Astrolohiya at Panghuhula—Susi Para Alamin ang Hinaharap?
ASTROLOHIYA
Ang astrolohiya ay batay sa paniniwala na ang buwan, mga bituin, at mga planeta ay may malaking epekto sa buhay ng tao sa lupa. Inaangkin ng mga astrologo na ang posisyon ng mga bagay sa kalangitan noong ipanganak ang isa ay may epekto sa magiging ugali at kinabukasan niya.
Kahit nagmula ang astrolohiya sa sinaunang Babilonya, popular pa rin ito sa ngayon. Ayon sa isang survey sa United States noong 2012, sangkatlo sa mga tinanong ang nagsabi na ang astrolohiya ay “medyo scientific,” at 10 porsiyento naman ang nagsabi na “napaka-scientific” nito. Totoo ba ito? Hindi. Ito ang mga dahilan.
-
Ang mga planeta at bituin ay walang kapangyarihang makaapekto sa mga tao gaya ng sinasabi ng mga astrologo.
-
Kadalasan, masyadong malawak ang saklaw ng mga hula kaya puwedeng tumukoy ang mga ito kahit kanino.
-
Sa ngayon, ang mga kalkulasyon ng astrolohiya ay batay sa paniniwala na ang mga planeta ay umiikot sa palibot ng lupa. Pero ang totoo, sa araw umiikot ang mga planeta.
-
Iba-iba ang hula ng magkakaibang astrologo para sa iisang indibiduwal.
-
Iniisip ng mga astrologo na ang bawat tao ay nasa ilalim ng isa sa 12 kategorya, o zodiac sign, depende sa petsa ng kanilang kapanganakan. Pero dahil nagbago ang posisyon ng planetang Lupa sa kalawakan sa nakalipas na mga siglo, ang mga petsang kaugnay ng mga zodiac sign ay hindi na tugma kapag dumaraan ang araw sa mga konstelasyong ipinangalan sa mga zodiac sign na ito.
Sinasabing ipinahihiwatig ng mga zodiac sign ang magiging ugali ng isang tao. Ang totoo, hindi pareho ang ugali ng mga taong ipinanganak sa magkaparehong petsa; walang isinisiwalat ang birth date ng isa tungkol sa magiging personalidad niya. Sa halip na tingnan ang ugali ng mga tao, hinuhusgahan ng mga astrologo ang karakter ng isang tao gamit ang pala-palagay. Hindi ba isang uri ito ng diskriminasyon?
PANGHUHULA
Noon pa man, lumalapit na ang mga tao sa mga manghuhula. Binibigyang-kahulugan ng mga ito ang lamang-loob ng mga hayop at tao, o ang paraan ng pagtuka ng tandang sa mga butil. May iba namang nanghuhula batay sa hitsura ng mga dahon ng tsaa o giniling na kape. Sa ngayon, gumagamit sila ng mga tarot card, bolang kristal, dice, at iba pang paraan para “mabasa” ang hinaharap ng isang tao. Mapagkakatiwalaan ba ang panghuhula para malaman ang mangyayari sa hinaharap? Hindi. Tingnan natin kung bakit.
Kadalasan, magkakaiba at nagkakasalungatan ang prediksiyon ng iba’t ibang paraan ng panghuhula. Kahit pareho pa ang pamamaraang ginamit, magkakaiba pa rin ang prediksiyon. Halimbawa, kung tatanungin ng isa ang dalawang manghuhula ng iisang tanong tungkol sa hinaharap batay sa “pagbasa” ng parehong baraha, dapat sana ay pareho ang magiging sagot nila. Pero kadalasan, magkaiba ang mga ito.
Naging kahina-hinala na ang pamamaraan at motibo ng mga manghuhula. Sinasabi ng ilan na props lang ang mga baraha at bolang kristal, at na ang talagang binabasa ng mga manghuhula ay ang reaksiyon ng taong hinuhulaan nila. Halimbawa, ang isang ekspertong manghuhula ay magtatanong at maingat na oobserbahan ang sinasabi at ikinikilos ng kliyente nito. Pagkatapos, palilitawin ng manghuhula na alam niya ang ilang impormasyon na sa totoo ay di-sinasadyang naisiwalat ng kliyente. Dahil nakukuha nila ang tiwala ng kanilang mga kliyente, malaking pera ang kinikita ng mga manghuhulang ito.
KUNG ANO ANG SINASABI SA ATIN NG BIBLIYA
Pinalilitaw ng astrolohiya at panghuhula na ang ating hinaharap ay nakatadhana. Pero ganiyan nga ba talaga? Sinasabi ng Bibliya na may kakayahan tayong pumili ng ating paniniwala o gustong gawin at na may epekto sa ating kinabukasan ang pagpili natin.—Josue 24:15.
Tinatanggihan din ng mga sumasamba sa Diyos ang astrolohiya at panghuhula dahil kinokondena ng Diyos ang lahat ng uri ng mga ito. Mababasa natin sa Bibliya: “Hindi dapat magkaroon sa gitna ninyo ng . . . manghuhula, mahiko, naghahanap ng tanda, mangkukulam, nanggagayuma, kumokonsulta sa espiritista o manghuhula, o nakikipag-usap sa patay. Dahil kasuklam-suklam kay Jehova ang lahat ng gumagawa ng mga ito.” a—Deuteronomio 18:10-12.
a Ang pangalan ng “Kataas-taasan sa buong lupa.”—Awit 83:18.