Ayon kay Marcos 7:1-37
7 Ang mga Pariseo at ang ilan sa mga eskriba na dumating mula sa Jerusalem ay lumapit sa kaniya.+
2 At nakita nila ang ilan sa mga alagad niya na kumakain na marumi ang kamay, ibig sabihin, hindi nahugasan.*
3 (Dahil ang mga Pariseo at ang lahat ng Judio ay hindi kumakain malibang nakapaghugas na sila ng mga kamay hanggang sa siko, bilang pagsunod sa tradisyon ng mga ninuno nila,
4 at kapag galing sila sa pamilihan, hindi sila kumakain nang hindi muna naglilinis ng sarili. Marami pa silang minanang tradisyon na sinusunod nila, gaya ng paglulubog sa tubig* ng mga kopa, pitsel, at mga tansong sisidlan.)+
5 Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at mga eskribang ito: “Bakit hindi sinusunod ng mga alagad mo ang tradisyon ng mga ninuno natin at kumakain sila na marumi ang kamay?”+
6 Sinabi niya sa kanila: “Mga mapagkunwari, tama ang inihula ni Isaias tungkol sa inyo. Nasusulat: ‘Pinararangalan ako ng bayang ito sa pamamagitan ng mga labi nila, pero malayong-malayo ang puso nila sa akin.+
7 Walang saysay ang patuloy na pagsamba nila sa akin, dahil mga utos ng tao ang itinuturo nila bilang doktrina.’+
8 Binabale-wala ninyo ang utos ng Diyos at sinusunod ang tradisyon ng mga tao.”+
9 Sinabi pa niya sa kanila: “Ang galing ninyong gumawa ng paraan para malusutan ang utos ng Diyos at masunod ang tradisyon ninyo.+
10 Halimbawa, sinabi ni Moises, ‘Parangalan mo ang iyong ama at ina,’+ at, ‘Ang nagsasalita ng masama* sa kaniyang ama o ina ay papatayin.’+
11 Pero sinasabi ninyo, ‘Kapag sinabi ng isa sa kaniyang ama o ina: “Anumang mayroon ako na makatutulong sa inyo ay korban (ibig sabihin, naialay na sa Diyos),”’
12 hindi na ninyo siya hinahayaang gumawa ng anumang bagay para sa kaniyang ama o ina.+
13 Kaya winawalang-halaga ninyo ang salita ng Diyos dahil sa tradisyong ipinamamana ninyo.+ At marami kayong ginagawa na gaya nito.”+
14 Tinawag niyang muli ang mga tao at sinabi sa kanila: “Makinig kayo sa akin, lahat kayo, at unawain ninyo ang kahulugan nito.+
15 Walang anumang pumapasok sa isang tao ang magpaparumi sa kaniya, kundi ang lumalabas sa kaniya ang nagpaparumi sa kaniya.”+
16 *——
17 Nang makapasok na siya sa isang bahay na malayo sa mga tao, tinanong siya ng mga alagad niya tungkol sa ilustrasyon.+
18 Kaya sinabi niya sa kanila: “Hindi rin ba ninyo naiintindihan? Hindi ba ninyo alam na walang anumang pumapasok sa isang tao ang magpaparumi sa kaniya,
19 dahil pumapasok ito, hindi sa puso niya, kundi sa kaniyang tiyan, at lumalabas ito papunta sa imburnal?” Sa pagsasabi nito, ipinakita niya na malinis ang lahat ng pagkain.
20 Sinabi pa niya: “Ang lumalabas sa isang tao ang nagpaparumi sa kaniya.+
21 Dahil nanggagaling sa loob, sa puso ng tao,+ ang nakapipinsalang mga kaisipan: seksuwal na imoralidad,* pagnanakaw, pagpatay,
22 pangangalunya, kasakiman, kasamaan, pandaraya, paggawi nang may kapangahasan,* inggit,* pamumusong,* kayabangan, at kawalang-katuwiran.
23 Ang lahat ng masasamang bagay na ito ay nagmumula sa loob at nagpaparumi sa tao.”
24 Mula roon ay nagpunta siya sa rehiyon ng Tiro at Sidon.+ Pumasok siya sa isang bahay at ayaw niya itong malaman ng sinuman. Pero may nakakita pa rin sa kaniya.
25 Isang babae na may anak na sinasaniban ng masamang* espiritu ang nakabalita agad tungkol sa kaniya. Pumunta siya kay Jesus at sumubsob sa paanan nito.+
26 Ang babae ay isang Griego, na Sirofenisa ang nasyonalidad;* at paulit-ulit siyang nakiusap kay Jesus na palayasin ang demonyo mula sa anak niyang babae.
27 Pero sinabi niya sa babae: “Dapat munang mabusog ang mga anak, dahil hindi tama na kunin ang tinapay ng mga anak at ihagis ito sa maliliit na aso.”+
28 Sumagot ang babae: “Oo, Ginoo, pero kinakain ng maliliit na aso sa ilalim ng mesa ang mga mumo ng maliliit na anak.”
29 Kaya sinabi ni Jesus: “Dahil sa sinabi mo, umuwi ka na; lumabas na ang demonyo mula sa anak mo.”+
30 Umuwi siya at nakita ang bata na nakahiga sa higaan, at wala na ang demonyo.+
31 Nang bumalik si Jesus sa Lawa ng Galilea mula sa rehiyon ng Tiro, dumaan siya sa Sidon at sa rehiyon ng Decapolis.*+
32 Dito ay dinala sa kaniya ng mga tao ang isang lalaking bingi at may kapansanan sa pagsasalita,+ at nakiusap sila sa kaniya na ipatong sa lalaki ang kamay niya.
33 At inilayo niya ang lalaki mula sa mga tao. Pagkatapos, inilagay niya ang mga daliri niya sa mga tainga nito, at matapos dumura, hinipo niya ang dila nito.+
34 Tumingala siya sa langit, huminga nang malalim, at sinabi sa lalaki: “Effata,” ibig sabihin, “Mabuksan ka.”
35 At nakarinig ang lalaki.+ Nawala rin ang kapansanan niya sa pagsasalita, at nakapagsasalita na siya nang normal.
36 Pagkatapos, inutusan niya silang huwag itong sabihin kahit kanino,+ pero habang pinagbabawalan niya sila, lalo naman nila itong ipinamamalita.+
37 Talagang namangha sila,+ at sinabi nila: “Kahanga-hanga ang lahat ng ginagawa niya. Napagagaling niya kahit ang mga pipi at bingi.”+
Talababa
^ Hindi nahugasan sa seremonyal na paraan.
^ Lit., “ng pagbabautismo.”
^ O “Ang nanlalait.”
^ Lit., “masamang mata.”
^ Lit., “maruming.”
^ Isinilang sa Fenicia.
^ O “Rehiyon ng Sampung Lunsod.”