Ayon kay Marcos 6:1-56
6 Umalis siya roon at nagpunta sa sarili niyang bayan,+ at sinundan siya ng mga alagad niya.
2 Pagdating ng Sabbath, nagturo siya sa sinagoga, at karamihan sa nakarinig sa kaniya ay namangha at sinabi nila: “Saan natutuhan ng taong ito ang ganitong mga bagay?+ Bakit ang dami niyang alam? At sino ang nagbigay sa kaniya ng kapangyarihang gumawa ng mga himala?+
3 Siya ang karpintero+ na anak ni Maria+ at kapatid nina Santiago,+ Jose, Hudas, at Simon,+ hindi ba? At tagarito rin ang mga kapatid niyang babae, hindi ba?” Kaya hindi sila naniwala sa kaniya.*
4 Pero sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang propeta ay pinahahalagahan kahit saan maliban sa sarili niyang bayan at sambahayan.”+
5 Kaya hindi siya gumawa roon ng anumang himala* maliban sa pagpapagaling sa ilang maysakit sa pamamagitan ng pagpapatong sa kanila ng mga kamay niya.
6 Nagtaka siya na wala silang pananampalataya. At nilibot niya ang mga nayon sa lugar na iyon para magturo.+
7 Tinawag niya ngayon ang 12 apostol at sinimulan silang isugo nang dala-dalawa,+ at binigyan niya sila ng awtoridad na magpalayas ng masasamang espiritu.+
8 Inutusan din niya sila na huwag magdala ng anuman para sa paglalakbay maliban sa isang tungkod—walang tinapay, lalagyan ng pagkain, o pera*+—
9 kundi magsuot lang ng sandalyas at huwag magdala ng ekstrang damit.*
10 Sinabi rin niya sa kanila: “Saanmang bahay kayo patuluyin, manatili kayo roon habang kayo ay nasa lugar na iyon.+
11 At saanmang lugar kayo hindi tanggapin o pakinggan, kapag umalis kayo roon, ipagpag ninyo ang alikabok mula sa inyong mga paa bilang patotoo sa kanila.”+
12 Kaya umalis sila at nangaral para magsisi ang mga tao,+
13 at nagpalayas sila ng maraming demonyo+ at pinahiran ng langis ang maraming maysakit at pinagaling sila.
14 Nabalitaan ni Haring Herodes ang tungkol dito dahil nakilala nang husto ang pangalan ni Jesus, at sinasabi ng mga tao: “Binuhay-muli si Juan na Tagapagbautismo, kaya nakagagawa siya ng mga himala.”*+
15 Pero sinasabi ng iba: “Siya si Elias.” May iba pang nagsasabi: “Isa siyang propeta, gaya ng mga propeta noon.”+
16 Pero nang marinig ito ni Herodes, sinabi niya: “Ang Juan na pinugutan ko ng ulo, binuhay siyang muli.”
17 Dahil siya mismo ang nagpaaresto kay Juan at ipinagapos niya ito at ipinabilanggo alang-alang sa asawa ng kapatid niyang si Felipe, si Herodias, na pinakasalan din ni Herodes.+
18 Sinasabi noon ni Juan kay Herodes: “Hindi tamang gawin mong asawa ang asawa ng kapatid mo.”+
19 Kaya nagkimkim ng galit si Herodias laban kay Juan at gusto niya itong patayin, pero hindi niya magawa.
20 Natatakot kasi si Herodes kay Juan; alam niyang ito ay isang taong matuwid at banal,+ at pinoprotektahan niya ito. Kapag nakikinig siya kay Juan, nalilito siya kung ano ang gagawin, pero gustong-gusto pa rin niyang makinig dito.
21 Nakahanap ng pagkakataon si Herodias nang maghanda si Herodes ng hapunan sa kaarawan+ niya at imbitahan ang kaniyang matataas na opisyal at mga kumandante ng militar at ang pinakaprominenteng mga lalaki sa Galilea.+
22 At pumasok ang anak na babae ni Herodias at sumayaw at napasaya si Herodes at ang mga kumakaing* kasama niya. Sinabi ng hari sa dalaga: “Hingin mo kung ano ang gusto mo, at ibibigay ko iyon sa iyo.”
23 Sumumpa pa nga siya: “Anuman ang hingin mo sa akin, ibibigay ko sa iyo, kahit kalahati ng kaharian ko.”
24 Kaya lumabas siya at sinabi sa kaniyang ina: “Ano po ang hihingin ko?” Sinabi nito: “Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.”
25 Agad-agad siyang pumunta sa hari at hiniling niya rito: “Gusto kong ibigay ninyo sa akin ngayon din sa isang bandehado ang ulo ni Juan Bautista.”+
26 Lungkot na lungkot ang hari, pero hindi niya matanggihan ang dalaga dahil sa sumpang binitiwan niya sa harap ng mga bisita.*
27 Kaya nagsugo agad ang hari ng isang sundalo at inutusan ito na dalhin ang ulo ni Juan. Kaya umalis ito at pinugutan ng ulo si Juan sa bilangguan
28 at dinala ang ulo nito na nasa isang bandehado. Ibinigay niya ito sa dalaga, at ibinigay naman ito ng dalaga sa kaniyang ina.
