Ayon kay Marcos 9:1-50
-
Pagbabagong-anyo ni Jesus (1-13)
-
Pinagaling ang binatilyong sinasaniban ng demonyo (14-29)
-
Posible ang lahat ng bagay kung may pananampalataya ang isa (23)
-
-
Muling inihula ang kamatayan ni Jesus (30-32)
-
Nagtalo-talo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila (33-37)
-
Sinumang hindi laban sa atin ay nasa panig natin (38-41)
-
Mga dahilan ng pagkakasala (42-48)
-
“Maging gaya kayo ng asin” (49, 50)
9 Sinabi pa niya sa kanila: “Sinasabi ko sa inyo na may ilan sa mga nakatayo rito na hindi mamamatay hanggang sa makita muna nilang naitatag na ang Kaharian ng Diyos.”+
2 Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago, at Juan, at umakyat sila sa isang napakataas na bundok nang sila-sila lang. At nagbago ang kaniyang anyo sa harap nila;+
3 at ang damit niya ay kuminang sa kaputian. Walang sinuman sa lupa ang makapagpapaputi sa damit nang gayon.
4 Nagpakita rin sa kanila sina Elias at Moises, at nakikipag-usap ang mga ito kay Jesus.
5 Sinabi ni Pedro kay Jesus: “Rabbi, mabuti at narito kami. Puwede ba kaming magtayo ng tatlong tolda, isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias?”
6 Ang totoo, hindi alam ni Pedro kung ano ang sasabihin niya, dahil takot na takot sila.
7 At isang ulap ang nabuo at lumilim sa kanila. Pagkatapos, isang tinig+ mula sa ulap ang nagsabi: “Ito ang Anak ko, ang minamahal ko.+ Makinig kayo sa kaniya.”+
8 At pagtingin nila sa paligid, si Jesus na lang ang nakita nila.
9 Habang bumababa sila ng bundok, mahigpit niya silang pinagbilinan na huwag sabihin kaninuman ang nakita nila,+ hanggang sa buhaying muli ang Anak ng tao.+
10 Isinapuso nila ang sinabi niya,* pero pinag-usapan nila nang sila-sila lang kung ano ang kahulugan ng sinabi niyang bubuhayin siyang muli.
11 At tinanong nila siya: “Bakit sinasabi ng mga eskriba na kailangan munang dumating si Elias?”+
12 Sinabi niya sa kanila: “Talagang darating muna si Elias at ibabalik niya sa ayos ang lahat ng bagay;+ pero bakit nasusulat na ang Anak ng tao ay kailangang dumanas ng maraming pagdurusa+ at kailangang itakwil?+
13 Sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias,+ at ginawa nila sa kaniya ang anumang gusto nila, gaya ng nasusulat tungkol sa kaniya.”+
14 Pagdating nila sa kinaroroonan ng iba pang alagad, nakita nilang napapalibutan ang mga ito ng maraming tao, at may mga eskriba na nakikipagtalo sa mga ito.+
15 Pero nang makita siya ng mga tao, nagulat sila at tumakbo palapit sa kaniya para batiin siya.
16 Tinanong niya sila: “Ano ang pinagtatalunan ninyo?”
17 Isa sa kanila ang sumagot: “Guro, dinala ko sa iyo ang anak kong lalaki dahil sinasaniban siya ng espiritu at hindi siya makapagsalita.+
18 Kapag sinasaniban siya nito, ibinabagsak siya nito sa lupa, bumubula ang bibig niya, nagngangalit ang mga ngipin niya, at nawawalan siya ng lakas. Nakiusap ako sa mga alagad mo na palayasin ito, pero hindi nila magawa.”
19 Sinabi niya sa kanila: “O henerasyong walang pananampalataya,+ hanggang kailan ko kayo pakikisamahan? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo siya sa akin.”+
20 Kaya dinala nila ito kay Jesus, pero nang makita siya ng espiritu, agad nitong pinangisay ang bata. Bumagsak ito sa lupa at nagpagulong-gulong, na bumubula ang bibig.
21 Tinanong ni Jesus ang ama: “Gaano katagal na itong nangyayari sa kaniya?” Sinabi ng ama: “Mula pa sa pagkabata,
22 at madalas siya nitong ihagis sa apoy at sa tubig para patayin siya. Pero kung may magagawa ka, maawa ka sa amin at tulungan mo kami.”
23 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Bakit mo sinasabing ‘Kung may magagawa ka’? Posible ang lahat ng bagay kung may pananampalataya ang isa.”+
24 Agad na sumagot nang malakas ang ama ng bata: “May pananampalataya ako! Pero tulungan mo akong magkaroon ng mas malakas na pananampalataya!”+
25 Nang mapansin ni Jesus na maraming tao ang nagmamadali papunta sa kanila, sinaway niya ang masamang* espiritu: “Espiritung pipi at bingi,* inuutusan kita, lumabas ka sa kaniya at huwag ka na uling papasok sa kaniya!”+
26 Pagkatapos nitong sumigaw at mangisay nang maraming ulit, lumabas ito, at parang namatay ang bata, kaya karamihan sa mga tao ay nagsabi: “Patay na siya!”
