Dapat Bang Sumamba sa mga Dambana ang mga Kristiyano?
TAON-TAON, mahigit anim na milyon ang pumupunta sa liblib na kagubatan ng mga sedro sa Shima Peninsula sa Japan. Pumupunta sila sa Grand Shrine sa Ise, kung saan mga dalawang libong taon nang sinasamba si Amaterasu Omikami, ang diyosa ng araw ng mga Shinto. Nililinis muna ng mga mananamba ang kanilang sarili sa pamamagitan ng paghuhugas ng kanilang mga kamay at bibig. Pagkatapos, habang nakatayo sa harap ng haiden (bulwagan para sa pagsamba), sinusunod nila ang ritwal ng pagyuko, pagpalakpak, at pananalangin sa diyosa. * Pinahihintulutan ng mga Shinto ang mga mananamba nito na magsagawa rin ng ibang pagsamba. Para naman sa ilang Budista, mga nag-aangking Kristiyano, at iba pa, wala ring masama sa pagsasagawa ng mga ritwal ng mga Shinto sa dambanang ito.
Marami sa pangunahing mga relihiyon sa daigdig ang may mga dambana, * at milyon-milyon ang pumupunta sa mga ito. Sa lupain ng mga nag-aangking Kristiyano, maraming simbahan at dambana ang inialay kay Jesus, Maria, at sa mga santo. Ang ibang katulad nito ay nasa mga lugar kung saan naganap ang mga pangyayari sa Bibliya o ang mga sinasabing “himala” kamakailan o kung saan iniingatan ang relihiyosong mga relikya. Maraming pumupunta sa mga dambana dahil naniniwala sila na mas malamang na dinggin ang mga panalangin nila roon. Para naman sa iba, ang pagpunta sa mga dambana ay katapusan ng kanilang mahabang pilgrimage, o paglalakbay, na nagpapakita ng kanilang debosyon.
Mas pinakikinggan ba ang mga panalanging ginagawa sa isang dambana? Matutuwa ba ang Diyos sa debosyong ipinakikita ng mga naglalakbay tungo sa mga dambana? At dapat bang sumamba sa mga dambana ang mga Kristiyano? Ang sagot sa mga tanong na ito ay tutulong sa atin na maunawaan kung ano ang dapat maging pananaw natin sa pagsamba sa mga dambana at kung anong uri ng pagsamba ang talagang sinasang-ayunan ng Diyos.
SUMAMBA “SA ESPIRITU AT KATOTOHANAN”
Ipinakikita ng pakikipag-usap ni Jesus sa isang Samaritana kung ano ang pananaw ng Diyos sa pagsamba sa mga sagradong lugar o dambana. Noong dumating si Jesus sa Samaria, nagpahinga siya sa tabi ng isang balon malapit sa lunsod ng Sicar. Nakipag-usap siya sa isang babae na pumunta roon para sumalok ng tubig. Habang nag-uusap sila, sinabi ng babae ang pagkakaiba ng mga Judio at ng mga Samaritano. “Ang mga ninuno namin ay sumamba Juan 4:5-9, 20.
sa bundok na ito,” ang sabi ng babae, “ngunit sinasabi ninyo na sa Jerusalem ang dako kung saan dapat sumamba ang mga tao.”—Ang tinutukoy ng babae ay ang Bundok Gerizim, na mga 50 kilometro sa hilaga ng Jerusalem. Dating may templo roon ang mga Samaritano kung saan nila ipinagdiriwang ang mga kapistahan gaya ng Paskuwa. Pero sa halip na magpokus sa kontrobersiyal na isyu tungkol sa pagkakaiba nila, sinabi ni Jesus sa babae: “Maniwala ka sa akin, babae, ang oras ay dumarating na kahit sa bundok na ito ni sa Jerusalem man ay hindi ninyo sasambahin ang Ama.” (Juan 4:21) Isa ngang kahanga-hangang sagot, lalo na mula sa isang Judio! Bakit ititigil ang pagsamba sa templo ng Diyos sa Jerusalem?
Nagpatuloy si Jesus: “Ang oras ay dumarating, at ngayon na nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat, sa katunayan, hinahanap ng Ama ang mga tulad nito upang sumamba sa kaniya.” (Juan 4:23) Sa loob ng daan-daang taon, itinuring ng mga Judio ang maringal na templo sa Jerusalem bilang sentro ng kanilang pagsamba. Pumupunta sila roon tatlong beses sa isang taon para maghain sa kanilang Diyos, si Jehova. (Exodo 23:14-17) Ngunit sinabi ni Jesus na magbabago ang lahat ng ito at na ang “mga tunay na mananamba” ay sasamba “sa espiritu at katotohanan.”
