Jonas 3:1-10

  • Sumunod si Jonas sa Diyos at pumunta sa Nineve (1-4)

  • Nagsisi ang mga taga-Nineve dahil sa mensahe ni Jonas (5-9)

  • Hindi itinuloy ng Diyos ang pagwasak sa Nineve (10)

3  Dumating ang salita ni Jehova kay Jonas sa ikalawang pagkakataon:+  “Pumunta ka sa Nineve+ na dakilang lunsod, at ihayag mo roon ang sasabihin ko sa iyo.”  Kaya sumunod si Jonas sa utos ni Jehova+ at pumunta sa Nineve.+ Ang Nineve ay isang napakalaking lunsod.* Kailangan ng tatlong-araw na paglalakad para malibot ito.  Pagkatapos, pumasok si Jonas sa lunsod. Habang naglalakad sa loob ng isang araw, inihahayag niya:* “Apatnapung araw na lang, wawasakin* na ang Nineve.”  Kaya ang mga taga-Nineve ay nanampalataya sa Diyos.+ Ang bawat isa sa kanila ay nag-ayuno* at nagsuot ng telang-sako, mayaman at mahirap, bata at matanda.  Nang marinig ng hari ng Nineve ang mensahe, tumayo siya mula sa kaniyang trono, hinubad ang maharlikang kasuotan niya, nagsuot ng telang-sako, at umupo sa abo.  Naglabas din siya ng utos sa buong Nineve, “Ito ang utos ng hari at ng kaniyang mga opisyal: Walang tao o hayop, bakahan o kawan, ang puwedeng kumain. Hindi sila dapat kumain o uminom ng anuman.  Magsuot sila ng telang-sako, ang tao at hayop; at marubdob silang humingi ng tulong sa Diyos, at talikuran nila ang kanilang masasamang gawain at karahasan.  Baka sakaling hindi na ituloy* ng tunay na Diyos ang gusto niyang gawin at humupa ang kaniyang nag-aapoy na galit, nang sa gayon ay hindi tayo mamatay.” 10  Nang makita ng tunay na Diyos ang ginawa nila, kung paano nila tinalikuran ang kanilang masasamang gawain,+ hindi na niya itinuloy* ang parusang sinabi niya.+

Talababa

Lit., “isang lunsod na dakila sa Diyos.”
O posibleng “Pagkatapos maglakad ng isang araw, inihayag niya.”
Lit., “pababagsakin.”
Tingnan sa Glosari, “Pag-aayuno.”
O “Baka sakaling ikalungkot.”
O “ikinalungkot niya.”