29 Nang malaman ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang bangkay niya at inilibing.*
30 Nagpunta kay Jesus ang mga apostol at sinabi nila sa kaniya ang lahat ng ginawa nila at itinuro.+
31 At sinabi niya sa kanila: “Sumama kayo sa akin sa isang lugar na malayo sa mga tao at magpahinga tayo nang kaunti.”+ Dahil marami ang dumarating at umaalis, at wala man lang silang panahon para kumain.
32 Kaya sumakay sila sa bangka para pumunta sa isang lugar na malayo sa mga tao.+
33 Pero nakita ng mga tao na paalis sila at nalaman ito ng marami, kaya ang mga tao sa lahat ng lunsod ay nagtakbuhan papunta roon at nauna pa sa kanila.
34 Pagkababa sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Naawa siya sa kanila+ dahil para silang mga tupa na walang pastol.+ At tinuruan niya sila ng maraming bagay.+
35 Nang gumagabi na, lumapit sa kaniya ang mga alagad niya at sinabi nila: “Liblib ang lugar na ito at gumagabi na.+
36 Paalisin mo na sila, para makapunta sila sa kalapít na mga nayon at bayan at makabili ng makakain nila.”+
37 Sinabi niya sa kanila: “Bigyan ninyo sila ng makakain.” Sumagot sila: “Aalis ba kami at bibili ng tinapay na halagang 200 denario* para mapakain ang mga tao?”+
38 Sinabi niya sa kanila: “Ilan ang tinapay ninyo? Tingnan ninyo.” Matapos nilang alamin ito, sinabi nila: “Lima, at may dalawang isda.”+
39 At ang lahat ng tao ay pinaupo niya nang grupo-grupo sa damuhan.+
40 Kaya umupo sila nang tig-iisang daan at tiglilimampu.
41 At kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nanalangin.*+ Pagkatapos, pinagpira-piraso niya ang mga tinapay at ibinigay sa mga alagad para ipamahagi sa mga tao; at hinati-hati niya ang dalawang isda para sa lahat.
42 Kaya kumain silang lahat at nabusog,
43 at nakapuno sila ng 12 basket ng natirang tinapay, bukod pa sa mga isda.+
44 Ang kumain ng tinapay ay 5,000 lalaki.
45 Pagkatapos, pinasakay niya agad sa bangka ang mga alagad niya para mauna ang mga ito sa kabilang ibayo papuntang Betsaida, at pinauwi naman niya ang mga tao.+
46 Matapos magpaalam sa kanila, pumunta siya sa isang bundok para manalangin.+
47 Pagsapit ng gabi, ang bangka ay nasa gitna ng lawa, pero nag-iisa siya sa bundok.+
48 Pagkatapos, nang madaling araw na,* nakita niya silang nahihirapan sa pagsagwan dahil ang hangin ay pasalungat sa kanila. Kaya naglakad siya sa ibabaw ng tubig papunta sa kanila; pero lalampasan niya sana sila.
49 Nang makita nila siyang naglalakad sa ibabaw ng tubig, naisip nila: “Totoo ba ito?” At napasigaw sila,
50 dahil nakita nilang lahat si Jesus at natakot sila. Pero agad niyang sinabi sa kanila: “Lakasan ninyo ang loob ninyo! Ako ito; huwag kayong matakot.”+
51 At sumampa siya sa bangkang sinasakyan nila, at tumigil ang hangin. Manghang-mangha sila,
52 dahil hindi nila nakuha ang aral sa ginawa niyang himala sa mga tinapay. Hindi pa rin nila naiintindihan.*
53 Nang makatawid sila sa kabilang ibayo at makarating sa Genesaret, dumaong sila sa may baybayin.+
54 Pagkababa nila sa bangka, nakilala agad ng mga tao si Jesus.
55 Nagtakbuhan ang mga tao para ipamalita ito sa buong rehiyon. Ang mga maysakit na nakaratay sa higaan ay dinala nila kung saan nila nabalitaang naroon siya.
56 At kahit saan siya magpunta, anumang nayon o lunsod o kalapít na lupain, dinadala nila sa mga pamilihan ang mga maysakit, at nakikiusap sila sa kaniya na hayaan silang hipuin man lang ang palawit ng damit niya.+ At ang lahat ng humipo rito ay gumaling.
Talababa
^ O “Kaya natisod sila sa kaniya.”
^ O “makapangyarihang gawa.”
^ Lit., “tanso.” Inilalagay nila ito sa isang uri ng sinturon na mapaglalagyan ng pera.
^ Lit., “huwag magsuot ng dalawang damit.”
^ O “ng makapangyarihang mga gawa.”
^ O “nakahilig sa mesa.”
^ O “nakahilig sa mesa.”
^ O “inilagay sa alaalang libingan.”
^ O “bumigkas ng pagpapala.”
^ Lit., “ikaapat na yugto ng pagbabantay sa gabi,” na mga 3:00 n.u. hanggang pagsikat ng araw nang mga 6:00 n.u.
^ O “Mapurol pa rin ang puso nila sa pag-unawa.”