Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Lipas Na o Mas Nauna Pa Ito?

Lipas Na o Mas Nauna Pa Ito?

SIYENSIYA

ANG BIBLIYA AY HINDI ISANG AKLAT SA SIYENSIYA, PERO ANG NILALAMAN NITO AY NAUNA PA SA NATUKLASAN NG TAO SA SIYENSIYA. TINGNAN ANG ILANG HALIMBAWA.

May pasimula ba ang uniberso?

Ang sagot noon ng mga kilalang siyentipiko ay wala. Pero ngayon, tanggap na nilang may pasimula ang uniberso. Matagal na itong sinasabi ng Bibliya.—Genesis 1:1.

Ano ang hugis ng lupa?

Noong sinaunang panahon, iniisip ng marami na lapad ang lupa. Pero noong ikalimang siglo B.C.E., ipinahiwatig ng mga siyentipikong Griego na ito ay bilog. Pero matagal na panahon pa bago iyan—noong ikawalong siglo B.C.E.—may binanggit na ang manunulat ng Bibliya na si Isaias tungkol sa “bilog ng lupa.”—Isaias 40:22.

Masisira ba ang langit?

Itinuro ng siyentipikong Griego na si Aristotle, noong ikaapat na siglo B.C.E., na ang lupa lang ang masisira, pero ang mabituing kalangitan ay hindi kailanman magbabago o masisira. Ang ideyang iyan ay pinaniwalaan sa loob ng maraming siglo. Pero noong ika-19 na siglo, bumuo ang mga siyentipiko ng isang konsepto na nagpapahiwatig na ang lahat ng bagay, sa langit man o sa lupa, ay masisira. Tinukoy ni Lord Kelvin, isa sa mga siyentipikong nagpasulong ng konseptong ito, ang sinabi ng Bibliya tungkol sa langit at lupa: “Tulad ng isang kasuutan ay maluluma silang lahat.” (Awit 102:25, 26) Gaya ng itinuturo ng Bibliya, naniniwala si Kelvin na kayang pigilan ng Diyos ang ganitong pagkasira alang-alang sa Kaniyang mga nilalang.—Eclesiastes 1:4.

Ano ang humahawak sa mga planeta gaya ng ating lupa?

Itinuro ni Aristotle na ang lahat ng bagay sa kalangitan ay nakakabit sa mga tulad-kristal na sphere, at ang lupa ang pinakasentro. Noong ika-18 siglo C.E., tinatanggap ng mga siyentipiko ang ideya na ang mga bituin at planeta ay posibleng nakabitin sa wala. Pero noong ika-15 siglo B.C.E., mababasa na sa aklat ng Job na “ibinibitin [ng Maylalang] ang lupa sa wala.”—Job 26:7.

MEDISINA

ANG BIBLIYA AY HINDI ISANG AKLAT SA MEDISINA, PERO NAGLALAMAN ITO NG ILANG PRINSIPYONG NAGPAPAKITA NG MASULONG NA KAALAMAN SA KALUSUGAN.

Pagbubukod sa maysakit.

Ayon sa Kautusang Mosaiko, dapat ibukod ang taong may ketong. Sinunod lang ng mga doktor ang prinsipyong ito nang magkaroon ng mga salot, mga 700 taon na ang nakararaan. At napatunayang mabisa pa rin ito hanggang ngayon.—Levitico, kabanata 13 at 14.

Paghuhugas ng kamay matapos humawak ng bangkay.

Hanggang noong huling bahagi ng ika-19 na siglo, hindi naghuhugas ng kamay ang mga doktor na kadalasan nang humahawak ng bangkay at pagkatapos ay sa mga pasyente. Dahil dito, marami ang namatay. Pero ayon sa Kautusang Mosaiko, ang isa na humawak ng bangkay ay nagiging marumi, kaya dapat siyang maghugas para maging malinis. Ang kaugaliang ito ay tiyak na nakabuti rin sa kalusugan.—Bilang 19:11, 19.

Pagtatapon ng dumi.

Taon-taon, mahigit kalahating milyong bata ang namamatay sa diarrhea, karaniwan nang dahil sa dumi ng tao na hindi naitatapon nang tama. Ayon sa Kautusang Mosaiko, ang dumi ng tao ay dapat ibaon o itapon malayo sa tirahan ng mga tao.—Deuteronomio 23:13.

Tamang panahon para sa pagtutuli.

Iniutos ng Diyos na ang isang batang lalaki ay dapat tuliin sa ikawalong araw matapos siyang maipanganak. (Levitico 12:3) Ang kakayahang mamuo ng dugo sa normal na antas ay nangyayari sa isang bagong silang na sanggol pagkalipas ng isang linggo. Noong panahon ng Bibliya, bago pa sumulong ang medisina, ang paghihintay ng mahigit isang linggo bago ang pagtutuli ay isang proteksiyon.

Ang kaugnayan ng emosyonal at pisikal na kalusugan.

Ayon sa mga doktor at siyentipiko, ang mga emosyong gaya ng pagkakaroon ng pag-asa at pagiging masaya, mapagpasalamat, at mapagpatawad ay nakabubuti sa kalusugan. Sinasabi ng Bibliya: “Ang masayang puso ay nakabubuti bilang pampagaling, ngunit ang bagbag na espiritu ay tumutuyo ng mga buto.”—Kawikaan 17:22.