Isaias 60:1-22

  • Sumisikat sa Sion ang kaluwalhatian ni Jehova (1-22)

    • Parang mga kalapati na papunta sa bahay nila (8)

    • Ginto sa halip na tanso (17)

    • Ang munti ay magiging isang libo (22)

60  “Bumangon ka, O babae,+ magpasinag ka ng liwanag, dahil dumating na ang iyong liwanag. Sumisikat sa iyo ang kaluwalhatian ni Jehova.+  2  Dahil tatakpan ng kadiliman ang lupa,At ng makapal at maitim na ulap ang mga bansa;Pero sisikat sa iyo si Jehova,At makikita sa iyo ang kaluwalhatian niya.  3  Pupunta sa liwanag mo ang mga bansa+At sa nagniningning mong karilagan* ang mga hari.+  4  Tumingin ka sa palibot mo! Lahat sila ay nagtipon-tipon; papunta sila sa iyo. Patuloy na dumarating ang mga anak mong lalaki mula sa malayo+At ang mga anak mong babae na karga sa mga bisig.+  5  Sa panahong iyon ay makikita mo ito at magniningning ka,+At bibilis ang tibok ng puso mo at mag-uumapaw sa saya,Dahil dadalhin sa iyo ang yaman ng dagat;Ang yaman ng mga bansa ay mapupunta sa iyo.+  6  Ang lupain mo* ay mapupuno ng kamelyo,Ng mga batang lalaking kamelyo ng Midian at Epa.+ Lahat ng mula sa Sheba —darating sila;Magdadala sila ng ginto at olibano. Magpapahayag sila ng papuri kay Jehova.+  7  Titipunin sa iyo ang lahat ng kawan ng Kedar.+ Mapapakinabangan mo ang mga lalaking tupa ng Nebaiot.+ Ang mga iyon ay tatanggapin sa altar ko,+At pagagandahin ko ang maluwalhati kong bahay.*+  8  Sino ang mga ito na lumilipad na parang ulap,Parang mga kalapati na papunta sa bahay nila?*  9  Dahil sa akin ay aasa ang mga isla;+Ang mga barko ng Tarsis ay nangunguna,*Dinadala nila ang mga anak mong lalaki mula sa malayo,+Kasama ng kanilang mga pilak at ginto,Papunta sa pangalan ni Jehova na iyong Diyos at sa Banal ng Israel,Dahil luluwalhatiin* ka niya.+ 10  Itatayo ng mga dayuhan ang mga pader mo,At ang mga hari nila ay maglilingkod sa iyo,+Dahil sinaktan kita nang magalit ako sa iyo,Pero dahil sa kabutihang-loob ko ay kaaawaan kita.+ 11  Ang mga pintuang-daan mo ay pananatilihing bukás;+Hindi isasara ang mga iyon sa araw man o sa gabi,Para madala sa iyo ang yaman ng mga bansa,At ang mga hari nila ang mangunguna.+ 12  Dahil anumang bansa o kaharian na hindi maglilingkod sa iyo ay malilipol,At ang mga bansa ay lubusang mawawasak.+ 13  Darating sa iyo ang kaluwalhatian ng Lebanon,+Ang puno ng enebro, ang puno ng fresno, at ang sipres nang magkakasama,+Para pagandahin ang lugar ng aking santuwaryo;Luluwalhatiin ko ang tuntungan ng mga paa ko.+ 14  Ang mga anak ng mga nagpahirap sa iyo ay darating at yuyukod sa iyo;Ang lahat ng lumalapastangan sa iyo ay susubsob sa paanan mo,At tatawagin ka nilang lunsod ni Jehova,Ang Sion ng Banal ng Israel.+ 15  Kahit na itinakwil ka at kinapootan at hindi dinadaanan ninuman,+Gagawin kitang pinagmumulan ng walang-hanggang karangalan,Isang dahilan para magsaya ang lahat ng henerasyon.+ 16  At iinumin mo ang gatas ng mga bansa+At ang gatas na mula sa mga hari;+At tiyak na malalaman mo na ako, si Jehova, ang iyong Tagapagligtas,At ang Makapangyarihan ng Jacob ang iyong Manunubos.+ 17  Sa halip na tanso ay magdadala ako ng ginto,At sa halip na bakal ay magdadala ako ng pilak,Sa halip na kahoy, tanso,At sa halip na bato, bakal;At aatasan ko ang kapayapaan bilang tagapangasiwa moAt ang katuwiran bilang tagapagbigay-atas mo.+ 18  Hindi na maririnig ang karahasan sa lupain moO ang pagkawasak at kagibaan sa loob ng mga hangganan mo.+ At tatawagin mong Kaligtasan ang mga pader mo+ at Papuri ang mga pintuang-daan mo. 19  Hindi na ang araw ang magiging liwanag mo kapag araw,At hindi na ang buwan ang magbibigay sa iyo ng liwanag,Dahil si Jehova ang iyong magiging walang-hanggang liwanag,+At ang iyong Diyos ang magiging kagandahan mo.+ 20  Hindi na lulubog ang araw mo,At hindi na lalamlam ang buwan mo,Dahil si Jehova ang magiging iyong walang-hanggang liwanag,+At matatapos na ang mga araw ng pagdadalamhati mo.+ 21  At ang buong bayan mo ay magiging matuwid;Magiging pag-aari nila ang lupain magpakailanman. Sila ang sibol na itinanim ko,Ang gawa ng aking mga kamay,+ para sa kaluwalhatian ko.+ 22  Ang munti ay magiging isang liboAt ang maliit ay magiging makapangyarihang bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis nito sa takdang panahon nito.”

Talababa

O “sa liwanag ng iyong bukang-liwayway.”
Lit., “Ikaw.”
O “ang aking bahay ng kagandahan.”
O “sa mga pasukan ng bahay ng ibon?”
O “pagagandahin.”
O “ay gaya noong una.”