Isaias 7:1-25
7 Noong panahon ng hari ng Juda na si Ahaz+ na anak ni Jotam na anak ni Uzias, sumalakay si Haring Rezin ng Sirya at si Peka+ na anak ni Remalias na hari ng Israel para makipagdigma sa Jerusalem, pero hindi nila* ito nasakop.+
2 Isang ulat ang dumating sa sambahayan ni David: “Nakipagsanib-puwersa ang Sirya sa Efraim.”
At nanginig sa takot ang puso ni Ahaz at ang puso ng bayan niya, gaya ng mga puno sa kagubatan na hinahampas ng hangin.
3 Sinabi ngayon ni Jehova kay Isaias: “Pakisuyo, lumabas ka para salubungin si Ahaz, ikaw at ang anak mong si Sear-jasub,*+ sa dulo ng padaluyan ng tubig na galing sa tipunan ng tubig sa itaas+ at nasa daang papunta sa parang ng tagapaglaba.
4 Sabihin mo sa kaniya, ‘Huminahon ka. Huwag kang matakot, at huwag kang panghinaan ng loob dahil sa dalawang tuod na ito ng sunóg at umuusok na mga troso, dahil sa mainit na galit ni Rezin at ng Sirya at ng anak ni Remalias.+
5 Ang Sirya kasama ang Efraim at ang anak ni Remalias ay nagpakana ng masama laban sa iyo. Sinabi nila:
6 “Salakayin natin ang Juda at lurayin* ito at sakupin,* at gawin nating hari nito ang anak ni Tabeel.”+
7 “‘Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova:
“Hindi iyon magtatagumpay;Hindi iyon mangyayari.
8 Dahil ang ulo ng Sirya ay ang Damasco,At ang ulo ng Damasco ay si Rezin.
Sa loob lang ng 65 taon,Ang Efraim ay magkakadurog-durog at hindi na magiging isang bayan.+
9 Ang ulo ng Efraim ay ang Samaria,+At ang ulo ng Samaria ay ang anak ni Remalias.+
Kung hindi matibay ang pananampalataya ninyo,Hindi kayo magiging matatag.”’”
10 Sinabi pa ni Jehova kay Ahaz:
11 “Humingi ka ng isang tanda mula kay Jehova na iyong Diyos;+ sinlalim man iyon ng Libingan* o sintaas ng langit.”
12 Pero sinabi ni Ahaz: “Hindi ako hihingi, at hindi ko susubukin si Jehova.”
13 Sinabi ngayon ni Isaias: “Pakisuyo, makinig kayo, O sambahayan ni David. Hindi pa ba sapat na sinusubok ninyo ang pasensiya ng tao? Susubukin din ba ninyo ang pasensiya ng Diyos?+
14 Kaya bibigyan kayo ni Jehova ng isang tanda: Ang babae* ay magdadalang-tao at magkakaanak ng isang lalaki,+ at papangalanan niya itong Emmanuel.*+
15 Mantikilya at pulot-pukyutan ang kakainin niya sa panahong natutuhan na niyang itakwil ang masama at piliin ang mabuti.
16 Dahil bago matutuhan ng bata na itakwil ang masama at piliin ang mabuti, ang lupain ng dalawang hari na kinatatakutan mo ay lubusang pababayaan.+
17 Pasasapitin ni Jehova sa iyo at sa bayan mo at sa sambahayan ng iyong ama ang kapahamakang hindi pa nangyayari mula nang humiwalay ang Efraim sa Juda,+ dahil isusugo Niya ang hari ng Asirya.+
18 “Sa araw na iyon ay sisipulan ni Jehova ang mga langaw sa malalayong ilog ng Nilo ng Ehipto at ang mga bubuyog sa lupain ng Asirya,
19 at darating ang lahat ng ito at maninirahan sa matatarik na bangin,* sa mga bitak ng malalaking bato, sa lahat ng matitinik na halaman,* at sa lahat ng pastulan.*
20 “Sa araw na iyon, sa pamamagitan ng isang upahang labaha mula sa rehiyon ng Ilog,* sa pamamagitan ng hari ng Asirya,+ ay aahitin ni Jehova ang buhok sa ulo at ang balahibo sa mga binti, at aalisin nito pati ang balbas.
21 “Sa araw na iyon ay iingatan ng isang tao ang isang batang baka mula sa kawan at dalawang tupa.
22 At dahil sa dami ng gatas, kakain siya ng mantikilya, dahil ang lahat ng natira sa lupain ay kakain ng mantikilya at pulot-pukyutan.
23 “Sa araw na iyon, sa lahat ng lugar na dating may 1,000 punong ubas, na nagkakahalaga ng 1,000 pirasong pilak, ay magkakaroon na lang ng matitinik na halaman at mga panirang-damo.
24 Pupunta roon ang mga tao na may mga pana, dahil ang buong lupain ay mapupuno ng matitinik na halaman at mga panirang-damo.
25 At ang lahat ng bundok na dating hinahawan sa pamamagitan ng asarol ay hindi mo lalapitan dahil sa takot sa matitinik na halaman at mga panirang-damo; magpapagala-gala na lang doon ang mga torong nanginginain at ang mga tupa.”
Talababa
^ O posibleng “niya.”
^ Ibig sabihin, “Isang Maliit na Grupo Lang ang Babalik.”
^ O posibleng “sindakin.”
^ O “butasin ang mga pader nito.”
^ O “dalaga.”
^ Ibig sabihin, “Sumasaatin ang Diyos.”
^ O “wadi.”
^ O “palumpong.”
^ O “tubigan.”
^ Eufrates.