Bakit Hindi Sinasagot ng Diyos ang Ilang Panalangin?
Handang makinig sa atin ang Ama natin sa langit na si Jehova, at natutuwa siyang pakinggan ang mga panalangin na mula sa puso. Pero may mga dahilan kung bakit hindi niya sinasagot ang ilang panalangin. Ano ang mga iyon, at ano ang dapat nating tandaan kapag nananalangin? Tingnan natin ang mga sinasabi ng Bibliya.
“Kapag nananalangin, huwag kayong maging paulit-ulit sa sinasabi ninyo.”—Mateo 6:7.
Hindi gusto ni Jehova na kabisaduhin natin at paulit-ulit na sabihin ang mga panalangin o basahin lang ito mula sa isang prayer book. Pero gusto niyang kausapin natin siya mula sa puso. Isipin ito: Ano ang mararamdaman mo kung may kaibigan ka na paulit-ulit ang mga salitang sinasabi sa iyo araw-araw? Ang tunay na kaibigan ay laging makikipag-usap sa iyo mula sa puso. Kapag sinasabi natin sa panalangin ang mga naiisip at nadarama natin, personal tayong nakikipag-usap sa ating Ama sa langit.
“Kapag humihingi naman kayo, hindi kayo nakatatanggap dahil humihingi kayo na may maling intensiyon.”—Santiago 4:3.
Kung ang hinihiling natin sa Diyos ay mga bagay na ipinagbabawal niya o hindi niya gusto, hindi tayo makakaasa na sasagutin niya ang mga panalangin natin. Halimbawa, sasagutin ba ni Jehova ang mga panalangin ng isang sugarol na umaasa sa suwerte kahit malinaw ang babala niya tungkol sa kasakiman, at paniniwala sa suwerte at pamahiin? (Isaias 65:11; Lucas 12:15) Siguradong hindi iyon sasagutin ni Jehova. Para sagutin ng Diyos ang mga panalangin natin, dapat na ang mga hinihiling natin ay ang mga bagay na sinasang-ayunan niya.
“Ang tumatangging makinig sa kautusan—maging ang panalangin niya ay kasuklam-suklam.”—
Noong panahon ng Bibliya, hindi sinagot ng Diyos ang panalangin ng mga taong sumusuway sa mga batas niya. (Isaias 1:15, 16) Hindi nagbago ang Diyos. (Malakias 3:6) Para sagutin ng Diyos ang mga panalangin natin, dapat na gawin natin ang makakaya natin para masunod ang mga utos niya. Pero paano kung may nagawa tayong mali noon? Ibig bang sabihin, hindi na tayo papakinggan ni Jehova? Hindi! Kung magbabago tayo at gagawin ang mga bagay na magpapasaya sa kaniya, papatawarin tayo ng Diyos.—Gawa 3:19.