Isang Tahimik na Katibayan ng Hulang Nagkatotoo
SA CENTRAL ROME, ITALY, MAY ISANG ARKO NG TAGUMPAY NA DINARAYO NG MGA TURISTA MULA SA BUONG DAIGDIG. ANG ARKONG ITO AY PARANGAL KAY TITO, ISA SA PABORITONG EMPERADOR NG ROMA.
Ang Arko ni Tito ay may dalawang malalaking relyebe, o ukit, na nagpapakita ng isang kilaláng pangyayari sa kasaysayan. Pero hindi alam ng marami na ang arkong ito ay may kaugnayan sa Bibliya—ang Arko ni Tito ay katibayan ng kahanga-hangang katuparan ng hula sa Bibliya.
ISANG LUNSOD NA NAHATULAN
Noong pasimula ng unang siglo C.E., ang teritoryong saklaw ng Imperyo ng Roma ay mula sa Britanya at Gaul (ngayon ay France) hanggang sa Ehipto, at di-mapapantayan ang katatagan at kasaganaan nito. Pero may isang liblib na lugar na laging pinoproblema ng Roma—ang maligalig na probinsiya ng Judea.
Sinasabi ng Encyclopedia of Ancient Rome: “Sa mga teritoryong sakop ng Roma, iilan lang ang kakikitaan ng matinding pagkamuhi, sa magkabilang panig, gaya ng Judea. Galít ang mga Judio sa mga banyagang panginoon na walang pakialam sa kanilang mga tradisyon, at kinamumuhian naman ng mga Romano ang pagkasutil ng mga Judio.” Maraming Judio noon ang umaasa na darating ang isang politikal na lider na magpapalayas sa mga Romano na kinapopootan nila at magsasauli ng ginintuang panahon ng Israel. Pero noong 33 C.E., ipinahayag ni Jesu-Kristo na may nagbabantang kapahamakan sa Jerusalem.
Sinabi ni Jesus: “Darating ang araw na ang mga kaaway mo ay magtatayo sa paligid mo ng kutang may matutulis na tulos, at papalibutan ka nila at lulusubin mula sa lahat ng panig. Ikaw at ang mga naninirahan sa loob mo ay dudurugin, at wala silang ititira sa iyo na magkapatong na bato.”—Lucas 19:43, 44.
Maliwanag na naging palaisipan ito sa mga alagad ni Jesus. Pagkaraan ng dalawang araw, habang tinatanaw ang templo ng Jerusalem, nasabi ng isa sa kanila: “Guro, tingnan mo! Napakalalaking bato at napakagagandang gusali!” Totoo naman iyon dahil ayon sa ulat, ang ilang bato ng templo ay mahigit 11 metro ang haba, 5 metro ang lapad, at 3 metro ang taas! Pero sumagot si Jesus: “Kung tungkol sa mga nakikita ninyo ngayon, darating ang panahon na walang matitirang magkapatong na bato rito. Lahat ay ibabagsak.”—Marcos 13:1; Lucas 21:6.
Sinabi pa sa kanila ni Jesus: “Kapag nakita ninyong napaliligiran ang Jerusalem ng nagkakampong mga hukbo, kung gayon, makakatiyak kayong malapit na ang pagtitiwangwang sa kaniya. Kaya ang mga nasa Judea ay tumakas na papunta sa mga kabundukan, ang mga nasa loob ng Jerusalem ay lumabas na, at ang mga nasa kalapít na mga lugar ay huwag nang pumasok sa kaniya.” (Lucas 21:20, 21) Nagkatotoo ba ito?
PAGKAWASAK NG LUNSOD
Lumipas ang 33 taon, at galít pa rin ang mga taga-Judea sa pamamahala ng Roma. Pero noong 66 C.E., kinuha ni Gessius Florus, Romanong prokurador ng Judea, ang salapi ng sagradong ingatang-yaman ng templo kung kaya napuno na ang mga Judio. Di-nagtagal, nilusob ng mga mandirigmang Judio ang Jerusalem, pinagpapatay ang mga kawal sa lokal
na garison ng mga Romano, at nagdeklara ng kasarinlan mula sa Roma.Pagkaraan ng mga tatlong buwan, mahigit 30,000 kawal na Romano, sa pangunguna ni Cestio Gallo, ang sumugod sa Jerusalem para sugpuin ang rebelyon. Mabilis na napasok ng mga Romano ang lunsod at binutas ang pader sa dakong labas ng templo. Pero sa di-malamang kadahilanan, umatras sila. Nagsaya ang mga rebeldeng Judio at tinugis ang mga Romano. Sa pag-alis ng magkalabang partido, sinunod ng mga Kristiyano ang babala ni Jesus. Iniwan nila ang Jerusalem at tumakas sila patungo sa mga bundok sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan.—Mateo 24:15, 16.
Nang sumunod na taon, ipinagpatuloy ng Roma ang kampanya nito laban sa Judea sa pangunguna ni Heneral Vespasian at ng anak niyang si Tito. Pero pagkamatay ni Emperador Nero noong 68 C.E., agad na bumalik si Vespasian sa Roma para halinhan ito, kaya ipinagpatuloy ng anak niyang si Tito ang kampanya laban sa Judea kasama ang hukbo ng mga 60,000 kawal.
Noong Hunyo 70 C.E., inutusan ni Tito ang kaniyang mga kawal na putulin ang mga puno sa lalawigan ng Judea. Ginamit ang mga iyon sa pagtatayo ng pitong-kilometrong pader ng matutulis na tulos sa palibot ng Jerusalem. Pagsapit ng Setyembre, dinambong at sinunog ng mga Romano ang lunsod pati na ang templo nito at isa-isang tinibag ang mga bato nito, gaya ng inihula ni Jesus. (Lucas 19:43, 44) Ayon sa isang pagtaya, “mahigit 250,000 hanggang 500,000 katao ang namatay sa Jerusalem at sa buong bansa.”
TAGUMPAY NG ISANG IMPERYO
Noong 71 C.E., bumalik si Tito sa Italya at mainit na sinalubong ng mga mamamayan ng Roma. Ipinagdiwang ng buong lunsod ang isa sa pinakamalalaking prusisyon ng tagumpay na ginawa sa kabisera.
Manghang-mangha ang mga tao habang ipinaparada sa mga lansangan ng Roma ang pagkarami-raming kayamanan. Pinagmasdan nila ang mga bangka, malalaking karosa na nagpapakita ng mga eksena ng digmaan, at mga kagamitang dinambong mula sa templo ng Jerusalem.
Hinalinhan ni Tito ang ama niyang si Vespasian bilang emperador noong 79 C.E. Pero pagkaraan lang ng dalawang taon, biglang namatay si Tito. Hinalinhan siya ng kapatid niyang si Domitian, na agad na nagtayo ng arko ng tagumpay bilang parangal kay Tito.
ANG ARKO SA NGAYON
Taon-taon, daan-daang libong turista ang pumupunta sa Roman Forum at nagagandahan sa Arko ni Tito. Para sa ilan, isa itong kahanga-hangang likhang-sining. Para naman sa iba, isa itong parangal sa kapangyarihan ng Imperyo ng Roma, o kaya naman ay isang paalaala ng pagbagsak ng Jerusalem at ng templo nito.
Pero para sa mapanuring mga mambabasa ng Bibliya, mas makahulugan pa ang Arko ni Tito. Isa itong tahimik na katibayan na tumpak at maaasahan ang mga hula sa Bibliya, at na ang mga hulang ito ay kinasihan ng Diyos.—2 Pedro 1:19-21.