ at hindi nagtitiwala sa laman, 4  kahit ako ang talagang may dahilan para magtiwala sa laman. Kaya kung may nag-iisip na may dahilan siya para magtiwala sa laman, mas marami akong dahilan: 5  tinuli nang ikawalong araw,+ mula sa bansang Israel, mula sa tribo ni Benjamin, isang Hebreo na may mga magulang na Hebreo;+ kung tungkol sa kautusan, isang Pariseo;+ 6  kung tungkol sa sigasig, pinag-usig ang kongregasyon;+ at kung tungkol sa katuwiran na batay sa kautusan, walang maipipintas sa akin. 7  Pero dahil sa Kristo, itinuring kong walang halaga* ang mga bagay na napakahalaga noon sa akin.+ 8  Higit pa riyan, itinuring ko ring walang halaga ang lahat ng bagay dahil sa nakahihigit na halaga ng kaalaman tungkol kay Kristo Jesus na aking Panginoon. Alang-alang sa kaniya, tinalikuran ko ang lahat ng bagay at itinuring na basura ang mga iyon para makuha ang pabor ni Kristo 9  at mapatunayang kaisa niya, hindi sa pamamagitan ng sarili kong katuwiran* dahil sa pagsunod sa Kautusan, kundi sa pamamagitan ng katuwirang mula sa pananampalataya+ kay Kristo,+ ang katuwirang mula sa Diyos salig sa pananampalataya.+ 10  Tunguhin kong makilala siya, maunawaan ang kapangyarihan ng kaniyang pagkabuhay-muli,+ at magdusang gaya niya+ at maranasan ang kamatayang katulad ng sa kaniya,+ 11  para makita ko kung posibleng maranasan nang mas maaga ang pagkabuhay-muli mula sa mga patay.+ 12  Hindi ko naman sinasabing tinanggap ko na iyon o naabot ko na ang tunguhin ko,* kundi talagang nagsisikap ako+ para makuha ang gantimpalang itinakda ni Kristo Jesus para sa akin.+ 13  Mga kapatid, hindi ko iniisip na nakuha ko na iyon; pero ito ang tiyak: Hindi ko na inaalaala ang mga bagay na nasa likuran+ at buong lakas akong tumatakbo para sa mga bagay na nasa unahan,+ 14  dahil nagsisikap akong maabot ang tunguhin ko—ang makuha ang gantimpala+ ng makalangit na pagtawag+ ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus. 15  Kung gayon, maging ganito sana ang takbo ng pag-iisip nating lahat na maygulang,*+ pero kung hindi ganito ang takbo ng isip ninyo, tutulungan kayo ng Diyos na magkaroon ng tamang saloobin. 16  Gayunman, anumang antas ng pagsulong ang naabot na natin, patuloy tayong lumakad nang maayos sa gayong landasin. 17  Tularan ninyo akong lahat,+ mga kapatid, at patuloy na ituon ang inyong pansin sa mga namumuhay kaayon ng halimbawang iniwan namin sa inyo. 18  Dahil marami ang namumuhay na bilang kaaway ng pahirapang tulos* ng Kristo. Madalas ko pa naman silang banggitin sa inyo noon, pero ngayon ay naiiyak na ako kapag binabanggit ko sila. 19  Pagkapuksa ang kahihinatnan nila, ang kanilang tiyan ang diyos nila, ipinagmamalaki nila ang mga dapat sanang ikahiya, at nakatuon ang isip nila sa makasanlibutang mga bagay.+ 20  Pero ang pagkamamamayan+ natin ay sa langit,+ at sabik nating hinihintay ang isang tagapagligtas mula roon, ang Panginoong Jesu-Kristo;+ 21  babaguhin niya ang mahinang katawan natin para maging gaya ng* kaniyang maluwalhating katawan+ sa pamamagitan ng malakas na kapangyarihang gagamitin niya para ipasakop ang lahat ng bagay sa kaniyang sarili.+

Talababa

Lit., “sa mga aso.”
O “mga pumuputol ng laman.”
O “na nag-uukol ng sagradong paglilingkod.”
O posibleng “tinalikuran ko nang walang panghihinayang.”
Tingnan sa Glosari.
Lit., “naging perpekto na ako.”
O “na matibay ang pananampalataya.”
Tingnan sa Glosari.
Lit., “para maiayon sa.”