Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapag Namatay ang Mahal sa Buhay

Kapag Namatay ang Mahal sa Buhay

“Sobrang lungkot ko nang biglang mamatay si Kuya. Kahit ilang buwan na ang lumipas, bigla ko siyang maaalala. Napakasakit, at parang sinasaksak ang puso ko. May panahong nagagalit din ako. Bakit kailangang mamatay ng kuya ko? Nakokonsensiya ako dahil hindi ko siya gaanong nabigyan ng panahon noong nabubuhay pa siya.”—Vanessa, Australia.

KUNG namatayan ka na ng mahal sa buhay, baka iba-iba rin ang nadarama mo, mula sa pamimighati hanggang sa sobrang kalungkutan at kawalan ng pag-asa. Baka nagagalit ka, nakokonsensiya, at natatakot. At naiisip mo pa nga kung may saysay pa ang buhay mo.

Normal lang na magdalamhati at hindi ito isang kahinaan. Ibig sabihin, mahal mo talaga ang namatay. Pero may makapagbibigay ba ng kaaliwan sa iyong pamimighati?

KUNG PAANO ITO HINARAP NG ILAN

Hindi man maalis-alis sa iyo ang sakit, matutulungan ka ng mga mungkahing ito:

BIGYAN ANG SARILI NG PANAHONG MAGDALAMHATI

Hindi pare-pareho ang paraan o tagal ng pagdadalamhati ng bawat tao. Pero sa pag-iyak, mailalabas mo ang bigat ng nararamdaman mo. Sinabi ni Vanessa, na nabanggit sa umpisa: “Basta umiiyak na lang ako; kailangan kong mailabas ang sakit na nadarama ko.” Sinabi naman ni Sofia, na biglang namatayan ng kapatid: “Napakasakit tanggapin ng katotohanan, para itong malalang sugat na kailangang laging linisin. Mahapdi man, pero kailangan ito para maghilom ang sugat.”

SABIHIN SA IBA ANG INIISIP AT NADARAMA MO

Normal lang na gusto mong mapag-isa kung minsan. Pero kung sosolohin mo ang pagdadalamhati, mas mahihirapan ka. Si Jared, na 17 taóng gulang, ay namatayan ng tatay. Sinabi niya: “Sinasabi ko sa iba ang nadarama ko. Hindi ko alam kung naiintindihan nila ako, pero gumagaan ang pakiramdam ko kapag nasasabi ko ito sa iba.” May isa pang pakinabang na sinabi si Janice, na nabanggit sa unang artikulo: “Napakalaking tulong ang makipag-usap sa iba. Alam kong naiintindihan nila ako, at hindi ako nag-iisa.”

MAGPATULONG

Sinabi ng isang doktor: “Mas madaling maka-recover ang namatayan kung sa umpisa pa lang, magpapatulong na siya sa mga kaibigan at kamag-anak.” Ipaalam sa iyong mga kaibigan kung ano ang puwede nilang itulong; baka gusto nilang tumulong pero hindi nila alam kung paano.—Kawikaan 17:17.

MAGING MAS MALAPÍT SA DIYOS

Sinabi ni Tina: “Nang mamatay sa kanser ang mister ko, wala na akong ibang mapagsabihan ng niloloob ko, kaya sa Diyos ko na sinasabi ang lahat! Paggising ko pa lang, hinihiling kong tulungan niya akong makayanan ang araw na iyon. Hindi ko na mabilang ang naitulong ng Diyos sa akin.” Si Tarsha ay 22 anyos nang mamatay ang nanay niya. Sinabi niya: “Araw-araw akong napapalakas ng pagbabasa ng Bibliya. Nagkakaroon ako ng positibong bagay na puwede kong pag-isipan.”

ISIPIN ANG PAGKABUHAY-MULI

Sinabi pa ni Tina: “Noong una, hindi nakatulong sa akin ang pag-asa sa pagkabuhay-muli kasi kailangan namin ngayon ng tatlo kong anak ang aking asawa. Pero pagkaraan ng apat na taon, nanghahawakan ako sa pag-asang ito. Ini-imagine ko na kasama ko na siya ulit kaya napapayapa ang isip ko at sumasaya!”

Hindi agad-agad mawawala ang iyong pamimighati. Pero mapapatibay ka sa karanasan ni Vanessa. Sinabi niya, “Sa umpisa, parang hindi mo kakayanin, pero gaganda rin ang sitwasyon.”

Tandaan, hindi man mapunan ang puwang na nasa puso mo ngayon, may saysay pa rin ang buhay mo. Sa tulong ng maibiging Diyos, puwede ka pa ring magkaroon ng masayang pakikipagkaibigan at isang makabuluhang buhay. At bubuhaying muli ng Diyos ang mga namatay. Gusto niyang mayakap mong muli ang iyong mahal sa buhay. Sa panahong iyon, tuluyan nang mawawala ang sakit na nadarama mo!