Ano ang Pangalan ng Diyos?
Kapag gusto mong makilala ang isang tao, malamang na ang una mong itatanong sa kaniya ay, “Ano ang pangalan mo?” Kung itatanong mo iyan sa Diyos, ano kaya ang isasagot niya?
“Ako si Jehova. Iyan ang pangalan ko.”—Isaias 42:8.
Ngayon mo lang ba narinig ang pangalang iyan? Siguro, dahil bihirang gamitin ng mga tagapagsalin ng Bibliya ang pangalan ng Diyos, o hindi pa nga. Madalas nila itong palitan ng titulong “PANGINOON.” Pero ang totoo, mahigit 7,000 ulit lumilitaw ang pangalan ng Diyos sa orihinal na mga wika ng Bibliya. Ang pangalan ng Diyos ay binubuo ng apat na Hebreong katinig, na katumbas ng YHWH o JHVH, at isinasaling “Jehova” sa Tagalog.
Lumilitaw ang pangalan ng Diyos sa orihinal na Hebreo at sa maraming salin
KUNG BAKIT MAHALAGA ANG PANGALAN NG DIYOS
Mahalaga ito sa Diyos mismo. Walang nagbigay sa Diyos ng pangalan; siya mismo ang pumili nito. Sinabi ni Jehova: “Ito ang pangalan ko magpakailanman, at dapat itong tandaan ng lahat ng henerasyon.” (Exodo 3:15) Sa Bibliya, mas maraming ulit na lumilitaw ang pangalan ng Diyos kaysa sa mga titulo niyang gaya ng Makapangyarihan-sa-Lahat, Ama, Panginoon, o Diyos. Mas madalas din itong lumitaw kaysa sa iba pang personal na pangalan, gaya ng Abraham, Moises, David, o Jesus. Isa pa, kalooban ni Jehova na makilala ang pangalan niya. Sinasabi ng Bibliya: “Malaman nawa ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lang ang Kataas-taasan sa buong lupa.”—Awit 83:18.
Mahalaga ito kay Jesus. Sa panalanging tinatawag na Ama Namin o Panalangin ng Panginoon, tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na idalangin sa Diyos: “Pakabanalin nawa ang pangalan mo.” (Mateo 6:9) Si Jesus mismo ay nanalangin sa Diyos: “Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” (Juan 12:28) Pangunahin sa buhay ni Jesus ang pagluwalhati sa pangalan ng Diyos, kaya sinabi niya sa panalangin: “Ipinakilala ko sa kanila ang pangalan mo at patuloy itong ipapakilala.”—Juan 17:26.
Mahalaga ito sa mga nakakakilala sa Diyos. Naunawaan ng sinaunang mga lingkod ng Diyos na ang proteksiyon at kaligtasan nila ay nauugnay sa natatanging pangalan ng Diyos. “Ang pangalan ni Jehova ay matibay na tore. Doon tumatakbo ang matuwid at tumatanggap ng proteksiyon.” (Kawikaan 18:10) “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” (Joel 2:32) Ipinapakita ng Bibliya na ang mga naglilingkod sa Diyos ay makikilala sa kaniyang pangalan. “Dahil ang lahat ng bayan ay susunod sa kanilang diyos, pero tayo ay susunod kay Jehova na ating Diyos magpakailanman.”—Mikas 4:5; Gawa 15:14.
ANG ISINISIWALAT NG PANGALAN NG DIYOS
Ito lang ang pangalang nagpapakilala sa Diyos. Ayon sa maraming iskolar, ang pangalang Jehova ay nangangahulugang “Pinangyayari Niyang Maging Gayon.” Nilinaw ng Diyos na Jehova ang kahulugan ng pangalan niya nang sabihin niya kay Moises: “Ako ay Magiging Anuman na Piliin Ko.” (Exodo 3:14) Kaya ipinapakita ng pangalan ng Diyos na hindi lang siya Maylikha ng lahat ng bagay. Ipinahihiwatig din nito na pinangyayari niya ang kaniyang sarili o ang kaniyang mga nilalang na maging anuman na kailangan para matupad ang kaniyang layunin. Kung inilalarawan ng mga titulo ng Diyos ang kaniyang posisyon, awtoridad, o kapangyarihan, tanging ang pangalan niya ang kumakatawan sa kung sino siya at kung ano ang kaya niyang maging.
Ipinapakita ng pangalan ng Diyos na interesado siya sa atin. Ipinahihiwatig ng kahulugan ng pangalan ng Diyos na mahal niya ang kaniyang mga nilalang, kasama na tayo. At dahil ipinaalám ng Diyos ang pangalan niya, ibig sabihin, gusto niyang makilala natin siya. Bago pa man natin ito itanong sa kaniya, ipinakilala na niya ang pangalan niya. Maliwanag, gusto ng Diyos na makilala natin siya, hindi bilang isang misteryoso at malayong bathala, kundi isang tunay na Persona na puwede nating lapitan.—Awit 73:28.
Ipinapakita ng paggamit natin sa pangalan ng Diyos na interesado tayo sa kaniya. Para ilarawan, kung may gusto kang maging kaibigan, baka hilingin mo sa kaniya na tawagin ka sa pangalan mo. Pero paano kung ayaw niyang gawin ito? Baka maisip mo kung talaga nga bang gusto niyang mapalapít sa iyo. Ganiyan din pagdating sa Diyos. Sinabi ni Jehova sa atin ang kaniyang pangalan, at gusto niyang gamitin natin ito. Kapag ginagawa natin iyan, ipinapakita natin kay Jehova na gusto nating mapalapít sa kaniya. Ang totoo, napapansin niya ang mga “nagbubulay-bulay [o, “nagpapahalaga,” talababa] sa pangalan niya.”—Malakias 3:16.
Ang pag-alam sa pangalan ng Diyos ang unang hakbang para makilala siya. Pero hindi sapat iyan. Kailangan nating makilala ang Persona sa likod ng pangalang iyan. Dapat nating malaman kung anong uri siya ng Diyos.
ANO ANG PANGALAN NG DIYOS? Ang pangalan ng Diyos ay Jehova. Ito lang ang pangalang nagpapakilala sa Diyos bilang Persona na kayang tumupad ng kaniyang layunin