Hagai 1:1-15
1 Nang ikalawang taon ni Haring Dario, noong unang araw ng ikaanim na buwan, ang mensahe ni Jehova sa pamamagitan ng propetang si Hagai*+ ay dumating sa gobernador ng Juda na si Zerubabel+ na anak ni Sealtiel at sa mataas na saserdoteng si Josue na anak ni Jehozadak. Ganito ang sinasabi ng mensahe:
2 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Sinasabi ng mga taong ito, “Hindi pa panahon para itayo* ang bahay* ni Jehova.”’”+
3 At ang mensahe ni Jehova ay muling dumating sa pamamagitan ng propetang si Hagai,+ na nagsasabi:
4 “Ito ba ang panahon para tumira kayo sa naggagandahan ninyong mga bahay, samantalang ang bahay na ito ay giba?+
5 Ngayon ay ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Pag-isipan ninyong mabuti ang ginagawa ninyo.
6 Naghahasik kayo ng maraming binhi, pero kakaunti ang inaani ninyo.+ Kumakain kayo, pero hindi kayo nabubusog. Umiinom kayo, pero laging kulang. Nagsusuot kayo ng damit, pero hindi kayo naiinitan. Ang nagtatrabaho ay naglalagay ng suweldo niya sa isang supot na butas-butas.’”
7 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Pag-isipan ninyong mabuti ang ginagawa ninyo.’
8 “‘Umakyat kayo sa bundok at manguha ng kahoy.+ At itayo ninyo ang bahay,+ para kalugdan ko iyon at ako ay luwalhatiin,’+ ang sabi ni Jehova.”
9 “‘Umaasa kayo ng marami pero kaunti ang natatanggap ninyo; at nang dalhin ninyo iyon sa bahay, hinipan ko iyon palayo.+ Bakit?’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo. ‘Dahil giba ang bahay ko, samantalang kayo ay paroo’t parito para asikasuhin ang sarili ninyong bahay.+
10 Kaya ipinagkait sa inyo ng langit ang kaniyang hamog, at ipinagkait ng lupa ang kaniyang ani.
11 At patuloy akong nagpasapit ng pagkatuyot sa lupa, sa mga bundok, sa butil, sa bagong alak, sa langis, sa mga ibinubunga ng lupa, sa mga tao at alagang hayop, at sa lahat ng pinaghirapan ng mga kamay ninyo.’”
12 Si Zerubabel+ na anak ni Sealtiel,+ ang mataas na saserdoteng si Josue na anak ni Jehozadak,+ at ang lahat ng iba pa sa bayan ay nakinig sa tinig ni Jehova na kanilang Diyos at sa mga sinabi ng propetang si Hagai, dahil ipinadala siya ni Jehova na kanilang Diyos; at ang bayan ay nagsimulang matakot kay Jehova.
13 At si Hagai, ang mensahero ni Jehova, ay nagbigay ng ganitong mensahe sa bayan gaya ng iniutos sa kaniya ni Jehova: “‘Ako ay sumasainyo,’+ ang sabi ni Jehova.”
14 At pinukaw ni Jehova ang puso*+ ng gobernador ng Juda+ na si Zerubabel na anak ni Sealtiel, ang puso ng mataas na saserdoteng si Josue+ na anak ni Jehozadak, at ang puso ng lahat ng iba pa sa bayan; at nagpunta sila sa bahay ni Jehova ng mga hukbo na Diyos nila at sinimulan nilang gawin iyon.+
15 Ito ay noong ika-24 na araw ng ikaanim na buwan sa ikalawang taon ni Haring Dario.+
Talababa
^ Ibig sabihin, “Ipinanganak sa Panahon ng Kapistahan.”
^ O “itayong muli.”
^ O “templo.”
^ Lit., “espiritu.”