Zacarias 2:1-13

  • Pangitain 3: Isang lalaki na may pising panukat (1-13)

    • Susukatin ang Jerusalem (2)

    • Si Jehova, “isang pader na apoy sa palibot” (5)

    • Paghipo sa itim ng mata ng Diyos (8)

    • Maraming bansa ang papanig kay Jehova (11)

2  Pagkatapos, may nakita akong lalaki na may hawak na pising panukat.+ 2  Kaya tinanong ko siya: “Saan ka pupunta?” Sumagot siya: “Susukatin ko ang Jerusalem, para alamin ang lapad at haba niya.”+ 3  Pagkatapos, ang anghel na nakikipag-usap sa akin ay umalis, at isa pang anghel ang dumating para salubungin siya. 4  Sinabi niya rito: “Tumakbo ka roon at sabihin mo sa kabataang lalaking iyon, ‘“Ang Jerusalem ay paninirahang+ gaya ng nayong walang pader dahil sa lahat ng tao at alagang hayop na naroon.+ 5  At ako ay magiging isang pader na apoy sa palibot niya,”+ ang sabi ni Jehova, “at pupunuin ko siya ng kaluwalhatian ko.”’”+ 6  “Halikayo! Halikayo! Tumakas kayo mula sa lupain ng hilaga,”+ ang sabi ni Jehova. “Dahil pinangalat ko kayo sa lahat ng direksiyon,”*+ ang sabi ni Jehova. 7  “Halika, Sion! Tumakas ka, ikaw na nakatirang kasama ng anak na babae ng Babilonya.+ 8  Dahil ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, na matapos luwalhatiin* ay nagsugo sa akin sa mga bansang nananamsam sa inyo:+ ‘Sinumang humihipo sa inyo ay humihipo sa itim* ng aking mata.+ 9  Kaya ngayon ay iaangat ko ang aking kamay laban sa kanila, at magiging samsam sila ng sarili nilang mga alipin.’+ At tiyak na malalaman ninyong si Jehova ng mga hukbo ang nagsugo sa akin. 10  “Humiyaw ka sa kagalakan, O anak na babae ng Sion;+ dahil ako ay dumarating,+ at maninirahan ako sa gitna mo,”+ ang sabi ni Jehova. 11  “Maraming bansa ang papanig kay Jehova sa araw na iyon,+ at sila ay magiging bayan ko; at maninirahan ako sa gitna mo.” At malalaman mo na si Jehova ng mga hukbo ang nagsugo sa akin sa iyo. 12  Kukunin ni Jehova ang Juda bilang kaniyang parte sa banal na lupa, at muli niyang pipiliin ang Jerusalem.+ 13  Tumahimik kayo, kayong mga tao, sa harap ni Jehova, dahil kikilos siya mula sa kaniyang banal na tahanan.

Talababa

Lit., “gaya ng apat na hangin ng langit.”
Lit., “na kasunod ng kaluwalhatian.”
O “balintataw.”