Ang templo ng mga Judio ay isang gusali na nasa espesipikong lugar. Pero ang espiritu at katotohanan ay hindi pisikal. Kaya ipinaliwanag ni Jesus na hindi nakasentro o nakadepende sa anumang pisikal na gusali o lugar ang pagsamba ng mga tunay na Kristiyano—hindi sa Bundok Gerizim, ni sa templo sa Jerusalem, o sa anumang sagradong lugar.
Sa pakikipag-usap sa Samaritana, sinabi ni Jesus na ang “oras” para sa pagbabagong ito sa pagsamba sa Diyos ay “dumarating.” Kailan? Ang oras na iyon ay dumating nang wakasan ni Jesus, sa pamamagitan ng kaniyang sakripisyong kamatayan, ang Judiong sistema ng pagsamba batay sa Kautusan ni Moises. (Roma 10:4) Gayunman, sinabi rin ni Jesus: “Ang oras ay . . . ngayon na nga.” Bakit? Dahil tinitipon na niya bilang Mesiyas ang mga alagad na susunod sa kaniyang utos: “Ang Diyos ay Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24) Kaya ano ang ibig sabihin ng pagsamba sa espiritu at katotohanan?
Nang banggitin ni Jesus ang pagsamba sa espiritu, ang tinutukoy niya ay ang paggabay ng banal na espiritu ng Diyos sa pag-unawa natin sa Kasulatan. 1 Corinto 2:9-12) At ang katotohanan naman ay tumutukoy sa tumpak na kaalaman sa mga turo ng Bibliya. Kaya sa halip na nakadepende sa isang espesyal na lugar, ang ating pagsamba ay magiging katanggap-tanggap sa Diyos kung kaayon ito ng mga turo ng Bibliya at ginagabayan ng banal na espiritu.
(ANG PANANAW NG MGA KRISTIYANO SA MGA DAMBANA
Kaya ano ang dapat maging pananaw ng mga Kristiyano sa mga pilgrimage at pagsamba sa mga dambana? Sa utos ni Jesus na dapat sambahin ng tunay na mga mananamba ang Diyos sa espiritu at katotohanan, maliwanag na walang halaga sa ating Ama sa langit ang pagsambang ginagawa sa anumang dambana o sagradong lugar. Sinasabi rin sa atin ng Bibliya kung ano ang pananaw ng Diyos sa pagsamba sa mga idolo: “Tumakas kayo mula sa idolatriya” at “bantayan ninyo ang inyong sarili mula sa mga idolo.” (1 Corinto 10:14; 1 Juan 5:21) Sa gayon, ang isang tunay na Kristiyano ay hindi sasamba sa anumang lugar na itinuturing na sagrado o may mga idolo. Kaya ang mga tunay na Kristiyano ay hindi sasamba sa mga dambana.
Pero hindi ito nangangahulugan na ipinagbabawal ng Salita ng Diyos na manalangin, mag-aral, o magbulay-bulay sa isang piniling lugar. Ang isang lugar na maayos at may dignidad ay angkop sa pag-aaral at pagtalakay ng espirituwal na mga bagay. Hindi rin mali na gumawa ng isang lapida na magpapaalaala sa atin sa taong namatay. Ipinakikita lang nito na gusto mong alalahanin ang isang tao o na mahal mo siya. Pero kapag itinuring natin ang isang lugar bilang banal o maglalagay tayo ng mga imahen o relikya roon, salungat iyan sa sinabi ni Jesus.
Kaya hindi mo kailangang pumunta sa mga dambana sa pag-asang diringgin ng Diyos ang mga panalangin mo roon. Hindi ka rin sasang-ayunan ng Diyos o pagpapalain dahil sa paglalakbay mo tungo sa isang dambana. Sinasabi ng Bibliya na ang Diyos na Jehova, ang “Panginoon ng langit at lupa, ay hindi tumatahan sa mga templong gawa ng kamay.” Pero hindi ito nangangahulugang malayo ang Diyos sa atin. Makapananalangin tayo sa kaniya kahit saan at diringgin niya tayo dahil “hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.”—Gawa 17:24-27.
^ par. 2 Ang mga ritwal na isinasagawa ay maaaring magkakaiba sa bawat dambanang Shinto.
^ par. 3 Tingnan ang kahong “ Ano ang Dambana?”