Josue 23:1-16

  • Pamamaalam ni Josue sa mga lider ng Israel (1-16)

    • Walang isa mang salita ni Jehova ang nabigo (14)

23  Pagkalipas ng mahabang panahon matapos bigyan ni Jehova ng kapahingahan ang Israel+ mula sa lahat ng kaaway nila sa palibot, nang si Josue ay matanda na at malapit nang mamatay,+  ipinatawag ni Josue ang buong Israel,+ ang matatandang lalaki, mga ulo, mga hukom, at ang mga opisyal+ at sinabi sa kanila: “Matanda na ako at hindi na ako magtatagal.  At nakita ninyo mismo ang lahat ng ginawa ni Jehova na inyong Diyos sa lahat ng bansang ito alang-alang sa inyo dahil si Jehova na inyong Diyos ang nakikipaglaban para sa inyo.+  Hinati-hati ko sa inyo sa pamamagitan ng palabunutan+ ang lupain ng mga bansang ito na natitira bilang mana para sa inyong mga tribo,+ pati ang lupain ng lahat ng bansang nilipol ko,+ mula sa Jordan hanggang sa Malaking Dagat* sa kanluran.*  At si Jehova na inyong Diyos ang patuloy na nagtataboy sa kanila sa harap ninyo,+ at pinalayas niya sila* para sa inyo, at kinuha ninyo ang lupain nila bilang pag-aari, gaya ng ipinangako sa inyo ni Jehova na inyong Diyos.+  “Ngayon ay lakasan ninyo ang inyong loob at magpakatatag kayo. Gawin ninyo ang lahat ng nakasulat sa aklat ng Kautusan+ ni Moises at huwag kayong lumihis doon.*+  Huwag kayong makikisalamuha sa mga bansang ito+ na naninirahan pang kasama ninyo. Huwag man lang ninyong babanggitin ang pangalan ng mga diyos nila,+ huwag kayong susumpa sa pamamagitan ng mga ito, at huwag kayong maglilingkod o yuyukod sa mga ito.+  Kundi manatili kayong tapat kay Jehova na inyong Diyos,+ gaya ng ginagawa ninyo hanggang sa araw na ito.  Tiyak na itataboy ni Jehova ang malalaki at malalakas na bansa mula sa harap ninyo,+ dahil walang sinuman ang nagtagumpay laban sa inyo hanggang sa araw na ito.+ 10  Isa lang sa inyo ang hahabol sa isang libo,+ dahil si Jehova na inyong Diyos ang nakikipaglaban para sa inyo,+ gaya ng ipinangako niya sa inyo.+ 11  Dapat ninyong ibigin si Jehova na inyong Diyos—sa gayon ay lagi ninyong maiingatan ang inyong buhay.+ 12  “Pero kung tatalikod kayo sa Diyos at makikiisa sa mga bansang naninirahan pang kasama ninyo,+ mag-aasawa ng sinuman mula sa kanila,+ at makikipagkaibigan sa kanila, 13  makakatiyak kayong hindi na itataboy ni Jehova na inyong Diyos ang mga bansang ito* para sa inyo.+ Sila ay magiging bitag at silo sa inyo at hagupit sa mga tagiliran ninyo+ at tinik sa mga mata ninyo hanggang sa malipol kayo mula sa magandang lupaing ito na ibinigay sa inyo ni Jehova na inyong Diyos. 14  “Makinig kayo, malapit na akong mamatay, at alam na alam ninyo* na walang isa man sa lahat ng mabubuting bagay na ipinangako sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat para sa inyo. Walang isa mang salita sa mga iyon ang nabigo.+ 15  Pero kung paanong natupad ang lahat ng mabubuting bagay na ipinangako sa inyo ni Jehova na inyong Diyos,+ ipararanas din sa inyo ni Jehova ang lahat ng kapahamakang sinabi niya sa inyo at lilipulin niya kayo mula sa magandang lupaing ito na ibinigay sa inyo ni Jehova na inyong Diyos.+ 16  Kung lalabag kayo sa tipan na sinabi ni Jehova na inyong Diyos na sundin ninyo at kung maglilingkod kayo sa ibang mga diyos at yuyukod sa mga iyon, lalagablab ang galit ni Jehova sa inyo+ at agad kayong malilipol mula sa magandang lupain na ibinigay niya sa inyo.”+

Talababa

Dagat Mediteraneo.
O “sa lubugan ng araw.”
O “kinuha niya ang lupain nila.”
Lit., “lumihis doon, papunta sa kanan o sa kaliwa.”
O “hindi na kukunin ni Jehova na inyong Diyos ang lupain ng mga bansang ito.”
Lit., “alam na alam ninyo nang inyong buong puso at buong kaluluwa.”