Liham sa mga Taga-Roma 13:1-14
13 Ang bawat tao* ay dapat magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad+ dahil walang awtoridad na hindi nagmula sa Diyos;+ ang Diyos ang naglagay sa mga ito sa kani-kanilang* posisyon.+
2 Kaya ang sinumang kumakalaban sa awtoridad ay kumakalaban sa kaayusan ng Diyos; ang mga kumakalaban dito ay magdadala ng hatol sa sarili nila.
3 Dahil kinatatakutan ang mga tagapamahalang iyon, hindi ng mga gumagawa ng mabuti kundi ng mga gumagawa ng masama.+ Kaya kung ayaw mong matakot sa awtoridad, patuloy kang gumawa ng mabuti,+ at pupurihin ka nito;
4 dahil lingkod ito ng Diyos para sa kapakanan mo. Pero kung masama ang ginagawa mo, matakot ka, dahil may kapangyarihan itong magparusa gamit ang espada. Lingkod ito ng Diyos, isang tagapaghiganti para ipakita ang galit* sa mga gumagawa ng masama.
5 Kaya nga may matinding dahilan para magpasakop kayo, hindi lang dahil sa galit na iyon kundi dahil din sa konsensiya ninyo.+
6 Iyan din ang dahilan kung bakit kayo nagbabayad ng buwis; dahil patuloy silang nagsisilbi sa mga tao bilang mga lingkod ng Diyos.
7 Ibigay sa lahat ang nararapat sa kanila: sa humihiling ng buwis, ang buwis;+ sa humihiling ng tributo, ang tributo; sa humihiling ng takot,* ang takot;*+ sa humihiling ng karangalan, ang karangalan.+
8 Huwag kayong magkautang sa sinuman maliban sa pag-ibig sa isa’t isa;+ dahil ang umiibig sa kapuwa niya ay nakatutupad sa kautusan.+
9 Dahil ang mga utos na “Huwag kang mangangalunya,+ huwag kang papatay,+ huwag kang magnanakaw,+ huwag mong nanasain ang pag-aari ng iba,”+ at lahat ng iba pang utos, ay mabubuod sa pananalitang ito: “Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”+
10 Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kapuwa;+ kaya ang pag-ibig ang katuparan ng kautusan.+
11 At gawin ninyo ito dahil alam ninyo ang panahon, na oras na para gumising kayo+ dahil mas malapit na ngayon ang kaligtasan natin kaysa noong maging mananampalataya tayo.
12 Malalim na ang gabi; malapit na ang araw. Kaya talikuran natin ang mga gawang may kaugnayan sa kadiliman+ at isuot ang mga sandata ng liwanag.+
13 Gaya ng pagkilos ng mga tao kapag araw, kumilos tayo nang disente;+ umiwas tayo sa walang-patumanggang mga pagsasaya at paglalasingan, sa imoral na pagtatalik at paggawi nang may kapangahasan,*+ at sa pag-aaway at selos.*+
14 Sa halip, tularan* ang Panginoong Jesu-Kristo,+ at huwag magplano para sa mga pagnanasa ng laman.+
Talababa
^ O “sa relatibo nilang.”
^ O “para magparusa.”
^ O “paggalang.”
^ O “paggalang.”
^ O “paninibugho.”
^ Lit., “isuot.”