Liham sa mga Taga-Roma 9:1-33
9 Bilang tagasunod ni Kristo, nagsasabi ako ng totoo; hindi ako nagsisinungaling, at sa pamamagitan ng banal na espiritu, nagpapatotoo ang konsensiya ko
2 na labis akong namimighati at hindi nawawala ang kirot sa puso ko.
3 Kung puwede lang sana, ako na lang ang mapalayo sa Kristo bilang isa na isinumpa sa halip na ang mga kapatid ko, ang mga kamag-anak ko,
4 na mga Israelita. Inampon sila bilang mga anak+ at tumanggap ng kaluwalhatian, ng mga tipan,+ ng Kautusan,+ ng pribilehiyong maglingkod,*+ at ng mga pangako.+
5 Sila rin ay nanggaling sa mga ninuno+ na pinagmulan ng Kristo.+ Purihin nawa magpakailanman ang Diyos na namamahala sa lahat. Amen.
6 Hindi naman ibig sabihin nito na nabigo ang salita ng Diyos. Dahil hindi lahat ng nagmumula kay Israel ay talagang Israelita.+
7 Hindi rin lahat sa kanila ay mga anak kahit pa supling* sila ni Abraham;+ dahil ang sabi, “Kay Isaac magmumula ang tatawaging iyong supling.”*+
8 Ibig sabihin, ang mga anak sa laman ay hindi talaga mga anak ng Diyos,+ kundi ang mga anak sa pamamagitan ng pangako+ ang siyang ibibilang na supling.*
9 Dahil ito ang pangako: “Sa ganitong panahon, darating ako, at si Sara ay magkakaroon ng isang anak na lalaki.”+
10 Pero hindi lang noon ibinigay ang pangako, kundi noon ding magdalang-tao ng kambal si Rebeka kay Isaac, na ninuno natin;+
11 dahil noong hindi pa sila ipinanganganak at wala pa silang nagagawang mabuti o masama, sinabi na ng Diyos kung sino ang pinili niya, para maipakitang ang pagpili ay nakadepende, hindi sa mga gawa, kundi sa Isa na tumatawag;
12 sinabi sa babae: “Ang nakatatanda ay magiging alipin ng nakababata.”+
13 Gaya nga ng nasusulat: “Inibig ko si Jacob, pero kinapootan ko si Esau.”+
14 Ibig bang sabihin, hindi makatarungan ang Diyos? Hindi naman!+
15 Dahil sinabi niya kay Moises: “Kaaawaan ko ang mga gusto kong kaawaan, at kahahabagan ko ang mga gusto kong kahabagan.”+
16 Kaya nga, nakadepende ito, hindi sa kagustuhan o pagsisikap ng isang tao,* kundi sa Diyos na maawain.+
17 Dahil sinasabi sa Kasulatan tungkol sa Paraon: “Pinanatili kitang buháy sa dahilang ito: para maipakita ko ang kapangyarihan ko sa pamamagitan mo at para maipahayag ang pangalan ko sa buong lupa.”+
18 Kaya kinaaawaan niya ang mga gusto niyang kaawaan, pero hinahayaan niya ang iba na patigasin ang puso nila.+
19 Kaya sasabihin mo sa akin: “Bakit humahanap pa siya ng mali? Sino na ba ang nakasalungat sa kalooban niya?”
20 Pero sino ka, O tao, para sumagot sa Diyos?+ Sasabihin ba ng isang bagay na hinubog sa isa na humubog sa kaniya: “Bakit mo ako ginawang ganito?”+
21 Hindi ba may awtoridad ang magpapalayok na gumawa ng isang espesyal* na sisidlan at isang pangkaraniwang* sisidlan mula sa iisang limpak ng putik?*+
22 Kaya ano ang problema kung pinagtitiisan ng Diyos ang mga sisidlan ng poot na karapat-dapat wasakin, kahit na kalooban niyang ipakita ang kaniyang poot at kapangyarihan?
23 At kung ginawa ito ng Diyos para maihayag ang kaniyang saganang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa,+ na patiuna niyang inihanda para luwalhatiin,
24 samakatuwid nga ay tayo, na tinawag niya, hindi lang mula sa mga Judio kundi mula rin sa ibang mga bansa,+ sino ang puwedeng kumuwestiyon dito?
25 Gaya rin ito ng sinasabi niya sa Oseas: “Ang hindi ko bayan+ ay tatawagin kong ‘bayan ko,’ at ang babaeng hindi minahal ay tatawagin kong ‘mahal’;+
26 at sa lugar kung saan sinabi ko sa kanila, ‘Hindi ko kayo bayan,’ doon ay tatawagin silang ‘mga anak ng Diyos na buháy.’”+
27 Bukod diyan, inihayag din ni Isaias tungkol sa Israel: “Kahit ang mga Israelita ay kasindami ng buhangin sa dagat, ang maliit na grupo lang na naiwan ang maliligtas.+
28 Dahil maglalapat si Jehova* ng hatol sa lupa, at tatapusin niya ito agad.”*+
29 Inihula pa ni Isaias: “Kung hindi nagligtas ng supling* natin si Jehova* ng mga hukbo, naging gaya na tayo ng Sodoma at naging katulad ng Gomorra.”+
30 Kaya ano ang masasabi natin? Na ang mga tao ng ibang mga bansa, kahit hindi nagsisikap na maging matuwid,+ ay naging matuwid sa harap ng Diyos dahil sa pananampalataya;+
31 pero ang Israel, kahit nagsisikap na maging matuwid sa pamamagitan ng kautusan, ay hindi nakaabot sa tunguhin ng kautusang iyon.
32 Bakit? Dahil sinikap nilang maging matuwid sa pamamagitan ng mga gawa at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya. Natisod sila sa “batong katitisuran”;+
33 gaya ng nasusulat: “Tingnan ninyo! Maglalagay ako sa Sion ng isang batong+ katitisuran at isang malaking bato na haharang sa kanilang landas, pero ang mananampalataya rito ay hindi mabibigo.”+
Talababa
^ O “pribilehiyong mag-ukol ng sagradong paglilingkod.”
^ Lit., “binhi.”
^ Lit., “binhi.”
^ Lit., “binhi.”
^ Lit., “hindi sa isa na nagnanais o sa isa na tumatakbo.”
^ Lit., “marangal.”
^ Lit., “walang-dangal na.”
^ O “luwad.”
^ O “at mabilis niya itong isasagawa.”
^ Lit., “binhi.”