Job 1:1-22

  • Katapatan at kayamanan ni Job (1-5)

  • Kinuwestiyon ni Satanas ang motibo ni Job (6-12)

  • Nawalan ng pag-aari at mga anak si Job (13-19)

  • Hindi sinisi ni Job ang Diyos (20-22)

1  May isang lalaki sa lupain ng Uz na ang pangalan ay Job.*+ Siya ay matuwid at tapat;*+ natatakot siya sa Diyos, at itinatakwil niya ang kasamaan.+ 2  Mayroon siyang pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae. 3  Ang mga alaga niyang hayop ay 7,000 tupa, 3,000 kamelyo, 1,000 baka,* at 500 asno.* Napakarami rin niyang tagapaglingkod, kaya siya ang pinakaprominente* sa lahat ng taga-Silangan. 4  Nagsasalitan* sa paghahanda ng salusalo ang mga anak niyang lalaki sa kani-kanilang bahay. At inaanyayahan nilang kumain at uminom ang tatlo nilang kapatid na babae. 5  Kapag nakapaghanda na silang lahat ng salusalo, ipinapatawag sila ni Job para pabanalin. At gumigising siya nang maaga at naghahandog ng haing sinusunog+ para sa bawat isa sa kanila. Dahil sinasabi ni Job: “Baka nagkasala ang mga anak ko at isinumpa nila ang Diyos sa puso nila.” Iyan ang laging ginagawa ni Job.+ 6  At dumating ang araw na ang mga anak ng tunay na Diyos*+ ay tumayo sa harap ni Jehova,+ at sumama rin si Satanas.+ 7  Sinabi ni Jehova kay Satanas: “Saan ka nanggaling?” Sumagot si Satanas kay Jehova: “Lumibot-libot ako sa lupa at nagpagala-gala roon.”+ 8  Sinabi ni Jehova kay Satanas: “Napansin mo ba ang* lingkod kong si Job? Wala siyang katulad sa lupa. Siya ay matuwid at tapat,*+ natatakot siya sa Diyos, at itinatakwil niya ang kasamaan.” 9  Sumagot si Satanas kay Jehova: “Natatakot ba si Job sa Diyos nang walang dahilan?+ 10  Hindi ba naglagay ka ng bakod sa palibot niya+ at sa palibot ng sambahayan niya at sa lahat ng pag-aari niya? Pinagpala mo ang mga ginagawa niya,+ at dumami nang husto ang alaga niyang hayop sa lupain. 11  Pero para mapaiba naman, iunat mo ang kamay mo at kunin ang lahat sa kaniya, at tiyak na susumpain ka niya nang mukhaan.” 12  Sinabi ni Jehova kay Satanas: “Nasa kamay* mo ang lahat ng kaniya. Pero huwag mo siyang sasaktan!” Kaya umalis si Satanas sa harap* ni Jehova.+ 13  Isang araw, habang kumakain at umiinom ng alak ang mga anak niyang lalaki at babae sa bahay ng panganay nilang kapatid,+ 14  isang mensahero ang pumunta kay Job at sinabi nito: “Nag-aararo ang mga baka at nanginginain sa tabi ang mga asno 15  nang lumusob ang mga Sabeano at kinuha ang mga iyon, at pinatay nila ang mga tagapaglingkod gamit ang espada. Ako lang ang nakatakas para magsabi sa iyo.” 16  Habang nagsasalita pa ito, may isa pang dumating at nagsabi: “May apoy ng Diyos* mula sa langit na lumagablab sa gitna ng mga tupa at mga tagapaglingkod at tinupok ang mga iyon! Ako lang ang nakatakas para magsabi sa iyo.” 17  Habang nagsasalita pa ito, may isa pang dumating at nagsabi: “Ang mga Caldeo+ ay bumuo ng tatlong pangkat at sumalakay, at kinuha nila ang mga kamelyo at pinatay ang mga tagapaglingkod gamit ang espada. Ako lang ang nakatakas para magsabi sa iyo.” 18  Habang nagsasalita pa ito, may isa pa ulit na dumating at nagsabi: “Kumakain at umiinom ng alak ang mga anak mong lalaki at babae sa bahay ng panganay nilang kapatid 19  nang biglang humampas sa bahay* ang malakas na hangin mula sa ilang. Gumuho ito at nabagsakan ang mga anak mo kaya namatay sila. Ako lang ang nakatakas para magsabi sa iyo.” 20  Kaya tumayo si Job, pinunit ang damit niya, at kinalbo ang ulo niya; pagkatapos, lumuhod siya at sumubsob sa lupa, 21  at sinabi niya: “Hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina,At hubad akong babalik.+ Si Jehova ang nagbigay,+ at si Jehova ang nag-alis. Patuloy nawang purihin ang pangalan ni Jehova.” 22  Sa lahat ng ito, hindi nagkasala si Job at hindi niya sinisi* ang Diyos.

Talababa

O “at walang kapintasan.”
Posibleng ang ibig sabihin ay “Tudlaan ng Pagkapoot.”
Lit., “500 pares ng baka.”
Lit., “asnong babae.”
O “pinakamayaman.”
O “May kani-kaniyang araw.”
Idyoma sa Hebreo na tumutukoy sa mga anghel.
Lit., “Itinuon mo ba ang puso mo sa.”
O “at walang kapintasan.”
O “kontrol.”
Lit., “mukha.”
O posibleng “May kidlat.”
O “sa apat na kanto ng bahay.”
O “inakusahan ng masama.”