Mawawala Na ang Poot!
Kahit nadaig na natin ang poot sa puso natin, hindi natin makokontrol ang paggawi ng ibang tao. Patuloy na magiging biktima ng poot ang mga inosenteng tao. Sino ang magbibigay ng solusyon sa problemang ito?
Ang Diyos na Jehova lang ang may kakayahang wakasan ang poot. At iyan ang eksaktong ipinapangako ng Bibliya na gagawin niya.—Kawikaan 20:22.
WAWAKASAN NG DIYOS ANG UGAT NG PAGKAPOOOT
-
1. SATANAS NA DIYABLO. Si Satanas, ang rebeldeng anghel, ang nasa likod ng lahat ng poot na laganap ngayon. Pupuksain ng Diyos si Satanas at ang lahat ng nagpapakita ng poot.—Awit 37:38; Roma 16:20.
-
2. ANG MASAMANG MUNDONG PINAMUMUNUAN NI SATANAS. Aalisin ng Diyos ang lahat ng dahilan ng poot, pati na ang tiwaling mga politiko at mga lider ng relihiyon. Tatanggalin din ng Diyos ang sakim na komersiyo na nananamantala sa mga tao.—2 Pedro 3:13.
-
3. PAGIGING DI-PERPEKTO NG TAO. Sinasabi ng Bibliya na ang lahat ng tao ay ipinanganak na di-perpekto. Kaya madali tayong nakakapag-isip at nakakagawa ng masasamang bagay. (Roma 5:12) Kasama na diyan ang pagkadama ng poot sa iba. Permanenteng sosolusyunan ng Diyos ang lahat ng epekto ng pagiging di-perpekto natin, kasama na ang pagkadama ng poot.—Isaias 54:13.
MUNDONG WALANG POOT—PANGAKO NG BIBLIYA
-
1. MAWAWALA ANG KAWALANG-KATARUNGAN. Mamamahala sa lupa ang Kaharian ng Diyos. Ang gobyernong ito na nasa langit ay patas at hindi magwawakas. (Daniel 2:44) Mawawala na ang panghuhusga at diskriminasyon. Aalisin ng Diyos ang kawalang-katarungan na nararanasan ng mga tao.—Lucas 18:7.
-
2. MAGKAKAROON NG KAPAYAPAAN. Wala nang magdurusa dahil sa karahasan o digmaan. (Awit 46:9) Mga taong hindi marahas ang titira sa lupa, kaya magiging payapa ang mundo.—Awit 72:7.
-
3. MAGANDANG BUHAY MAGPAKAILANMAN. Mamahalin ng mga maninirahan sa lupa ang kanilang kapuwa. (Mateo 22:39) Walang nang maghihirap. Maging ang mapapait na alaala ay makakalimutan na. (Isaias 65:17) Kapag nawala na ang poot, ‘mag-uumapaw ang kaligayahan ng mga tao dahil sa lubos na kapayapaan.’—Awit 37:11.
Gustong-gusto mo bang mabuhay sa mundong iyon? Nadadaig na ng maraming tao ngayon ang poot sa tulong ng Bibliya. (Awit 37:8) Nagagawa na iyan ng milyon-milyong Saksi ni Jehova sa buong mundo. Iba-iba ang kultura at bansang pinagmulan nila, pero isang pamilya sila na nagmamahalan at nagkakaisa.—Isaias 2:2-4.
Masaya ang mga Saksi ni Jehova na sabihin sa iyo kung paano matitiis ang kawalang-katarungan at diskriminasyon. Makakatulong sa iyo ang mga matututuhan mo na unti-unting madaig ang poot at magpakita ng pag-ibig. Malalaman mo kung paano magiging mabait sa mga tao—kahit na sa mga magagalitin o hindi mapagpasalamat. Dahil diyan, magiging mas masaya ka at gaganda ang ugnayan mo sa iba. At pinakamahalaga, malalaman mo ang dapat mong gawin para mabuhay sa mundo na pinamamahalaan ng Kaharian ng Diyos—isang mundong payapa at walang poot.—Awit 37:29.