Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magwawakas Ba ang Mundong Ito?

Magwawakas Ba ang Mundong Ito?

Baka narinig mo na rin na sinasabi ng Bibliya na magwawakas ang sanlibutan, o mundo. (1 Juan 2:17) Ibig bang sabihin niyan, mamamatay ang lahat ng tao? Magiging tiwangwang ba ang planetang Lupa o kaya naman ay tuluyan nang masisira?

ANG SAGOT NG BIBLIYA SA MGA TANONG NA IYAN AY HINDI!

Ano ang Hindi Magwawakas?

SANGKATAUHAN

Ang sabi ng Bibliya: ‘Hindi nilalang ng Diyos ang lupa nang walang dahilan, kundi nilikha niya ito para tirhan.’​—ISAIAS 45:18.

PLANETANG LUPA

Ang sabi ng Bibliya: “Isang henerasyon ang lumilipas, at isang henerasyon ang dumarating, pero ang lupa ay mananatili magpakailanman.”​—ECLESIASTES 1:4.

ANG IBIG SABIHIN: Ayon sa Bibliya, ang lupa ay hindi kailanman wawasakin at lagi itong titirhan. Kaya ano ang mangyayari kapag nagwakas ang mundo?

PAG-ISIPAN: Inihalintulad ng Bibliya ang darating na wakas ng mundong ito sa nangyari noong panahon ni Noe. Noong panahong iyon, ang lupa ay “punô ng karahasan.” (Genesis 6:13) Pero masunurin si Noe sa Diyos. Kaya nang puksain ng Diyos ang masasama sa pamamagitan ng baha, iniligtas niya si Noe at ang pamilya nito. Tungkol sa pangyayaring iyan, sinasabi ng Bibliya: “Ang sanlibutan [o mundo] nang panahong iyon ay napuksa dahil sa baha.” (2 Pedro 3:6) Iyan ang katapusan ng mundong iyon. Pero ano nga ba ang nagwakas? Hindi ang lupa, kundi ang masasamang tao na nasa lupa. Kaya kapag binabanggit ng Bibliya ang wakas ng mundo, hindi ito tumutukoy sa paggunaw ng planetang Lupa. Sa halip, tumutukoy ito sa wakas ng masasamang tao sa lupa at ng sistemang ginawa nila.

Ano ang Magwawakas?

PROBLEMA AT KASAMAAN

Ang sabi ng Bibliya: “Kaunting panahon na lang at ang masasama ay mawawala na; titingnan mo ang dati nilang kinaroroonan, pero hindi mo sila makikita roon. Pero ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at mag-uumapaw ang kanilang kaligayahan dahil sa lubos na kapayapaan.”​—AWIT 37:10, 11.

ANG IBIG SABIHIN: Hindi permanenteng naalis ng Baha noong panahon ni Noe ang kasamaan. Pagkatapos ng Baha, nagkaroon ulit ng masasama at naging mahirap ang buhay para sa lahat. Pero malapit nang wakasan ng Diyos ang kasamaan. Gaya ng sinabi ng salmista: “Ang masasama ay mawawala na.” Wawakasan ng Diyos ang kasamaan sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian—isang gobyerno sa langit na mamamahala sa buong mundo sa mga taong masunurin sa Diyos.

PAG-ISIPAN: Susuportahan kaya ng mga lider ng mundong ito ang Kaharian ng Diyos? Ipinapakita ng Bibliya na hindi. Kabaligtaran ang gagawin nila: Kakalabanin nila ang Kaharian ng Diyos. (Awit 2:2) Dahil diyan, ano ang mangyayari? Papalitan ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng gobyerno ng tao, at “ito lang ang mananatili magpakailanman.” (Daniel 2:44) Pero bakit nga ba dapat magwakas ang pamamahala ng tao?

KAILANGAN NANG MAGWAKAS ang Pamamahala ng Tao

Ang sabi ng Bibliya: “Hindi para sa taong lumalakad ang ituwid man lang ang sarili niyang hakbang.”​—JEREMIAS 10:23.

ANG IBIG SABIHIN: Walang kakayahan ang mga tao na pamahalaan ang sarili nila. Hindi maganda ang pamamahala nila sa ibang tao at hindi nila kayang lutasin ang mga problema.

PAG-ISIPAN: Sinasabi ng Britannica Academic na parang hindi kaya ng anumang gobyerno na “lutasin ang mga problema ng mundo gaya ng kahirapan, gutom, sakit, likas na sakuna, at digmaan o iba pang karahasan.” Idinagdag pa nito: “May mga . . . naniniwalang ang makakalutas lang sa mga problemang ito ay isang gobyerno na mamamahala sa buong mundo.” Pero kahit na magkaisa pa ang lahat ng gobyerno ng tao, hindi pa rin sila perpekto at wala silang kakayahang lutasin ang mga problemang nabanggit. Ang Kaharian ng Diyos lang ang nag-iisang gobyerno na may kakayahang permanenteng solusyunan ang lahat ng problema sa mundo.

Kaya ayon sa Bibliya, ang wakas ng mundo o ng masamang sistemang ito ay hindi dapat katakutan ng mabubuting tao. Ang totoo, inaabangan nila ito kasi papalitan na ang nasirang mundong ito ng napakagandang bagong sanlibutan ng Diyos!

Kailan mangyayari ang lahat ng ito? Ipapakita sa susunod na artikulo ang sagot ng Bibliya.