Zacarias 3:1-10

  • Pangitain 4: Pinalitan ang damit ng mataas na saserdote (1-10)

    • Kinakalaban ni Satanas ang mataas na saserdoteng si Josue (1)

    • “Ipapakilala ko ang lingkod kong si Sibol!” (8)

3  At ipinakita niya sa akin ang mataas na saserdoteng si Josue+ na nakatayo sa harap ng anghel ni Jehova, at si Satanas+ ay nakatayo sa kaniyang kanan para kalabanin siya. 2  Pagkatapos ay sinabi ng anghel ni Jehova kay Satanas: “Sawayin ka nawa ni Jehova, O Satanas,+ oo, sawayin ka nawa ni Jehova, na pumili sa Jerusalem!+ Hindi ba ang isang ito ay nasusunog na kahoy na inagaw sa apoy?” 3  Si Josue ay nakasuot ng maruming damit at nakatayo sa harap ng anghel. 4  Sinabi ng anghel sa mga nakatayo sa harap niya: “Hubarin ninyo ang marumi niyang damit.” Pagkatapos, sinabi niya sa kaniya: “Tingnan mo, inalis ko na ang pagkakamali* mo, at bibihisan ka ng maringal na damit.”+ 5  Kaya sinabi ko: “Lagyan siya ng malinis na turbante sa kaniyang ulo.”+ At nilagyan nila siya sa ulo ng malinis na turbante at binihisan nila siya; at ang anghel ni Jehova ay nakatayo sa malapit. 6  Pagkatapos, sinabi ng anghel ni Jehova kay Josue: 7  “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Kung lalakad ka sa aking mga daan at gagampanan mo ang mga pananagutan mo sa akin, maglilingkod ka bilang hukom sa sambahayan ko+ at pangangalagaan* mo ang mga looban ko; at malaya kang makalalapit kasama ng mga nakatayo rito. 8  “‘Makinig ka, pakisuyo, O Josue na mataas na saserdote, ikaw at ang mga kasama mong nakaupo sa harap mo, dahil ang mga lalaking ito ay nagsisilbing tanda; ipapakilala ko ang lingkod kong+ si Sibol!+ 9  Tingnan ninyo ang bato na inilagay ko sa harap ni Josue! Sa batong iyon ay may pitong mata;* at mag-uukit ako ng mga salita roon,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘at aalisin ko ang kasalanan ng lupaing iyon sa loob ng isang araw.’+ 10  “‘Sa araw na iyon,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘aanyayahan ng bawat isa sa inyo ang kapuwa niya sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos.’”+

Talababa

O “kasalanan.”
O “aasikasuhin; babantayan.”
Posibleng nangangahulugang may pitong mata na nakatingin sa bato.