Mga Gawa ng mga Apostol 23:1-35

  • Nagsalita si Pablo sa harap ng Sanedrin (1-10)

  • Pinatibay ng Panginoon si Pablo (11)

  • Pagsasabuwatan para patayin si Pablo (12-22)

  • Dinala si Pablo sa Cesarea (23-35)

23  Habang nakatinging mabuti sa Sanedrin, sinabi ni Pablo: “Mga kapatid, alam ng Diyos na hanggang sa araw na ito ay malinis ang konsensiya*+ ko.” 2  Dahil dito, iniutos ng mataas na saserdoteng si Ananias sa mga nakatayo sa tabi ni Pablo na sampalin ito sa bibig. 3  Kaya sinabi ni Pablo: “Sasaktan ka ng Diyos, ikaw na pinaputing pader. Tama bang hatulan mo ako ayon sa Kautusan, pero nilalabag mo naman ang Kautusan sa pag-uutos na saktan ako?” 4  Sinabi ng mga nakatayo sa tabi: “Iniinsulto mo ba ang mataas na saserdote ng Diyos?” 5  Sinabi ni Pablo: “Mga kapatid, hindi ko alam na siya ay mataas na saserdote. Dahil nasusulat, ‘Huwag kang magsasalita ng masama sa isang tagapamahala ng iyong bayan.’”+ 6  At dahil alam ni Pablo na ang kalahati ng grupo ay Saduceo at ang kalahati ay Pariseo, sinabi niya sa Sanedrin: “Mga kapatid, ako ay isang Pariseo,+ isang anak ng mga Pariseo. Hinahatulan ako dahil naniniwala ako sa pag-asang mabubuhay-muli ang mga patay.” 7  Dahil sa sinabi niya, nagtalo-talo ang mga Pariseo at Saduceo, at nahati ang grupo; 8  dahil sinasabi ng mga Saduceo na walang pagkabuhay-muli, anghel, o espiritu, pero pinaniniwalaan* naman ng mga Pariseo ang lahat ng iyon.+ 9  Kaya nagsigawan ang mga tao, at ilang eskriba mula sa grupo ng mga Pariseo ang tumayo at nakipagtalo at nagsabi: “Wala kaming makitang mali sa taong ito, pero kung isang espiritu o anghel ang nagsalita sa kaniya+—.” 10  Nang maging marahas na ang pagtatalo, natakot ang kumandante ng militar na baka mapatay nila si Pablo, kaya iniutos niya sa mga sundalo na kunin siya sa gitna nila at dalhin sa kuwartel ng mga sundalo. 11  Pero nang sumunod na gabi, tumayo sa tabi niya ang Panginoon at nagsabi: “Lakasan mo ang loob mo!+ Dahil kung paanong lubusan kang nagpapatotoo tungkol sa akin sa Jerusalem, gayon ka rin magpapatotoo sa Roma.”+ 12  Kinaumagahan, nagsabuwatan ang mga Judio at sumumpa* na hindi sila kakain o iinom hangga’t hindi nila napapatay si Pablo. 13  Mahigit 40 ang sumumpa at sumali sa sabuwatang ito. 14  Pumunta sila sa mga punong saserdote at matatandang lalaki, at sinabi nila: “Sumumpa kaming* hindi kami kakain ng anuman hangga’t hindi namin napapatay si Pablo. 15  Kaya sabihin ninyo at ng Sanedrin sa kumandante na dalhin siya sa inyo; kunwari ay gusto ninyong suriing mabuti ang kaso niya. Pero bago siya makarating sa inyo, papatayin na namin siya.” 16  Narinig ng pamangking lalaki* ni Pablo ang plano nilang pananambang, kaya pumunta siya sa kuwartel ng mga sundalo, at sinabi niya ito kay Pablo. 17  At tinawag ni Pablo ang isa sa mga opisyal ng hukbo at sinabi: “Isama mo ang kabataang ito sa kumandante dahil may kailangan siyang ipaalám.” 