Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kinabukasan Mo, Nakasalalay sa Pagpili Mo!

Kinabukasan Mo, Nakasalalay sa Pagpili Mo!

MAPIPILI MO BA KUNG ANO ANG MAGIGING KINABUKASAN MO? Naniniwala ang mga tao na kapalaran o tadhana ang kumokontrol sa buhay nila, hindi ang kanilang personal na mga pagpili. Kapag nabigo silang maabot ang isang tunguhin, ipinagwawalang-bahala na lang nila ito at sinasabing “Hindi iyon ang nakatadhana!”

Nadidismaya naman ang iba dahil wala silang magawa sa mapaniil at di-makatarungang mundong kinabubuhayan natin. Baka sinisikap nilang pagandahin ang kanilang buhay, pero paulit-ulit na nasisira ang kanilang mga plano dahil sa digmaan, krimen, sakuna, at pagkakasakit. Kaya ang tanong nila, ‘Bakit pa ako magsusumikap?’

Totoo, puwedeng makaapekto sa mga plano mo ang mga kalagayan sa buhay. (Eclesiastes 9:11) Pero pagdating sa iyong walang-hanggang kinabukasan, mayroon kang mapagpipilian. Sa katunayan, ipinapakita ng Bibliya na nakadepende ang kinabukasan mo sa magiging pagpili mo. Tingnan natin ang sinasabi nito.

Ganito ang sinabi ni Moises, lider ng sinaunang bansang Israel, nang malapit nang pumasok sa Lupang Pangako ang bayan: “Binigyan ko kayo ng pagpipilian: buhay o kamatayan, pagpapala o sumpa. Piliin ninyo ang buhay para manatili kayong buháy, kayo at ang mga inapo ninyo—ibigin ninyo ang Diyos ninyong si Jehova, makinig kayo sa tinig niya, at manatili kayong tapat sa kaniya.”​Deuteronomio 30:15, 19, 20.

“Binigyan ko kayo ng pagpipilian: buhay o kamatayan, pagpapala o sumpa. Piliin ninyo ang buhay.”​—Deuteronomio 30:19

Pinalaya ng Diyos ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto at binigyan sila ng pag-asang mabuhay nang malaya at maligaya sa Lupang Pangako. Pero hindi iyon basta-basta mapapasakanila. Para makamit ang mga pagpapalang iyon, kailangan nilang ‘piliin ang buhay.’ Paano? Dapat nating ‘ibigin ang Diyos, pakinggan ang tinig niya, at manatiling tapat sa kaniya.’

Sa ngayon, ganiyan din ang pagpiling napapaharap sa iyo, at nakadepende riyan ang magiging kinabukasan mo. Kung pipiliin mong ibigin ang Diyos, makinig sa kaniyang tinig, at manatili sa kaniya, pinipili mo ang buhay—buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa. Pero ano ang sangkot sa mga ito?

PILIING IBIGIN ANG DIYOS

Pag-ibig ang pangunahing katangian ng Diyos. “Ang Diyos ay pag-ibig,” isinulat ng apostol na si Juan. (1 Juan 4:8) Kaya naman, nang tanungin si Jesus kung ano ang pinakadakilang utos, sinabi niya: “Dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo.” (Mateo 22:37) Ang malapít na kaugnayan sa Diyos na Jehova ay nakabatay, hindi sa takot o pagiging sunod-sunuran, kundi sa pag-ibig. Pero bakit kailangan nating piliin na ibigin siya?

Ang pag-ibig ni Jehova sa sangkatauhan ay tulad ng pag-ibig ng mga magulang sa kanilang mga anak. Kahit hindi perpekto ang mga magulang, tinuturuan, pinasisigla, sinusuportahan, at dinidisiplina nila ang kanilang mga anak dahil gusto nilang maging masaya at matagumpay ang mga ito. Ano naman ang inaasahan ng mga magulang? Gusto nilang ibigin sila ng kanilang mga anak at sundin ang mga itinuro nila para sa ikabubuti ng mga ito. Hindi ba makatuwiran lang na asahan ng ating sakdal na Ama sa langit na pahahalagahan natin ang lahat ng ginawa niya para sa atin?

