Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Hindi Matapos-tapos ang Pagkapoot?

Bakit Hindi Matapos-tapos ang Pagkapoot?

Bakit punong-puno ng poot ang mundong ito? Para malaman ang sagot, kailangan nating alamin kung ano ang poot, ang mga dahilan nito, at kung bakit dumarami ang napopoot sa kapuwa.

Ano Ba ang Poot?

Ang poot ay sobrang galit o pagmamalupit sa isang tao o grupo ng mga tao. At hindi ito basta-basta nawawala.

BAKIT NAPOPOOT ANG MGA TAO?

Maraming dahilan kung bakit napopoot ang mga tao. May mga napopoot hindi dahil sa ginagawa ng iba, kundi dahil sa pinagmulan o pagkatao ng mga ito. Iniisip nilang masasama ang mga ito, mapanganib, o hindi na magbabago. Posibleng mababa ang tingin sa gayong mga tao at itinuturing silang pinagmumulan ng problema. Posibleng naging biktima sila ng karahasan, kawalang-katarungan, o iba pang pangyayari na nagtulak sa kanila na mapoot din sa iba.

BAKIT DUMARAMI ANG NAPOPOOT SA KAPUWA?

Kung minsan, napopoot ang isang tao kahit sa mga hindi niya kakilala. Baka naiimpluwensiyahan ng mga kapamilya at kaibigan ang tingin niya sa isang grupo ng mga tao kaya napopoot na rin siya sa mga ito.

Ang impluwensiya ng iba ay isang dahilan kung bakit dumarami ang mga taong napopoot sa kapuwa. Pero para matigil ang poot, kailangan nating malaman ang ugat nito. Ipinapaliwanag iyan ng Bibliya.

SINASABI NG BIBLIYA ANG UGAT NG PAGKAPOOT

HINDI SA TAO NAGMULA ANG PAGKAPOOT. Nagsimula ito nang magrebelde sa Diyos ang isang anghel sa langit, na tinawag na Satanas na Diyablo. Nang magrebelde ang Diyablo, naging “mamamatay-tao siya.” Dahil “isa siyang sinungaling at siya ang ama ng kasinungalingan,” patuloy niyang iniimpluwensiyahan ang mga tao na mapoot at saktan ang isa’t isa. (Juan 8:44; 1 Juan 3:11, 12) Sinasabi ng Bibliya na siya ay mapaminsala, galit na galit, at agresibo.​—Job 2:7; Apocalipsis 12:9, 12, 17.

DAHIL HINDI PERPEKTO ANG MGA TAO, MADALI SILANG MAPOOT. Sumunod ang unang taong si Adan kay Satanas at nagkasala. Dahil dito, nagmana ng kasalanan ang lahat ng tao at naging di-perpekto. (Roma 5:12) Ang panganay na anak ni Adan na si Cain ay napoot sa kapatid niyang si Abel at pinatay ito. (1 Juan 3:12) Totoo, maraming tao ang maibigin at mapagmalasakit. Pero dahil sa minanang kasalanan, marami ang nagiging makasarili, mainggitin, at mapagmataas—mga ugaling pinagmumulan ng pagkapoot.​—2 Timoteo 3:1-5.

PAGKAPOOT DAHIL SA DISKRIMINASYON. Punong-puno ang mundong ito ng poot dahil sa masasamang saloobin at paggawi. Laganap ang diskriminasyon, panghuhusga, pang-iinsulto, pambu-bully, at bandalismo dahil “ang buong mundo ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng isa na masama,” si Satanas na Diyablo.​—1 Juan 5:19.

Hindi lang basta ipinapaliwanag ng Bibliya ang ugat ng pagkapoot; sinasabi rin nito ang solusyon.