KUNG PAANO DADAIGIN ANG POOT
3 | Alisin ang Poot sa Isip Mo
Turo ng Bibliya:
“Magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, para mapatunayan ninyo sa inyong sarili kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at perpektong kalooban ng Diyos.”—ROMA 12:2.
Ang Ibig Sabihin:
Mahalaga sa Diyos ang iniisip natin. (Jeremias 17:10) Dapat nating iwasang magsalita o gumawa ng anumang nakakasakit. Pero hindi lang iyan. Ang poot ay nagsisimula sa isip at puso. Kaya dapat nating alisin ang anumang poot sa isip at puso natin. Kapag ginawa natin iyan, ipinapakita nating ‘nagbabagong-anyo’ tayo at dinadaig natin ang poot.
Ang Puwede Mong Gawin:
Suriing mabuti kung ano ang pananaw mo sa iba—lalo na sa iba ang lahi o bansang pinagmulan. Tanungin ang sarili: ‘Ano ang tingin ko sa kanila? Talaga bang kilala ko sila? O nagtatangi ako?’ Iwasan ang social media, pelikula, o libangan na nagtatampok ng poot at karahasan.
Matutulungan tayo ng Salita ng Diyos na madaig ang poot sa isip at puso natin
Hindi laging madali kung tayo lang ang susuri ng isip at puso natin. Pero matutulungan tayo ng Salita ng Diyos na “unawain ang mga kaisipan at intensiyon ng puso.” (Hebreo 4:12) Kaya patuloy na pag-aralan ang Bibliya. Sikaping iayon ang kaisipan mo sa itinuturo nito. Matutulungan tayo ng Salita ng Diyos na madaig ang poot na “matibay ang pagkakatatag” sa isip at puso natin.—2 Corinto 10:4, 5.