Liham sa mga Taga-Roma 16:1-27

  • Ipinakilala ni Pablo ang lingkod na si Febe (1, 2)

  • Pagbati sa mga Kristiyano sa Roma (3-16)

  • Babala laban sa pagkakabaha-bahagi (17-20)

  • Pagbati mula sa mga kamanggagawa ni Pablo (21-24)

  • Ipinaalám na ang sagradong lihim (25-27)

16  Ipinapakilala* ko sa inyo ang kapatid nating si Febe, na naglilingkod sa kongregasyon sa Cencrea,+ 2  para tanggapin ninyo siya bilang kapananampalataya sa Panginoon sa paraang karapat-dapat sa mga alagad* at para maibigay ninyo sa kaniya ang anumang tulong na kakailanganin niya,+ dahil siya rin mismo ay tumutulong sa marami,* pati na sa akin. 3  Ikumusta ninyo ako kina Prisca at Aquila,+ na mga kamanggagawa ko kay Kristo Jesus 4  at nagsapanganib ng buhay* nila para sa akin.+ At hindi lang ako ang nagpapasalamat sa kanila kundi pati ang lahat ng kongregasyon ng ibang mga bansa. 5  Kumusta rin sa kongregasyon na nagtitipon sa bahay nila;+ gayundin sa minamahal kong si Epeneto, na isa sa mga unang tagasunod ni Kristo sa Asia.* 6  Kumusta kay Maria, na matiyagang naglilingkod para sa inyo. 7  Kumusta kina Andronico at Junias na mga kamag-anak ko+ at kapuwa bilanggo, mga lalaking kilalang-kilala ng mga apostol at mas matatagal nang tagasunod ni Kristo kaysa sa akin. 8  Ikumusta ninyo ako kay Ampliato, na minamahal kong kapatid sa Panginoon. 9  Kumusta kay Urbano na kamanggagawa natin kay Kristo at sa minamahal kong si Estaquis. 10  Kumusta kay Apeles, na sinasang-ayunan ni Kristo. Kumusta sa mga nasa sambahayan ni Aristobulo. 11  Kumusta sa kamag-anak kong si Herodion. Kumusta sa mga nasa sambahayan ni Narciso na mga tagasunod ng Panginoon. 12  Kumusta kina Trifena at Trifosa, na matiyagang naglilingkod sa Panginoon. Kumusta sa minamahal nating si Persis, na matiyagang naglilingkod sa Panginoon. 13  Kumusta kay Rufo, na mahusay na lingkod ng Panginoon, at sa kaniyang ina, na para ko na ring ina. 14  Kumusta kina Asincrito, Flegonte, Hermes, Patrobas, Hermas, at sa mga kapatid na kasama nila. 15  Kumusta kina Filologo at Julia, kay Nereo at sa kapatid niyang babae, kay Olimpas, at sa lahat ng kapatid* na kasama nila. 16  Malugod ninyong batiin ang isa’t isa.* Kinukumusta kayo ng lahat ng kongregasyon ng Kristo. 17  Hinihimok ko kayo ngayon, mga kapatid, na mag-ingat sa mga nagpapasimula ng pagkakabaha-bahagi at nagiging dahilan ng pagkatisod. Ang mga ginagawa nila ay salungat sa turo na inyong natutuhan, kaya iwasan ninyo sila.+ 18  Dahil ang gayong uri ng mga tao ay hindi alipin ng ating Panginoong Kristo, kundi ng sarili nilang mga pagnanasa,* at inililigaw nila ang mga walang muwang* gamit ang kanilang mapanghikayat na pananalita at pambobola. 19  Masaya ako dahil napapansin ng lahat ang pagiging masunurin ninyo. Pero gusto kong maging marunong kayo pagdating sa mga bagay na mabuti, at inosente pagdating sa masama.+ 20  At malapit nang durugin ng Diyos na nagbibigay ng kapayapaan si Satanas+ sa ilalim ng inyong mga paa. Sumainyo nawa ang walang-kapantay* na kabaitan ng ating Panginoong Jesus. 21  Kinukumusta kayo ng kamanggagawa kong si Timoteo, gayundin ng mga kamag-anak kong+ sina Lucio, Jason, at Sosipatro. 22  Ako, si Tercio, na tagasulat ng liham na ito, ay bumabati sa inyo bilang kapananampalataya sa Panginoon. 23  Kinukumusta kayo ni Gayo,+ na tinutuluyan ko at na ang bahay ay pinagtitipunan ng kongregasyon. Kinukumusta kayo ni Erasto na ingat-yaman* ng lunsod, pati ng kapatid niyang si Cuarto. 24  *—— 25  Purihin nawa Siya na makapagpapatatag sa inyo kaayon ng mabuting balita na ipinahahayag ko at ng pangangaral tungkol kay Jesu-Kristo, na kaayon ng isiniwalat tungkol sa sagradong lihim+ na itinago sa mahabang panahon 26  pero inihayag* na ngayon at ipinaalám na sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng mga hula sa Kasulatan, na kaayon ng utos ng walang-hanggang Diyos na ang kalooban ay manampalataya sila at maging masunurin; 27  maibigay nawa sa Diyos, na tanging marunong,+ ang kaluwalhatian sa pamamagitan ni Jesu-Kristo magpakailanman. Amen.

Talababa

O “Inirerekomenda.”
Lit., “banal.”
O “ay tagapagtanggol ng marami.”
Lit., “leeg.”
O “na unang bunga ng Asia para kay Kristo.”
Lit., “banal.”
Lit., “Batiin ninyo ang isa’t isa ng banal na halik.”
O “tiyan.”
Lit., “ang puso ng mga walang muwang.”
O “di-sana-nararapat.”
O “katiwala.”
Tingnan ang Ap. A3.
O “isiniwalat.”