Mga Hulang Nagkatotoo
Nabanggit natin ang kuwento ni Croesus at kung paano siya nagkamali dahil sa orakulo ng Delphi, na nauwi sa pagkatalo niya sa hari ng Persia. Pero ang Bibliya ay may kamangha-manghang hula tungkol sa hari ng Persia at natupad ito hanggang sa kaliit-liitang detalye.
Mga 200 taon patiuna—bago pa man ipanganak ang haring iyon—binanggit na ng Hebreong propetang si Isaias ang pangalan ni Ciro at kung paano nito sasakupin ang lunsod ng Babilonya.
Isaias 44:24, 27, 28: “Ito ang sinabi ni Jehova, . . . ‘Sinasabi ko sa malalim na katubigan, “Sumingaw ka, at tutuyuin ko ang lahat ng iyong ilog”; sinasabi ko tungkol kay Ciro, “Pastol ko siya, at lubusan niyang tutuparin ang lahat ng kalooban ko”; sinasabi ko tungkol sa Jerusalem, “Muli siyang itatayo,” at tungkol sa templo, “Ang pundasyon mo ay gagawin.”’”
Ayon sa Griegong istoryador na si Herodotus, inilihis ng hukbo ni Ciro ang tubig ng Ilog Eufrates, na umaagos sa lunsod ng Babilonya. Dahil dito, nakapaglakad sa ilog ang mga kawal ni Ciro papasók sa lunsod. Matapos kubkubin ang lunsod, pinalaya ni Ciro ang mga Judio na naging bihag sa Babilonya at pinabalik sila para muling itayo ang Jerusalem, na nawasak 70 taon na ang nakararaan.
Isaias 45:1: “Ito ang sinabi ni Jehova sa kaniyang pinili, kay Ciro, na ang kanang kamay ay hinawakan ko para talunin ang mga bansa sa harap niya, para alisan ng lakas ang mga hari, para buksan sa harap niya ang dobleng pinto at hindi maisara ang mga pintuang-daan.”
Pumasok ang mga Persiano sa pagkalaki-laking mga pinto ng pader ng lunsod, na naiwang nakabukas. Kung alam lang ng mga Babilonyo ang plano ni Ciro, isinara sana nila ang lahat ng pinto na malapit sa ilog. Kaya dahil doon, walang kalaban-laban ang lunsod.
Ang kamangha-manghang hulang ito ay isa lang sa napakaraming hula sa Bibliya na nagkatotoo nang walang mintis. a Di-gaya ng prediksiyon ng mga tao, na kinikilala nilang galing sa kanilang huwad na mga diyos, ang mga hula sa Bibliya ay nagmumula sa Isa na nagsabi: “Mula sa pasimula ay sinasabi ko na ang mangyayari, at mula noong sinaunang panahon, ang mga bagay na hindi pa nagagawa.”—Isaias 46:10.
Jehova, ang makapagsasabi niyan. Ang pangalan niya ay nangangahulugang “Pinangyayari Niyang Maging Gayon.” Ipinakikita nito na may kakayahan siyang alamin at baguhin ang mga mangyayari sa hinaharap, ayon sa kaniyang kalooban. Tinitiyak nito sa atin na tutuparin niya ang lahat ng ipinangako niya.
Tanging ang tunay na Diyos, na ang pangalan ayMGA HULANG NATUTUPAD SA NGAYON
Gusto mo bang malaman ang mga inihula ng Bibliya tungkol sa panahon natin? Mga 2,000 taon na ang nakararaan, inihula ng Bibliya na “sa mga huling araw, magiging mapanganib at mahirap ang kalagayan.” Mga huling araw ng ano? Hindi ng planetang Lupa o ng sangkatauhan, kundi ng alitan, paniniil, at pagdurusa na libo-libong taon nang sumasalot sa mga tao. Tingnan natin ang ilan sa mga hulang nagpapakilala sa “mga huling araw.”
2 Timoteo 3:1-5: “Sa mga huling araw, . . . ang mga tao ay magiging makasarili, maibigin sa pera, mayabang, mapagmataas, mamumusong, masuwayin sa magulang, walang utang na loob, di-tapat, walang likas na pagmamahal, ayaw makipagkasundo, maninirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mabangis, napopoot sa kabutihan, taksil, matigas ang ulo, mapagmalaki, maibigin sa kaluguran sa halip na maibigin sa Diyos, at mukhang makadiyos pero iba naman ang paraan ng pamumuhay.”
Tiyak na sasang-ayon ka na ganiyan nga ang ugali ng marami sa ngayon. Napansin mo bang napalilibutan tayo ng mga taong sobra ang pagmamahal sa sarili, sa pera, at ma-pride? Napansin mo bang ang mga tao sa ngayon ay mas mapaghanap at hindi mapagparaya? Siguradong nakikita mo rin na marami ang masuwayin sa mga magulang at na mas gusto ng mga tao ang kaluguran kaysa sa Diyos. At palala nang palala ang sitwasyon sa araw-araw.
Mateo 24:6, 7: “Makaririnig kayo ng ingay ng mga digmaan at ng mga ulat ng digmaan. . . . Maglalabanan ang mga bansa at mga kaharian.”
Ayon sa ilang pagtaya, mahigit 100 milyon na ang namatay dahil sa digmaan at armadong labanan mula pa noong 1914; mas malaki pa iyan sa populasyon ng maraming bansa. Isip-isipin ang luha, lungkot, at pagdurusa dahil sa malaking bilang na iyan ng mga namatay. Natuto ba ang mga bansa at tumigil na sa pakikipagdigma?
Mateo 24:7: “Magkakaroon ng taggutom.”
Sinabi ng World Food Programme: “Sa mundong ito kung saan mayroon tayong sapat na pagkain para pakainin ang lahat, 815 milyong tao—isa sa bawat siyam—ang natutulog pa rin nang gutóm gabi-gabi. Mas marami pa—isa sa bawat tatlo—ang dumaranas ng malnutrisyon.” Tinataya na sa bawat taon, mga tatlong milyong bata ang namamatay dahil sa gutom.
Lucas 21:11: “Magkakaroon ng malalakas na lindol.”
Taon-taon, mga 50,000 lindol ang nararamdaman ng tao. Mga 100 dito ang nagdudulot ng malubhang pinsala sa mga gusali. Isang napakalakas na lindol din ang nangyayari bawat taon. Ayon sa isang pagtaya, mula 1975 hanggang 2000, ang bilang ng mga namatay dahil sa lindol ay 471,000 katao.
Mateo 24:14: “Ang mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian ay ipangangaral sa buong lupa para marinig ng lahat ng bansa, at pagkatapos ay darating ang wakas.”
Sa buong mundo, ang mga Saksi ni Jehova, na mahigit walong milyon na, ay nangangaral at nagpapatotoo tungkol sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa mga 240 lupain. Inihahayag nila ang mabuting balita sa matataong lunsod at liblib na mga nayon, sa kagubatan, pati na sa kabundukan. Sinasabi ng hula na kapag natapos na ang gawaing ito ayon sa layunin ng Diyos, “darating ang wakas.” Ano ang ibig sabihin nito? Magwawakas na ang pamamahala ng tao at papalitan ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos. Anong mga pangako ang magkakatotoo sa ilalim ng Kaharian ng Diyos? Alamin sa susunod na artikulo.
a Tingnan ang artikulong “Isang Tahimik na Katibayan ng Hulang Nagkatotoo.”