Ayon kay Mateo 28:1-20

  • Binuhay-muli si Jesus (1-10)

  • Sinuhulan ang mga sundalo para magsinungaling (11-15)

  • Utos na gumawa ng mga alagad (16-20)

28  Pagkaraan ng Sabbath, nang nagliliwanag na noong unang araw ng linggo, si Maria Magdalena at ang isa pang Maria ay dumating para tingnan ang libingan.+  Bago nito, lumindol nang malakas dahil isang anghel ni Jehova* ang bumaba mula sa langit at iginulong ang bato at naupo sa ibabaw nito.+  Nagliliwanag siyang gaya ng kidlat, at ang damit niya ay kasimputi ng niyebe.+  Nang makita siya ng mga bantay, nanginig sila sa takot at hindi na makakilos.*  Sinabi ngayon ng anghel sa mga babae: “Huwag kayong matakot. Alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa tulos.+  Wala siya rito, dahil binuhay siyang muli, gaya ng sinabi niya.+ Halikayo, tingnan ninyo ang pinaglagyan sa kaniya.  At magmadali kayo at sabihin ninyo sa mga alagad niya na binuhay siyang muli at papunta na siya sa Galilea.+ Doon ninyo siya makikita. Ngayon, nasabi ko na sa inyo.”+  Kaya agad silang umalis sa libingan, at magkahalong takot at saya ang nararamdaman nila. Tumakbo sila para balitaan ang mga alagad niya.+  Sinalubong sila ni Jesus at sinabi: “Magandang araw!” Lumapit sila at hinawakan ang mga paa niya at yumukod. 10  Sinabi ni Jesus sa kanila: “Huwag kayong matakot! Pumunta kayo sa mga kapatid ko at balitaan sila para makapunta sila sa Galilea, at makikita nila ako roon.” 11  Pagkaalis ng mga babae, ang ilan sa mga bantay+ ay pumunta sa lunsod at ibinalita sa mga punong saserdote ang lahat ng nangyari. 12  At pagkatapos makipagpulong ng mga punong saserdote sa matatandang lalaki, nagbigay sila ng maraming piraso ng pilak sa mga sundalo, 13  at sinabi nila: “Sabihin ninyo, ‘Dumating ang mga alagad niya kagabi at ninakaw siya habang natutulog kami.’+ 14  At kung malaman ito ng gobernador, huwag kayong mag-alala dahil kami na ang magpapaliwanag* sa kaniya.” 15  Kaya kinuha nila ang mga piraso ng pilak at ginawa ang iniutos sa kanila, at ito ang istoryang kumalat sa mga Judio hanggang sa mismong araw na ito. 16  Samantala, ang 11 alagad ay pumunta sa Galilea+ sa bundok kung saan sinabi ni Jesus na magkikita-kita sila.+ 17  Nang makita nila siya, lumuhod sila at yumuko, pero ang ilan ay nag-alinlangan. 18  Lumapit sa kanila si Jesus at sinabi niya: “Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa.+ 19  Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa,+ na binabautismuhan sila+ sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, 20  at itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.+ At makakasama ninyo ako sa lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistemang* ito.”+

Talababa

Tingnan ang Ap. A5.
Lit., “at naging gaya ng mga taong patay.”
Lit., “kukumbinsi.”
O “panahong.” Tingnan sa Glosari, “Sistema.”