Bakit Natin Kailangan ang Kaharian ng Diyos?
Sa pasimula ng kasaysayan ng tao, ang ating Maylalang, na ang pangalan ay Jehova, ang nag-iisang Tagapamahala. Maibigin ang paraan niya ng pamamahala. Gumawa siya ng isang magandang tirahan—ang hardin ng Eden—para sa mga tao. Nagbigay siya ng saganang pagkain at makabuluhang trabaho para sa kanila. (Genesis 1:28, 29; 2:8, 15) Payapa sana ang mga tao kung nanatili sila sa maibiging pamamahala ng Diyos.
Sinasabi sa Bibliya na isang anghel ang nagrebelde at humamon sa karapatan ng Diyos na mamahala. Tinawag siyang Satanas na Diyablo. Sinabi niya na mas magiging masaya ang mga tao kung wala ang patnubay at pamamahala ng Diyos. Nakakalungkot, naniwala ang ating unang magulang, sina Adan at Eva, sa kasinungalingan ni Satanas at nagrebelde sila sa Diyos.—Genesis 3:1-6; Apocalipsis 12:9.
Dahil tinanggihan nina Adan at Eva ang pamamahala ng Diyos, pinalayas sila sa Paraiso at naiwala ang pag-asang mabuhay magpakailanman na may perpektong kalusugan. (Genesis 3:17-19) Ang pagrerebelde nila ay nakaapekto sa mga naging anak nila. Sinasabi ng Bibliya na dahil nagkasala si Adan, “ang kasalanan ay pumasok sa sangkatauhan at dahil sa kasalanan ay pumasok ang kamatayan.” (Roma 5:12) Ito pa ang isang masaklap na resulta ng kasalanan: “Ang tao ay namamahala sa kapuwa niya sa ikapipinsala nito.” (Eclesiastes 8:9) Ibig sabihin, kapag ang mga tao ang namahala sa sarili nila, marami ang magiging problema.
NAGSIMULANG MAMAHALA ANG TAO
Ang unang tagapamahalang tao na binanggit sa Bibliya ay si Nimrod. Nagrebelde siya sa pamamahala ni Jehova. Mula pa noong panahon ni Nimrod, inaabuso na ng marami ang kanilang kapangyarihan at awtoridad. Mga 3,000 taon na ang nakakalipas, isinulat ni Haring Solomon: “Nakita ko ang mga luha ng mga pinahihirapan, at walang dumadamay sa kanila. May kapangyarihan ang mga nagpapahirap sa kanila.”—Eclesiastes 4:1.
Hindi nagbago ang kalagayan natin ngayon. Noong 2009, sinabi ng isang publikasyon ng United Nations na parami nang parami ang nagsasabi na ang masamang pamamahala ay “isa sa mga ugat ng lahat ng kasamaan sa mundo.”
KIKILOS ANG DIYOS!
Kailangan ng mundo ang isang mas mahusay na gobyerno at mas mahusay na mga tagapamahala. At iyan ang pangako ng ating Maylalang!
Nagtatag ang Diyos ng isang Kaharian, o gobyerno, na papalit sa lahat ng gobyerno ng tao at “ito lang ang mananatili magpakailanman.” (Daniel 2:44) Ito ang Kaharian na ipinapanalangin ng milyon-milyong tao. (Mateo 6:9, 10) Pero hindi ang Diyos ang mamamahala sa gobyernong ito. Sa halip, pumili siya ng isang Tagapamahala na nabuhay bilang tao. Sino ang pinili ng Diyos?