MAKINIG SA TINIG NIYA

Sa orihinal na wika ng Bibliya, ang salitang “makinig” ay kadalasang nangangahulugang “sumunod.” Hindi ba’t iyan ang ibig nating sabihin kapag sinasabi natin sa isang bata, “Makinig ka sa mga magulang mo”? Kaya ang pakikinig sa tinig ng Diyos ay nangangahulugan ng pagkatuto at pagsunod sa kaniya. Dahil hindi natin literal na naririnig ang tinig ng Diyos, puwede tayong makinig sa kaniya sa pamamagitan ng pagbabasa at pagsunod sa sinasabi ng kaniyang Salita, ang Bibliya.​—1 Juan 5:3.

Ipinakita ni Jesus ang kahalagahan ng pakikinig sa tinig ng Diyos: “Ang tao ay mabubuhay, hindi lang sa tinapay, kundi sa bawat salitang sinasabi ni Jehova.” (Mateo 4:4) Kung paanong mahalaga sa atin ang pagkain, mas mahalaga pa ang pagkuha ng kaalaman tungkol sa Diyos. Bakit? Sinabi ng matalinong si Haring Solomon: “Ang karunungan ay proteksiyon kung paanong ang pera ay proteksiyon, pero ito ang kahigitan ng kaalaman: Iniingatan ng karunungan ang buhay ng nagtataglay nito.” (Eclesiastes 7:12) Iingatan tayo ng kaalaman at karunungang mula sa Diyos at tutulungan tayong gumawa ng matalinong pasiya na aakay sa buhay na walang hanggan sa hinaharap.

MANATILING TAPAT SA KANIYA

Nabanggit sa naunang artikulo ang ilustrasyon ni Jesus, kung saan sinabi niya: “Makipot ang pintuang-daan at makitid ang daang papunta sa buhay, at kakaunti ang mga nakakahanap dito.” (Mateo 7:13, 14) Habang naglalakbay tayo sa daang ito, tiyak na makikinabang tayo kung may ekspertong gagabay sa atin para marating ang ating destinasyon—ang buhay na walang hanggan. Kaya, makabubuting manatili tayong malapít sa Diyos. (Awit 16:8) Pero paano natin gagawin iyan?

Sa araw-araw, marami tayong dapat gawin at gustong gawin. Dahil sa mga ito, puwede tayong magambala, at wala na tayong panahon para pag-isipan ang mga bagay na gusto ng Diyos na gawin natin. Kaya ipinaaalaala sa atin ng Bibliya: “Bantayan ninyong mabuti kung kumikilos kayo na gaya ng marunong at hindi gaya ng di-marunong; gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo, dahil napakasama na ng panahon.” (Efeso 5:15, 16) Magiging malapít tayo sa Diyos kung gagawin nating pinakamahalaga sa ating buhay ang kaugnayan natin sa kaniya.​—Mateo 6:33.

NASA IYO ANG PAGPILI

Hindi mo na mababago ang iyong nakaraan pero may magagawa ka para magkaroon ka ng magandang kinabukasan kasama ng iyong mga mahal sa buhay. Isinisiwalat ng Bibliya na mahal na mahal tayo ng ating makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova, at ipinaaalam niya sa atin kung ano ang gusto niyang gawin natin. Pansinin ang mga salita ni propeta Mikas:

“Sinabi niya sa iyo, O tao, kung ano ang mabuti. At ano lang ang hinihiling sa iyo ni Jehova? Ang maging makatarungan, ibigin ang katapatan, at maging mapagpakumbaba sa paglakad na kasama ng iyong Diyos!”Mikas 6:8.

Tatanggapin mo ba ang paanyaya ni Jehova na lumakad kasama niya para tamasahin ang walang-hanggang mga pagpapala sa mga gagawa nito? Nasa iyo ang pagpili!