Zacarias 1:1-21

  • Panawagan na manumbalik kay Jehova (1-6)

    • ‘Manumbalik kayo sa akin at manunumbalik ako sa inyo’ (3)

  • Pangitain 1: Mga mangangabayo sa gitna ng mga puno ng mirto (7-17)

    • “Muling pagiginhawahin ni Jehova ang Sion” (17)

  • Pangitain 2: Apat na sungay at apat na bihasang manggagawa (18-21)

1  Noong ikawalong buwan ng ikalawang taon ni Dario,+ ang mensaheng ito ni Jehova ay dumating sa propetang si Zacarias*+ na anak ni Berekias na anak ni Ido: 2  “Si Jehova ay nagalit nang husto sa inyong mga ama.+ 3  “Sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo: “‘Manumbalik kayo sa akin,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘at manunumbalik ako sa inyo,’+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.”’ 4  “‘Huwag kayong maging gaya ng inyong mga ama na sinabihan ng mga propeta noon: “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Pakisuyo, talikuran na ninyo ang inyong masamang pamumuhay at masasamang gawain.’”’+ “‘Pero hindi sila nakinig, at hindi sila nagbigay-pansin sa akin,’+ ang sabi ni Jehova. 5  “‘Nasaan na ang inyong mga ama? At ang mga propeta ba ay nabuhay magpakailanman? 6  Pero sa pamamagitan ng mga lingkod kong propeta, sinabi ko sa inyong mga ama ang mensahe at mga utos ko at ang mangyayari kung susuway sila. Nangyari ang lahat ng iyon, hindi ba?’+ Kaya nanumbalik sila sa akin at nagsabi: ‘Ginawa sa amin ni Jehova ng mga hukbo ang ipinasiya niyang gawin ayon sa naging pamumuhay at gawain namin.’”+ 7  Noong ika-24 na araw ng ika-11 buwan, na buwan ng Sebat,* nang ikalawang taon ni Dario,+ ang mensaheng ito ni Jehova ay dumating sa propetang si Zacarias na anak ni Berekias na anak ni Ido: 8  “Nakakita ako ng isang pangitain sa gabi. May isang lalaking nakasakay sa isang pulang kabayo, at siya ay tumigil sa gitna ng mga puno ng mirto na nasa bangin; at sa likuran niya ay may mga kabayong pula, mamula-mulang kayumanggi, at puti.” 9  Kaya sinabi ko: “Sino ang mga ito, panginoon ko?” Sinabi ng anghel na nakikipag-usap sa akin: “Ipapakita ko sa iyo kung sino ang mga ito.” 10  Pagkatapos, ang lalaking nakatayo sa gitna ng mga puno ng mirto ay nagsabi: “Ito ang mga isinugo ni Jehova para lumibot sa lupa.” 11  At sinabi nila sa anghel ni Jehova na nakatayo sa gitna ng mga puno ng mirto: “Lumibot kami sa lupa, at nakita naming tahimik at payapa ang buong lupa.”+ 12  Kaya sinabi ng anghel ni Jehova: “O Jehova ng mga hukbo, hanggang kailan mo ipagkakait ang iyong awa sa Jerusalem at sa mga lunsod ng Juda,+ na 70 taon+ mo nang kinapopootan?” 13  Ang anghel na nakikipag-usap sa akin ay sinagot ni Jehova ng mabait at nakagiginhawang mga salita. 14  Pagkatapos, sinabi ng anghel na nakikipag-usap sa akin: “Ihayag mo, ‘Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo: “Labis ang pagmamahal ko at pagmamalasakit sa Jerusalem at sa Sion.+ 15  Galit na galit ako sa mga bansang panatag;+ bahagya lang ang galit ko,+ pero pinalaki nila ang kapahamakan.”’+ 16  “Kaya ito ang sinabi ni Jehova, ‘“Babalik ako sa Jerusalem na may awa,+ at ang bahay ko ay itatayo sa kaniya,”+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, “at isang pising panukat ang iuunat sa Jerusalem.”’+ 17  “Ihayag mo pa, ‘Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo: “Ang mga lunsod ko ay muling mag-uumapaw sa mabubuting bagay; at muling pagiginhawahin ni Jehova ang Sion+ at muling pipiliin ang Jerusalem.”’”+ 18  Pagkatapos, may nakita akong apat na sungay.+ 19  Kaya tinanong ko ang anghel na nakikipag-usap sa akin: “Ano ang mga ito?” Sumagot siya: “Ito ang mga sungay na nagpangalat sa Juda,+ Israel,+ at Jerusalem.”+ 20  Pagkatapos, may ipinakita si Jehova sa akin na apat na bihasang manggagawa. 21  Itinanong ko: “Ano ang gagawin ng mga ito?” Sinabi niya: “Ito ang mga sungay na nagpangalat sa Juda hanggang sa walang sinumang makapagtaas ng kaniyang ulo. Ang mga ito naman ay darating para takutin sila, para ibagsak ang mga sungay ng mga bansa na nagtaas ng kanilang mga sungay laban sa lupain ng Juda para mangalat siya.”

Talababa

Ibig sabihin, “Inalaala ni Jehova.”
Tingnan ang Ap. B15.