Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Turo ng Bibliya—Hindi Kumukupas na Karunungan

Mga Turo ng Bibliya—Hindi Kumukupas na Karunungan

PAG-ISIPAN ITO: Nagtu-tour ka sa isang museo na maraming sinaunang monumento. Biyak-biyak at sira-sira na ang karamihan sa mga ito, at ang malaking bahagi ng ilan ay wala na. Pero may isa na buong-buo pa rin; kahit ang kaliit-liitang detalye nito ay kitang-kita pa rin. “Ito ba ang pinakabago?” ang tanong mo sa tour guide. “Hindi,” ang sagot niya, “iyan nga ang pinakaluma, at hindi pa iyan nasira.” “Alagang-alaga siguro,” ang sabi mo. “Hindi,” ang sabi niya, “dinaanan na iyan ng malalakas na hangin at ulan. Marami pa nga ang nagtangkang sirain iyan.” Siguro magtataka ka, at itatanong mo, ‘Anong materyales ang ginamit sa paggawa niyan?’

Ang Bibliya ay gaya ng kahanga-hangang monumentong iyon. Napakaluma na nito kumpara sa ibang sinaunang aklat. Pero gaya ng sira-sirang monumento, ang karamihan sa matatandang akda ay niluma na ng panahon. Halimbawa, ang sinasabi ng mga ito tungkol sa siyensiya ay hindi na kaayon ng bagong kaalaman—mga katotohanang salig sa ebidensiya. Lumilitaw na mas madalas pa ngang makasamâ ang kanilang impormasyon tungkol sa medisina. At maraming sinaunang akda ay pira-piraso na lang; ang mga bahagi nito ay wala o sira-sira na.

Pero naiiba ang Bibliya. Kahit sinimulan itong isulat mahigit 35 siglo na ang nakararaan, buong-buo pa rin ang mensahe nito. Paulit-ulit itong sinunog, ipinagbawal, at hinamak sa loob ng maraming siglo, pero hindi naapektuhan ang mensahe nito. Bago pa matuklasan ang ilang bagong kaalaman, kahanga-hangang matagal nang may sinasabi ang Bibliya tungkol sa mga iyon.—Tingnan ang kahong “Lipas Na o Mas Nauna Pa Ito?

MGA PRINSIPYONG KAILANGAN SA NGAYON

Baka maisip mo, ‘Talaga bang mahalaga ang mga turo ng Bibliya sa ating panahon?’ Para masagot iyan, tanungin ang sarili: ‘Ano ang pinakamalalaking problemang kinakaharap ng mga tao sa ngayon? Alin ang talagang nakababahala?’ Baka maisip mo ang digmaan, polusyon, krimen, o katiwalian. Ngayon, tingnan mo ang ilang prinsipyong itinuturo ng Bibliya. Habang ginagawa mo ito, tanungin ang sarili, ‘Kung susundin ito ng mga tao, gaganda kaya ang kalagayan ng daigdig?’

PAG-IBIG SA KAPAYAPAAN

“Maligaya ang mga mapagpayapa, yamang sila ay tatawaging ‘mga anak ng Diyos.’” (Mateo 5:9) “Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.”—Roma 12:18.

AWA AT PAGPAPATAWAD

“Maligaya ang mga maawain, yamang sila ay pagpapakitaan ng awa.” (Mateo 5:7) “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova * ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.”—Colosas 3:13.

PAGKAKAISA NG LAHI

“Ginawa [ng Diyos] mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa ibabaw ng buong lupa.” (Gawa 17:26) “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”—Gawa 10:34, 35.

PAGMAMALASAKIT SA LUPA

“Kinuha ng Diyos na Jehova ang tao at inilagay siya sa hardin ng Eden upang iyon ay sakahin at ingatan.” (Genesis 2:15) Kikilos ang Diyos “upang ipahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa.”—Apocalipsis 11:18.

