Mga Gawa ng mga Apostol 22:1-30
22 “Mga kapatid at mga ama, pakinggan ninyo ang pagtatanggol ko.”+
2 Nang marinig nila na kinakausap niya sila sa wikang Hebreo, lalo pa silang tumahimik. Sinabi niya:
3 “Ako ay isang Judio+ na ipinanganak sa Tarso ng Cilicia,+ pero nag-aral ako sa lunsod na ito sa paanan ni Gamaliel,+ tinuruan na mahigpit na sundin ang Kautusan+ ng mga ninuno, at masigasig sa paglilingkod sa Diyos gaya ninyong lahat sa araw na ito.+
4 Pinag-usig ko ang Daang ito hanggang kamatayan; iginapos ko at ipinabilanggo ang mga lalaki at babae,+
5 at mapapatotohanan iyan ng mataas na saserdote at ng buong kapulungan ng matatandang lalaki. Kumuha rin ako sa kanila ng mga liham na ipapakita sa mga kapatid* sa Damasco, at naglalakbay na ako noon para arestuhin* ang mga alagad doon at dalhin sa Jerusalem para maparusahan.
6 “Pero nang malapit na ako sa Damasco, bandang tanghali, biglang suminag sa akin ang isang nakasisilaw na liwanag mula sa langit,+
7 at nabuwal ako at may narinig na tinig: ‘Saul, Saul, bakit mo ako inuusig?’
8 Sinabi ko: ‘Sino ka, Panginoon?’ Sumagot siya: ‘Ako si Jesus na Nazareno, ang inuusig mo.’
9 Nakita ng mga lalaking kasama ko ang liwanag, pero hindi nila naintindihan ang sinasabi ng tinig.
10 At sinabi ko: ‘Ano ang gagawin ko, Panginoon?’ Sinabi ng Panginoon: ‘Pumunta ka sa Damasco, at sasabihin sa iyo roon ang dapat mong gawin.’*+
11 Pero hindi ako makakita dahil sa tindi ng liwanag na iyon, kaya inakay ako ng mga kasama ko hanggang makarating sa Damasco.
12 “At si Ananias, isang lalaking makadiyos at sumusunod sa Kautusan at may mabuting ulat mula sa lahat ng Judiong nakatira doon,
13 ay pumunta sa akin. Habang nakatayo sa tabi ko, sinabi niya: ‘Saul, kapatid, makakita kang muli!’ At agad na bumalik ang paningin ko at nakita ko siya.+
14 Sinabi niya: ‘Pinili ka ng Diyos ng ating mga ninuno para malaman ang kalooban niya at makita ang isa na matuwid+ at marinig ang tinig niya,
15 dahil magiging saksi ka para sa kaniya at ihahayag mo sa lahat ng tao ang mga nakita at narinig mo.+
16 Kaya ano pa ang hinihintay mo? Magpabautismo ka at hugasan mo ang mga kasalanan mo+ sa pamamagitan ng pagtawag sa pangalan niya.’+
17 “Pero pagbalik ko sa Jerusalem,+ nakakita ako ng pangitain habang nananalangin sa templo.
18 Nakita ko siya na nagsabi sa akin: ‘Umalis ka agad sa Jerusalem, dahil hindi nila tatanggapin ang patotoo mo tungkol sa akin.’+
19 At sinabi ko: ‘Panginoon, alam na alam nila na pumupunta ako noon sa bawat sinagoga at ipinabibilanggo ko at pinagpapapalo ang mga naniniwala sa iyo;+
20 at nang pinapatay nila ang saksi mong si Esteban, nakatayo ako sa tabi at sinasang-ayunan iyon, at binabantayan ko ang balabal ng mga bumabato sa kaniya.’+
21 Pero sinabi niya: ‘Lumakad ka na, dahil isusugo kita sa malalayong bansa.’”+
22 Patuloy silang nakinig sa kaniya hanggang sa sabihin niya iyon. Pagkatapos, isinigaw nila: “Dapat mawala ang taong iyan sa ibabaw ng lupa, dahil hindi siya dapat mabuhay!”
23 Dahil sumisigaw sila, inihahagis ang mga balabal nila, at nagsasaboy ng alabok sa hangin,+
24 iniutos ng kumandante ng militar na dalhin si Pablo sa kuwartel ng mga sundalo at sinabing dapat siyang pagtatanungin habang hinahagupit para malaman ang totoong dahilan kung bakit iyon isinisigaw ng mga tao laban kay Pablo.
25 Nang maitali na nila siya para hagupitin, sinabi ni Pablo sa opisyal ng hukbo na naroon: “Tama bang hagupitin ninyo ang isang Romano* na hindi pa nahahatulan?”*+
26 Nang marinig ito ng opisyal ng hukbo, pinuntahan niya ang kumandante ng militar at sinabi: “Ano ang balak mong gawin? Romano ang taong ito.”
27 Kaya lumapit ang kumandante ng militar at tinanong siya: “Sabihin mo, Romano ka ba?” Sinabi niya: “Oo.”
28 Sinabi ng kumandante ng militar: “Nagbayad ako ng malaki para magkaroon ng mga karapatang ito bilang mamamayan.” Sinabi ni Pablo: “Pero ako ay ipinanganak na Romano.”+
29 Biglang napaatras ang mga lalaking magtatanong sana at magpapahirap kay Pablo; at natakot ang kumandante ng militar nang malaman na Romano ito, dahil iginapos niya ito.+
30 Kinabukasan, dahil gusto niyang malaman kung bakit talaga inaakusahan ng mga Judio si Pablo, pinalaya niya ito at ipinag-utos na magtipon ang mga punong saserdote at ang buong Sanedrin. At pinatayo niya si Pablo sa gitna nila.+
Talababa
^ Mga kapuwa Judio.
^ Lit., “igapos.”
^ O “ang itinakda para sa iyo na gawin mo.”
^ O “mamamayang Romano.”
^ O “nalilitis.”