Hagai 2:1-23
2 Noong ika-21 araw ng ikapitong buwan, ang mensaheng ito ni Jehova ay dumating sa pamamagitan ng propetang si Hagai:+
2 “Pakisuyo, tanungin mo ang gobernador ng Juda+ na si Zerubabel+ na anak ni Sealtiel, ang mataas na saserdoteng si Josue+ na anak ni Jehozadak,+ at ang iba pa sa bayan:
3 ‘Sino sa inyo ang nakakita sa bahay* na ito sa dati nitong kaluwalhatian?+ Ano ang tingin ninyo rito ngayon? Hindi ba parang bale-wala ito kung ikukumpara sa dati?’+
4 “‘Pero ngayon ay magpakalakas ka, Zerubabel,’ ang sabi ni Jehova, ‘at magpakalakas ka, Josue na anak ni Jehozadak, na mataas na saserdote.’
“‘At magpakalakas kayo, lahat kayong mamamayan ng lupain,’+ ang sabi ni Jehova, ‘at kumilos kayo.’
“‘Dahil ako ay sumasainyo,’+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
5 ‘Alalahanin ninyo ang ipinangako ko nang lumabas kayo sa Ehipto,+ at ang espiritu ko ay nananatili sa inyo.*+ Huwag kayong matakot.’”+
6 “Dahil ito ang sinasabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Minsan pa—kaunting panahon na lang—at uugain ko ang langit at ang lupa at ang dagat at ang tuyong lupa.’+
7 “‘At uugain ko ang lahat ng bansa, at ang kayamanan* ng lahat ng bansa ay darating;+ at pupunuin ko ng kaluwalhatian ang bahay na ito,’+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
8 “‘Ang pilak ay akin, at ang ginto ay akin,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
9 “‘Magiging mas maluwalhati ang bahay na ito kaysa sa dati,’+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
“‘At magbibigay ako ng kapayapaan sa lugar na ito,’+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.”
10 Nang ika-24 na araw ng ikasiyam na buwan, nang ikalawang taon ni Dario, ang mensahe ni Jehova ay dumating sa propetang si Hagai,+ na nagsasabi:
11 “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Pakisuyo, tanungin mo ang mga saserdote tungkol sa kautusan:+
12 “Kung ang isang tao ay may dalang banal na karne sa tupi ng damit niya, at sumagi ang damit niya sa tinapay o nilaga o alak o langis o sa anumang uri ng pagkain, magiging banal ba iyon?”’”
Sumagot ang mga saserdote: “Hindi!”
13 Pagkatapos, nagtanong si Hagai: “Kung ang sinuman ay marumi dahil napadikit siya sa isang bangkay* at pagkatapos ay humipo siya sa alinman sa mga bagay na iyon, magiging marumi ba iyon?”+
Sumagot ang mga saserdote: “Magiging marumi iyon.”
14 Kaya sinabi ni Hagai: “‘Ganiyan ang bayang ito, at ganiyan ang bansang ito sa harap ko,’ ang sabi ni Jehova, ‘at ganiyan ang lahat ng gawa ng mga kamay nila; anumang ihandog nila roon ay marumi.’
15 “‘Pero ngayon, pakisuyo, pag-isipan ninyo itong mabuti mula sa araw na ito: Bago mailagay ang isang bato sa ibabaw ng isa pang bato sa templo ni Jehova,+
16 ano ang kalagayan noon? Nang may pumunta sa isang bunton ng butil na umaasang makakakuha roon ng 20 takal, mayroon lang 10 takal; at nang may lumapit sa pisaan ng ubas para sumalok dito ng 50 takal ng alak, mayroon lang 20 takal;+
17 pinasapitan ko kayo—ang lahat ng gawa ng inyong kamay—ng pagkatuyot at ng amag+ at ng pag-ulan ng yelo,* pero walang sinuman sa inyo ang nanumbalik sa akin,’ ang sabi ni Jehova.
18 “‘Pakisuyo, pag-isipan ninyo itong mabuti mula sa araw na ito, mula sa ika-24 na araw ng ikasiyam na buwan, mula sa araw na gawin ang pundasyon ng templo ni Jehova;+ pag-isipan ninyo itong mabuti:
19 May binhi na ba sa kamalig?*+ At ang puno ng ubas, igos, granada,* at olibo—hindi pa iyon namumunga, hindi ba? Mula sa araw na ito ay pagpapalain ko kayo.’”+
20 Ang mensaheng ito ni Jehova ay dumating kay Hagai sa ikalawang pagkakataon noong ika-24 na araw ng buwan:+
21 “Sabihin mo kay Zerubabel na gobernador ng Juda, ‘Uugain ko ang langit at ang lupa.+
22 Ibabagsak ko ang trono ng mga kaharian at aalisin ko ang lakas ng mga kaharian ng mga bansa;+ at ibabagsak ko ang karwahe* at ang mga nakasakay roon, at ang mga kabayo at ang mga nakasakay sa mga iyon ay mabubuwal, bawat isa sa pamamagitan ng espada ng kapatid niya.’”+
23 “‘Sa araw na iyon,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘kukunin kita, lingkod kong Zerubabel+ na anak ni Sealtiel,’+ ang sabi ni Jehova, ‘at gagawin kitang gaya ng singsing na pantatak, dahil ikaw ang pinili ko,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.”
Talababa
^ O “templo.”
^ O posibleng “at nang ang espiritu ko ay nakatayo sa gitna ninyo.”
^ O “kanais-nais na mga bagay.”
^ O “at ng graniso.”
^ O “tipunan ng butil?”
^ O “karo.”