Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TULARAN ANG KANILANG PANANAMPALATAYA | ENOC

“Lubos Niyang Napalugdan ang Diyos”

“Lubos Niyang Napalugdan ang Diyos”

NABUHAY nang matagal si Enoc. Maaaring hindi natin ito lubos na maisip, pero ang buhay niya ay umabot ng mga 365 taon—mahigit apat na beses sa haba ng buhay ng tao ngayon! Pero hindi pa naman siya talaga matanda, lalo na noong panahon niya. Noon, mahigit 5,000 taon na ang nakalilipas, di-hamak na mas mahaba ang buhay ng tao. Si Adan, ang unang tao, ay mahigit nang 600 taon nang isilang si Enoc, at nabuhay si Adan nang 300 taon pa! Ang ilan sa inapo ni Adan ay nabuhay nang mas matagal kaysa sa kaniya. Kaya sa edad na 365, mukhang malakas pa si Enoc, na para bang napakarami pa niyang puwedeng gawin sa buhay. Kaso lang, hindi na iyon nangyari.

Lubhang nanganganib ang buhay ni Enoc. Isipin na tumatakas siya. Hindi maalis-alis sa isip niya ang reaksiyon ng mga tao sa ipinahayag niyang mensahe ng Diyos. Galit na galit sila at napopoot sa kaniya. Nasusuklam sila sa kaniyang mensahe at sa Diyos na nagsugo sa kaniya. Hindi nila kayang saktan si Jehova, ang Diyos ni Enoc, pero kayang-kaya nilang saktan ang taong ito! Malamang na naiisip ni Enoc kung makikita pa niyang muli ang kaniyang pamilya. Ang nasa isip kaya niya ay ang asawa niya at mga anak na babae o ang anak niyang si Matusalem o ang kaniyang apo na si Lamec? (Genesis 5:21-23, 25) Ito na ba ang katapusan niya?

Medyo misteryosong tauhan sa Bibliya si Enoc. Tatlong maiikling ulat lang sa Bibliya ang tumatalakay tungkol sa kaniya. (Genesis 5:21-24; Hebreo 11:5; Judas 14, 15) Gayunman, sapat na ang mga talatang iyon para ilarawan siya bilang isang tao na may malaking pananampalataya. May binubuhay ka bang pamilya? Napaharap ka na ba sa sitwasyon na mahirap manindigan para sa alam mong tama? Kung oo, marami kang matututuhan sa pananampalataya ni Enoc.

“SI ENOC AY PATULOY NA LUMAKAD NA KASAMA NG TUNAY NA DIYOS”

Masama na ang mga tao nang isilang si Enoc. Ikapitong henerasyon na ito mula kay Adan. Ang mga tao noon ay napakalapit pa sa kasakdalang naiwala nina Adan at Eva. Kaya mahaba pa ang buhay ng mga tao noon. Pero napakababa na ng kanilang moral at malayo na sila sa Diyos. Laganap ang karahasan. Nagsimula ito sa ikalawang henerasyon, nang patayin ni Cain ang kapatid niyang si Abel. Parang ipinagmamalaki pa nga ng isang inapo ni Cain na mas marahas siya at mapaghiganti kaysa kay Cain! Sa ikatlong henerasyon, mas lumala pa ang sitwasyon. Tumatawag ang mga tao sa pangalan ni Jehova, pero hindi para sumamba. Maliwanag na ginagamit nila ang banal na pangalan ng Diyos sa paraang mapamusong at walang galang.—Genesis 4:8, 23-26.

Ang gayong masamang relihiyon ay karaniwan na noong panahon ni Enoc. Habang lumalaki si Enoc, kinailangan niyang mamili. Susunod ba siya sa nakararami? O sasambahin niya ang tunay na Diyos, si Jehova, na siyang gumawa ng langit at lupa? Malamang na naantig si Enoc nang malaman niya ang tungkol kay Abel, na namatay na isang martir dahil sinamba nito si Jehova sa paraang nakalulugod sa Diyos. Nagpasiya si Enoc na gayon din ang gawin. Sinasabi sa Genesis 5:22: “Lumakad si Enoc na kasama ng tunay na Diyos.” Makikita sa mga salitang iyon na si Enoc ay isang makadiyos na tao sa gitna ng isang mundong di-makadiyos. Siya ang kauna-unahang tao na inilarawan nang gayon sa Bibliya.