PAGKAPOOT SA KASAKIMAN AT IMORALIDAD

“Magbantay kayo laban sa bawat uri ng kaimbutan, sapagkat kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.” (Lucas 12:15) “Ang pakikiapid at bawat uri ng karumihan o kasakiman ay huwag man lamang mabanggit sa gitna ninyo, gaya ng angkop sa mga taong banal.”—Efeso 5:3.

KATAPATAN AT KASIPAGAN

“Nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.” (Hebreo 13:18) “Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi sa halip ay magtrabaho siya nang masikap.”—Efeso 4:28.

MAHALAGA ANG PAGTULONG SA MGA NANGANGAILANGAN

“Magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo, alalayan ang mahihina, magkaroon ng mahabang pagtitiis sa lahat.” (1 Tesalonica 5:14) “Alagaan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian.”—Santiago 1:27.

Hindi lang inisa-isa ng Bibliya ang mga prinsipyong iyon. Itinuturo din nito kung paano iyon isasabuhay. Kung talagang susundin ng mas maraming tao ang mga turong ito ng Bibliya, maaaring malutas ang malalaking problema sa ngayon. Talagang mas mahalaga ngayon higit kailanman ang mga prinsipyo ng Bibliya! Pero ano ang maitutulong sa iyo ng mga turo ng Bibliya?

KUNG PAANO KA MAKIKINABANG NGAYON SA MGA TURO NG BIBLIYA

Sinabi ng pinakamatalinong tao: “Ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito.” (Mateo 11:19) Sang-ayon ka ba rito? Makikita ang epekto ng karunungan kapag sinunod mo ito. Kaya baka masabi mo: ‘Kung talagang praktikal ang mga turo ng Bibliya, hindi ba dapat maganda ang epekto nito sa buhay ko? Paano ito makakatulong para maharap ko ang mga problema ko ngayon?’ Tingnan ang isang halimbawa.

Kontento at masaya si Delphine * sa buhay niya. Pero bigla siyang dumanas ng sunod-sunod na trahedya. Namatay ang anak niya. Naghiwalay silang mag-asawa. Nahirapan din siya sa pinansiyal. Sinabi niya: “Hindi ko na kilala ang sarili ko—walang anak, walang asawa, walang tirahan. Pakiramdam ko, wala akong halaga—walang lakas, at wala ni katiting na pag-asa.”

Kitang-kita ni Delphine na totoo ang mga salitang ito: “Sa ganang sarili ang mga araw ng aming mga taon ay pitumpung taon; at kung dahil sa natatanging kalakasan ay walumpung taon, ngunit ang pinagpupunyagian nila ay ang kabagabagan at nakasasakit na mga bagay; sapagkat madali itong lumilipas, at kami ay lumilipad na.”—Awit 90:10.

Sa mahirap na panahong iyon, kahanga-hanga ang naitulong ng Bibliya kay Delphine. Gaya ng makikita sa susunod na tatlong artikulo, maraming iba pa ang natulungan ng Bibliya nang sundin nila ang mga payo nito sa pagharap sa mga problema. Napatunayan nila na ang Bibliya ay gaya ng monumentong binanggit sa simula ng artikulong ito. Hindi iyon gaya ng di-mabilang na mga aklat na naluluma at lumilipas. Dahil ba sa natatangi ang pagkakagawa sa Bibliya? O dahil ba sa ang nilalaman nito ay kaisipan ng Diyos—hindi ng tao?—1 Tesalonica 2:13.

Baka nadarama mo ring ang buhay ay maikli at puro problema. Kung gabundok na ang problema mo, saan ka makahahanap ng tulong at maaasahang payo?

Talakayin natin ang tatlong paraan na nagpapakitang mahalaga sa buhay mo ang mga turo ng Bibliya. Matuturuan ka nitong

  1. maiwasan ang problema hangga’t maaari.

  2. masolusyunan ang mga problema.

  3. makayanan ang mga sitwasyong hindi mo kontrolado.

Tatalakayin iyan sa susunod na mga artikulo.

^ par. 10 Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.—Awit 83:18.

^ par. 24 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito pati na sa tatlong susunod.