18  Kaya isinama niya ang kabataan sa kumandante at sinabi: “Tinawag ako ng bilanggong si Pablo at hiniling na dalhin sa iyo ang kabataang ito, dahil may sasabihin ito sa iyo.” 19  Hinawakan ito ng kumandante sa kamay, inilayo, at tinanong: “Ano ang sasabihin mo?” 20  Sinabi niya: “Nagkasundo ang mga Judio na sabihin sa iyo na dalhin si Pablo bukas sa Sanedrin. Kunwari, may gusto pa silang alamin tungkol sa kaso niya.+ 21  Pero huwag ka sanang pumayag, dahil mahigit 40 sa kanila ang mananambang sa kaniya. Sumumpa silang* hindi sila kakain o iinom hangga’t hindi nila siya napapatay;+ at hinihintay na lang nilang aprobahan mo ang hiling nila.” 22  Pagkatapos, pinaalis ng kumandante ang kabataan pero nagbilin ito: “Huwag mong sasabihin sa iba na ipinaalám mo ito sa akin.” 23  At tinawag niya ang dalawa sa mga opisyal ng hukbo at sinabi: “Maghanda kayo ng 200 sundalong magmamartsa papuntang Cesarea, gayundin ng 70 mangangabayo at 200 maninibat, sa ikatlong oras ng gabi.* 24  Maghanda rin kayo ng mga kabayong masasakyan ni Pablo para ligtas ninyo siyang madala kay Felix na gobernador.” 25  At isinulat niya sa isang liham: 26  “Mula kay Claudio Lisias, para sa kaniyang Kamahalan, Gobernador Felix: Mga pagbati! 27  Ang lalaking ito ay sinunggaban ng mga Judio at papatayin na sana, pero dumating kami agad ng mga sundalo ko at iniligtas siya,+ dahil nalaman kong Romano siya.+ 28  At dahil gusto kong malaman kung bakit nila siya inaakusahan, dinala ko siya sa kanilang Sanedrin.+ 29  Nalaman kong inaakusahan siya ng paglabag sa sarili nilang Kautusan,+ pero walang paratang sa kaniya na nararapat sa kamatayan o pagkabilanggo. 30  Pero dahil naipaalám sa akin na may pakana laban sa taong ito,+ ipinadala ko siya agad sa iyo at inutusan ang mga nag-aakusa sa kaniya na magsalita sa harap mo.” 31  Kaya isinama ng mga sundalo si Pablo+ ayon sa utos sa kanila, at dinala nila siya nang gabi sa Antipatris. 32  Kinabukasan, hinayaan nila ang mga mangangabayo na magpatuloy na kasama niya, at bumalik sila sa kuwartel ng mga sundalo. 33  Nakarating ang mga mangangabayo sa Cesarea, ibinigay ang liham sa gobernador, at iniharap si Pablo sa kaniya. 34  Kaya binasa niya iyon at tinanong si Pablo kung saang lalawigan siya galing, at nalaman niyang mula siya sa Cilicia.+ 35  “Diringgin kong mabuti ang kaso mo,” ang sabi niya, “kapag dumating na ang mga nag-aakusa sa iyo.”+ At ipinag-utos niya na ibilanggo siya sa palasyo* ni Herodes.

Talababa

O “budhi.”
O “inihahayag.”
O “at nagpatali sa isang sumpa.” Ibig sabihin, naniniwala silang may darating na sumpa sa kanila kapag hindi nila natupad ang napagkasunduan nila.
O “Nagpatali kami sa isang sumpa na.” Ibig sabihin, naniniwala silang may darating na sumpa sa kanila kapag hindi nila natupad ang napagkasunduan nila.
O “ng anak ng kapatid na babae.”
O “Nagpatali sila sa isang sumpa na.” Ibig sabihin, naniniwala silang may darating na sumpa sa kanila kapag hindi nila natupad ang napagkasunduan nila.
Mga 9:00 n.g.
O “pretorio.”