Binanggit din sa talatang iyon na si Enoc ay patuloy na lumakad na kasama ng Diyos matapos maisilang ang anak niyang si Matusalem. Kaya makikita natin si Enoc na isang pamilyadong tao sa edad na mga 65. May asawa siya, pero hindi binanggit ang pangalan sa Kasulatan. “Nagkaanak [din] siya ng mga lalaki at mga babae,” pero hindi binanggit kung ilan. Kung ang isang ama ay lumalakad na kasama ng Diyos habang bumubuhay ng kaniyang pamilya, tiyak na aalagaan niya ito ayon sa gusto ng Diyos. Alam ni Enoc na gusto ni Jehova na manatili siyang tapat sa kaniyang asawa. (Genesis 2:24) At tiyak na sinikap niyang turuan ang kaniyang mga anak tungkol sa Diyos na Jehova. Ano ang resulta?

Kaunti lang ang sinasabi ng Bibliya tungkol doon. Walang nakaulat tungkol sa pananampalataya ng anak ni Enoc na si Matusalem, ang pinakamatagal na nabuhay ayon sa Bibliya, na namatay noong taon na dumating ang malaking Baha. Pero nagkaanak si Matusalem ng isang lalaki, si Lamec. Nagpang-abot ang buhay ni Lamec at ng lolo niyang si Enoc nang mahigit 100 taon. Lumaki si Lamec na may malaking pananampalataya. Ginamit siya ni Jehova para humula tungkol kay Noe, na kaniyang anak, at natupad ang hulang iyon pagkatapos ng Baha. Tinukoy si Noe, gaya ng kaniyang lolo sa tuhod na si Enoc, bilang isa na lumakad kasama ng Diyos. Hindi na naabutan ni Noe si Enoc. Pero nag-iwan si Enoc ng isang napakagandang pamana. Maaaring nalaman ni Noe ang tungkol sa pamanang iyon mula sa kaniyang ama na si Lamec, o sa kaniyang lolo na si Matusalem, o puwede ring kay Jared, ang tatay ni Enoc, na namatay nang si Noe ay 366 na taóng gulang.—Genesis 5:25-29; 6:9; 9:1.

Isipin ang pagkakaiba ni Enoc at ni Adan. Perpekto si Adan, pero nagkasala siya kay Jehova, na nagdulot sa kaniyang mga inapo ng rebelyon at pagdurusa. Si Enoc naman, kahit na di-perpekto, ay lumakad na kasama ng Diyos, na nag-iwan ng magandang halimbawa ng pananampalataya sa kaniyang mga inapo. Namatay si Adan nang si Enoc ay 308 taóng gulang. Nagdalamhati kaya ang pamilya ni Adan para sa makasariling ninuno nila? Hindi natin alam. Pero si Enoc ay “patuloy na lumakad na kasama ng tunay na Diyos.”—Genesis 5:24.

Kung may binubuhay kang pamilya, may matututuhan ka kay Enoc. Napakahalagang maglaan ng materyal na pangangailangan ng iyong pamilya, pero wala nang hihigit pa sa espirituwal na pangangailangan nila. (1 Timoteo 5:8) Maibibigay mo iyan sa kanila hindi lang sa salita kundi sa gawa. Kung lalakad kang kasama ng Diyos gaya ni Enoc, na nagpapagabay sa mga pamantayan ng Diyos, mabibigyan mo rin ang iyong pamilya ng isang napakagandang pamana—isang napakabuting halimbawa na matutularan nila.

SI ENOC AY ‘NANGHULA MAY KINALAMAN SA KANILA’

Maaaring nadama ni Enoc na nag-iisa siyang nanampalataya sa Diyos sa isang daigdig na walang pananampalataya. Pero napansin kaya siya ng Diyos na Jehova? Oo. Dumating ang panahon na nakipag-usap si Jehova sa tapat na lingkod niyang ito. Isinugo ng Diyos si Enoc para sabihin sa mga tao ang isang mensahe. Kaya ginawa niyang propeta si Enoc, ang unang propeta na ang mensahe ay isiniwalat sa Bibliya. Nalaman natin ang mensaheng ito dahil maraming taon pagkaraan nito, isinulat ni Judas, kapatid sa ina ni Jesus, ang hulang ito ni Enoc. *

Ano ang inihula ni Enoc? Ganito iyon: “Narito! Si Jehova ay dumating na kasama ang kaniyang laksa-laksang banal, upang maglapat ng hatol laban sa lahat, at upang hatulan ang lahat ng di-makadiyos may kinalaman sa lahat ng kanilang di-makadiyos na mga gawa na kanilang ginawa sa di-makadiyos na paraan, at may kinalaman sa lahat ng nakapangingilabot na mga bagay na sinalita ng di-makadiyos na mga makasalanan laban sa kaniya.” (Judas 14, 15) Siguro ang una mong napansin ay na sinabi ito ni Enoc sa panahunang pangnagdaan, na para bang tinupad na ng Diyos ang nakahula. Ganiyan din ang maraming iba pang hula na kasunod nito. Ito ang punto: Sinasabi ng propeta ang isang bagay na walang kaduda-dudang mangyayari anupat mailalarawan niya ito na parang nangyari na!—Isaias 46:10.

