Isaias 36:1-22

  • Sinalakay ni Senakerib ang Juda (1-3)

  • Tinuya ng Rabsases si Jehova (4-22)

36  Nang ika-14 na taon ni Haring Hezekias, sinalakay ni Senakerib na hari ng Asirya+ ang lahat ng napapaderang* lunsod ng Juda at sinakop ang mga iyon.+ 2  Pagkatapos, isinugo ng hari ng Asirya kay Haring Hezekias sa Jerusalem ang Rabsases*+ kasama ang isang malaking hukbo mula sa Lakis.+ Pumuwesto sila sa may padaluyan ng tubig na galing sa tipunan ng tubig sa itaas+ at nasa daang papunta sa parang ng tagapaglaba.+ 3  At hinarap siya ni Eliakim+ na anak ni Hilkias, na namamahala sa sambahayan,* ng kalihim na si Sebna,+ at ng tagapagtalang si Joa na anak ni Asap. 4  Kaya sinabi ng Rabsases sa kanila: “Pakisuyo, sabihin ninyo kay Hezekias, ‘Ito ang sinabi ng dakilang hari, ang hari ng Asirya: “Ano ang ipinagmamalaki mo?+ 5  Sinasabi mo, ‘Alam ko ang gagawin ko at kaya kong makipagdigma,’ pero hindi totoo iyan. Kanino ka ba umaasa at ang lakas ng loob mong magrebelde sa akin?+ 6  Nagtitiwala ka sa tulong ng baling tambong ito, ang Ehipto. Matutusok ang palad ng sinumang tutukod dito. Ganiyan ang Paraon na hari ng Ehipto sa lahat ng nagtitiwala sa kaniya.+ 7  At kung sasabihin ninyo sa akin, ‘Nagtitiwala kami kay Jehova na aming Diyos,’ hindi ba sa kaniya ang matataas na lugar at ang mga altar na inalis ni Hezekias,+ at sinasabi niya sa Juda at sa Jerusalem, ‘Dapat kayong yumukod sa altar na ito’?”’+ 8  Pakisuyo, makipagpustahan ka sa panginoon kong hari ng Asirya:+ Bibigyan kita ng 2,000 kabayo kung may mapapasakay ka sa lahat ng ito. 9  Paano mo mapauurong ang kahit isang gobernador na pinakamababa sa mga lingkod ng panginoon ko, gayong umaasa ka lang sa Ehipto para sa mga karwahe at mangangabayo? 10  Wala bang pahintulot ni Jehova ang pagpunta ko sa lupaing ito para wasakin ito? Si Jehova mismo ang nagsabi sa akin, ‘Pumunta ka sa lupaing ito at wasakin mo ito.’” 11  Sinabi ni Eliakim at ni Sebna+ at ni Joa sa Rabsases:+ “Pakisuyo, makipag-usap ka sa iyong mga lingkod sa wikang Aramaiko,*+ dahil naiintindihan namin ito; huwag kang makipag-usap sa amin sa wika ng mga Judio na naririnig ng mga taong nasa pader.”+ 12  Pero sinabi ng Rabsases: “Sa iyo lang ba at sa panginoon mo ipinapasabi ng panginoon ko ang mensaheng ito? Hindi ba para din ito sa mga lalaking nakaupo sa pader, na kakain ng sarili nilang dumi at iinom ng sarili nilang ihi kasama ninyo?” 13  Pagkatapos, tumayo ang Rabsases at sumigaw sa wika ng mga Judio:+ “Pakinggan ninyo ang sinabi ng dakilang hari, ang hari ng Asirya.+ 14  Ito ang sinabi ng hari, ‘Huwag kayong magpaloko kay Hezekias, dahil hindi niya kayo kayang iligtas.+ 15  At huwag kayong magtiwala kay Jehova+ dahil sa sinasabi ni Hezekias: “Tiyak na ililigtas tayo ni Jehova, at hindi ibibigay ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Asirya.” 16  Huwag kayong makinig kay Hezekias, dahil ito ang sinabi ng hari ng Asirya: “Makipagpayapaan kayo sa akin at sumuko, at bawat isa sa inyo ay kakain mula sa sarili niyang puno ng ubas at ng igos at iinom ng tubig mula sa sarili niyang imbakan ng tubig, 17  hanggang sa dumating ako at dalhin ko kayo sa isang lupaing gaya ng sarili ninyong lupain,+ isang lupain ng butil at bagong alak, isang lupain ng tinapay at mga ubasan. 18  Huwag kayong magpaloko kay Hezekias kapag sinasabi niya, ‘Ililigtas tayo ni Jehova.’ Mayroon ba sa mga diyos ng mga bansa na nakapagligtas ng kanilang lupain mula sa kamay ng hari ng Asirya?+ 19  Nasaan ang mga diyos ng Hamat at ng Arpad?+ Nasaan ang mga diyos ng Separvaim?+ Nailigtas ba nila ang Samaria mula sa kamay ko?+ 20  Walang sinuman sa mga diyos ng mga lupaing ito ang nakapagligtas ng lupain nila mula sa kamay ko. Kaya paano maililigtas ni Jehova ang Jerusalem mula sa kamay ko?”’”+ 21  Pero hindi sila umimik at wala silang anumang isinagot sa kaniya, dahil iniutos ng hari, “Huwag ninyo siyang sagutin.”+ 22  Pero si Eliakim na anak ni Hilkias, na namamahala sa sambahayan,* ang kalihim na si Sebna,+ at ang tagapagtalang si Joa na anak ni Asap ay pumunta kay Hezekias na punít ang mga damit, at sinabi nila sa kaniya ang mensahe ng Rabsases.

Talababa

O “nakukutaang.”
O “punong tagapagsilbi ng inumin.”
O “palasyo.”
O “Siryano.”
O “palasyo.”