27 Pero hinawakan ni Jesus sa kamay ang bata at ibinangon ito, at tumayo ito.
28 Pagpasok ni Jesus sa isang bahay, tinanong siya ng mga alagad niya nang sarilinan: “Bakit hindi namin iyon mapalayas?”+
29 Sinabi niya sa kanila: “Ang ganoong klase ng espiritu ay mapalalabas lang sa pamamagitan ng panalangin.”
30 Umalis sila roon at dumaan sa Galilea, pero ayaw niyang malaman ito ng sinuman
31 dahil tinuturuan niya noon ang mga alagad niya. Sinasabi niya sa kanila: “Ang Anak ng tao ay ibibigay sa kamay ng mga kaaway, at papatayin nila siya, pero kahit mamatay siya,+ mabubuhay siyang muli pagkalipas ng tatlong araw.”+
32 Pero hindi nila naintindihan ang sinabi niya, at natatakot silang magtanong sa kaniya.
33 Nakarating sila sa Capernaum. Nang nasa loob na siya ng bahay, tinanong niya sila: “Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?”+
34 Hindi sila umimik, dahil nagtatalo-talo sila sa daan kung sino ang pinakadakila* sa kanila.
35 Kaya umupo siya at tinawag ang 12 apostol at sinabi sa kanila: “Ang sinumang gustong maging una sa inyo ay dapat na maging huli sa lahat at maglingkod sa lahat.”+
36 Pagkatapos, pinatayo niya ang isang bata sa gitna nila, niyakap niya ito, at sinabi sa kanila:
37 “Ang sinumang tumatanggap sa isa sa mga batang+ gaya nito alang-alang sa akin ay tumatanggap din sa akin; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap din sa nagsugo sa akin.”+
38 Sinabi ni Juan sa kaniya: “Guro, nakita namin ang isang tao na nagpapalayas ng mga demonyo gamit ang pangalan mo, at pinipigilan namin siya dahil hindi siya sumusunod sa atin.”+
39 Pero sinabi ni Jesus: “Huwag ninyo siyang pigilan, dahil ang sinumang gumagawa ng himala* gamit ang pangalan ko ay hindi agad-agad makapagsasalita ng masama tungkol sa akin.
40 Dahil sinumang hindi laban sa atin ay nasa panig natin.+
41 At sinumang magbigay sa inyo ng isang baso ng tubig na maiinom dahil tagasunod kayo ni Kristo,+ sinasabi ko sa inyo, tiyak na tatanggap siya ng gantimpala.+
42 Pero ang sinumang tumisod sa* isa sa maliliit na ito na nananampalataya, mas mabuti pang bitinan ang leeg niya ng isang gilingang-bato na iniikot ng isang asno at ihagis siya sa dagat.+
43 “Kung nagkakasala ka dahil sa kamay mo, putulin mo ito. Mas mabuti pang tumanggap ka ng buhay na may iisang kamay, kaysa may dalawang kamay ka nga, pero mapupunta ka naman sa Gehenna,* sa apoy na hindi mapapatay.+
44 *——
45 At kung nagkakasala ka dahil sa paa mo, putulin mo ito. Mas mabuti pang tumanggap ka ng buhay na may iisang paa, kaysa may dalawang paa ka nga, pero ihahagis ka naman sa Gehenna.*+
46 *——
47 At kung nagkakasala ka dahil sa mata mo, itapon mo ito.+ Mas mabuti pang pumasok ka sa Kaharian ng Diyos na may iisang mata, kaysa may dalawang mata ka nga, pero ihahagis ka naman sa Gehenna,*+
48 kung saan ang mga uod ay hindi namamatay at ang apoy ay hindi nawawala.+
49 “Dahil ang bawat isa* ay pauulanan ng apoy, gaya ng pagbubudbod ng asin.+
50 Kapaki-pakinabang ang asin, pero kung mawawalan ito ng alat, paano maibabalik ang lasa nito?+ Maging gaya kayo ng asin,+ at panatilihin ninyo ang kapayapaan sa isa’t isa.”+
Talababa
^ O posibleng “Hindi nila ito sinabi sa iba.”
^ Lit., “maruming.”
^ O “Espiritung nagdudulot ng pagkapipi at pagkabingi.”
^ O “pinakaimportante.”
^ O “makapangyarihang gawa.”
^ O “magpahina sa pananampalataya ng; maging dahilan ng pagkakasala ng.”
^ Tumutukoy sa mga inihagis sa Gehenna.