Walang-takot na inihayag ni Enoc ang mensahe ng Diyos sa mga taong di-makadiyos

Ano kaya ang nadama ni Enoc nang utusan siyang ihatid ang mensaheng iyon, marahil sa pamamagitan ng pangangaral sa lahat ng tao? Matindi ang babala—apat na beses na binanggit ang salitang “di-makadiyos” para hatulan ang mga tao, ang kanilang mga gawa, at maging ang paraan ng pagsasagawa nila nito. Isang babala ang hulang ito sa lahat ng tao na naging sukdulan na ang kasamaan mula nang mapalayas ang unang tao sa hardin ng Eden. Kapaha-pahamak ang magiging wakas ng lipunang iyon kapag dumating na si Jehova kasama ang kaniyang “laksa-laksang banal”—hukbo ng makapangyarihang mga anghel na handang makipagdigma—para puksain sila. Walang-takot na inihayag ni Enoc ang babalang iyon, at mag-isa lang niya itong ginawa! Malamang na hangang-hanga si Lamec na makita ang lakas ng loob ng kaniyang lolo. At hindi naman iyon kataka-taka.

Ang halimbawa ni Enoc ay maaaring mag-udyok sa atin na pag-isipan kung ang pananaw natin sa sanlibutang ito ay kagaya ng pananaw ng Diyos. Ang hatol na buong-tapang na inihayag noon ni Enoc ay totoo pa rin sa ngayon. Gaya ng babala ni Enoc, nagpasapit si Jehova ng malaking Baha sa mga taong di-makadiyos noong panahon ni Noe. Pero may darating na mas malaking pagkapuksa. (Mateo 24:38, 39; 2 Pedro 2:4-6) Gaya noon, handang-handa na rin ang Diyos ngayon, kasama ang kaniyang laksa-laksang banal, para hatulan ang di-makadiyos na sanlibutan. Dapat isapuso ng bawat isa sa atin ang babala ni Enoc at sabihin ito sa iba. Maaaring iba ang maging paninindigan ng ating pamilya at mga kaibigan. Kung minsan, baka madama nating nag-iisa tayo. Pero hindi iniwan ni Jehova si Enoc; hindi rin niya iiwan ang tapat na mga lingkod niya ngayon!

“INILIPAT UPANG HINDI MAKAKITA NG KAMATAYAN”

Paano namatay si Enoc? Parang mas misteryoso at nakaiintriga pa ang kamatayan niya kaysa sa kaniyang buhay. Ganito lang ang sinabi sa Genesis: “Si Enoc ay patuloy na lumakad na kasama ng tunay na Diyos. Pagkatapos ay nawala na siya, sapagkat kinuha siya ng Diyos.” (Genesis 5:24) Paano kinuha ng Diyos si Enoc? Ipinaliwanag ni apostol Pablo: “Sa pananampalataya si Enoc ay inilipat upang hindi makakita ng kamatayan, at hindi siya masumpungan saanman sapagkat inilipat siya ng Diyos; sapagkat bago pa ang pagkakalipat sa kaniya ay nagkaroon siya ng patotoo na lubos niyang napalugdan ang Diyos.” (Hebreo 11:5) Ano ang ibig sabihin ni Pablo sa mga salitang “inilipat upang hindi makakita ng kamatayan”? Sinasabi sa ilang salin ng Bibliya na dinala ng Diyos si Enoc sa langit. Pero imposible iyon. Ayon sa Bibliya, si Jesu-Kristo ang kauna-unahang binuhay-muli tungo sa langit.—Juan 3:13.

