Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

1 | Manalangin—‘Ihagis Ninyo sa Kaniya ang Lahat ng Inyong Álalahanín’

1 | Manalangin—‘Ihagis Ninyo sa Kaniya ang Lahat ng Inyong Álalahanín’

SINASABI NG BIBLIYA: ‘Ihagis ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong álalahanín, dahil nagmamalasakit siya sa inyo.’—1 PEDRO 5:7.

Ibig Sabihin

Gusto ng Diyos na Jehova na sabihin natin sa kaniya ang anumang problema na gumugulo sa isip at puso natin. (Awit 55:22) Malaki man o maliit ang problema, puwede natin itong ipanalangin. Kung malaking bagay ito sa atin, malaking bagay rin ito kay Jehova. Ang panalangin ay isang mahalagang paraan para magkaroon ng kapayapaan ng isip.​—Filipos 4:6, 7.

Kung Paano Ito Makakatulong

Kapag may problema tayo sa mental na kalusugan, baka maramdaman nating nag-iisa tayo. Hindi laging naiintindihan ng ibang tao ang pinagdaraanan natin. (Kawikaan 14:10) Pero kapag sinasabi natin sa Diyos ang nararamdaman natin, siguradong papakinggan niya tayo at maiintindihan niya tayo. Nakikita tayo ni Jehova. Alam niya ang pinagdaraanan natin at gusto niyang sabihin natin sa kaniya ang anumang ikinababahala natin.​—2 Cronica 6:29, 30.

Kapag nananalangin tayo kay Jehova, mas nararamdaman nating nagmamalasakit siya sa atin. Mararamdaman din natin ang naramdaman ng salmista: “Nakita mo ang pagdurusa ko; alam mo ang paghihirap ng kalooban ko.” (Awit 31:7) Dahil alam nating nakikita ni Jehova ang mga pinagdaraanan natin, malaking tulong na iyon para makayanan ang mga problema. Pero hindi lang iyan. Wala nang mas nakakaunawa sa atin kaysa kay Jehova, at pinapatibay niya tayo sa pamamagitan ng Bibliya.