Kung gayon, sa anong diwa “inilipat” si Enoc para “hindi makakita ng kamatayan”? Malamang na unti-unting inilipat ni Jehova si Enoc mula sa buhay tungo sa kamatayan, para hindi niya maranasan ang anumang kirot ng kamatayan. Pero bago iyon, napatunayan ni Enoc na “lubos niyang napalugdan ang Diyos.” Paano? Bago siya mamatay, nakakita si Enoc ng pangitain mula sa Diyos, malamang na ang paraisong lupa. Sa napakalinaw na katibayang iyon ng pagsang-ayon ni Jehova, si Enoc ay natulog sa kamatayan. Tungkol kay Enoc at sa iba pang tapat na mga lalaki’t babae, sumulat si apostol Pablo: “Sa pananampalataya ang lahat ng mga ito ay namatay.” (Hebreo 11:13) Malamang na hinanap ng mga kaaway ni Enoc ang kaniyang katawan, pero “hindi siya masumpungan saanman,” marahil dahil pinaglaho ito ni Jehova para hindi nila ito lapastanganin o gamitin sa maling pagsamba. *

Habang isinasaisip ang mga impormasyong nabanggit na, subukan nating ilarawan kung paano maaaring namatay si Enoc. Tandaan na isa lang ito sa mga posibilidad. Isiping tumatakas si Enoc, at pagód na pagód na. Hinahabol siya ng mga mang-uusig na galít na galít sa kaniyang mensahe ng paghatol. Nakahanap si Enoc ng matataguan para makapagpahinga, pero alam niyang hindi pa rin siya ligtas. Isang marahas na kamatayan ang nag-aabang sa kaniya. Habang nagpapahinga, nanalangin siya sa kaniyang Diyos. At nakadama siya ng matinding kapayapaan. Napakalinaw ng pangitain anupat parang dinala siya sa isang malayong lugar.

Malamang na nakaabang na kay Enoc ang isang marahas na kamatayan nang kunin siya ni Jehova

Isipin na isang tanawin ang nakita niya, isang mundo na ibang-iba sa kinabubuhayan niya. Para sa kaniya, kasingganda ito ng hardin ng Eden, pero walang mga kerubin na nagbabantay para hindi makapasok ang mga tao. Napakaraming lalaki at babae—lahat ay malusog at malakas. Payapa ang lahat. Walang bakas ng poot o pang-uusig dahil sa relihiyon, na mismong nararanasan ni Enoc. Nadama ni Enoc ang pagtitiwala, pag-ibig, at pagsang-ayon ni Jehova. Alam niyang dito siya nababagay; ito ang magiging tahanan niya. Habang unti-unti siyang napapanatag, ipinikit ni Enoc ang kaniyang mga mata at natulog nang napakahimbing.

At iyan pa rin ang kalagayan niya hanggang sa ngayon—natutulog sa kamatayan, na iniingatan sa alaala ng Diyos na Jehova! Gaya ng ipinangako ni Jesus nang maglaon, darating ang panahon na lahat ng nasa alaala ng Diyos ay makaririnig sa tinig ni Kristo at lalabas sa libingan, anupat magigising sa isang maganda at mapayapang bagong sanlibutan.—Juan 5:28, 29.

Gusto mo bang makarating doon? Isipin kung gaano kasaya na makilala si Enoc. Napakarami nating matututuhan sa kaniya! Masasabi niya sa atin kung ano talaga ang nangyari sa kaniya. Pero may mas mahalaga tayong kailangang matutuhan kay Enoc ngayon. Matapos banggitin si Enoc, sinabi ni Pablo: “Kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan [ang Diyos] nang lubos.” (Hebreo 11:6) Napakagandang dahilan nga para tularan natin ang lakas ng loob at pananampalataya ni Enoc!

^ par. 14 Iginigiit ng ilang iskolar ng Bibliya na sumipi si Judas sa apokripal na akda na tinatawag na Aklat ni Enoc, pero ang aklat na iyon na sinasabing isinulat ni Enoc ay kathang-isip lang at hindi alam ang pinagmulan. Tumpak na binanggit doon ang tungkol sa hula ni Enoc, pero maaaring nagmula iyon sa isang sinaunang reperensiya na wala na ngayon—isang nasusulat na dokumento o bibigang ipinasa bilang tradisyon. Maaaring ang sinaunang reperensiyang iyon ang pinagkunan ni Judas ng impormasyon, o maaaring nalaman niya ang tungkol kay Enoc mula kay Jesus, na nakakita mismo sa buhay ni Enoc mula sa langit.

^ par. 20 Tiniyak din ng Diyos na ang katawan ni Moises at ni Jesus ay hindi magagamit sa maling paraan.—Deuteronomio 34:5, 6; Lucas 24:3-6; Judas 9.