Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TULARAN ANG KANILANG PANANAMPALATAYA | SARA

“Ikaw ay Isang Babaing Maganda”

“Ikaw ay Isang Babaing Maganda”

NAKATAYO si Sara sa gitna ng kanilang silid habang pinagmamasdan ang paligid. Ilarawan sa isip ang isang babaeng taga-Gitnang Silangan na may napakaganda at nangungusap na mga mata. May mababakas bang kalungkutan sa kaniyang mga mata? Kung oo, maiintindihan mo siya. Sa bahay na ito, napakarami nilang masasayang alaala ng kaniyang mahal na asawang si Abraham. * Ito ang tahanang magkasama nilang binuo.

Nakatira sila sa Ur, isang maunlad na lunsod na maraming mahuhusay na manggagawa at mangangalakal. Kaya siguradong may mga ari-arian sila. Pero para kay Sara, ang kanilang tahanan ay hindi lang isang lugar na mapaglalagyan ng kanilang mga gamit. Ang bahay na ito ang saksi sa maraming taon ng masayang pagsasama nila, pati na sa mga hirap na pinagdaanan nila. Dito, maraming beses silang nanalangin sa kanilang mahal na Diyos, si Jehova. Napakarami ngang dahilan para mapamahal kay Sara ang lugar na ito.

Pero handang iwan ni Sara ang lahat ng nakasanayan niya. Malamang na mga 60 taóng gulang na siya, pero maglalakbay siya patungo sa mga lugar na hindi pa niya alam at haharapin niya ang isang buhay na punong-puno ng panganib at hirap. Malabo na rin siyang makabalik. Bakit biglang magbabago ang kaniyang buhay? At ano ang matututuhan natin sa kaniyang pananampalataya?

“YUMAON KA . . . MULA SA IYONG LUPAIN”

Malamang na lumaki si Sara sa Ur. Sa ngayon, wasak na ang lunsod na ito at wala nang nakatira. Pero noong panahon ni Sara, nagpaparoo’t parito sa katubigan at kanal ng Ilog Eufrates ang mga sasakyang pandagat ng mga mangangalakal. Nagdadala sila sa mayamang lunsod na ito ng mahahalagang kalakal mula sa malalayong lupain. Dumaragsa ang mga tao sa makikipot at paliko-likong lansangan ng Ur at siksikan ang mga barko sa mga pantalan nito. Punong-puno ng paninda ang mga tiangge. Isipin si Sara habang nagdadalaga sa napakaabalang lunsod na iyon at halos kilala ang karamihan sa mga tagaroon. Tiyak na kilala rin nila siya, dahil pambihira ang kaniyang kagandahan. Nagmula rin siya sa isang malaking pamilya.

Kilalang karakter sa Bibliya si Sara dahil sa kaniyang napakalaking pananampalataya—pero hindi para sa diyos ng buwan na sinasamba ng karamihan sa Ur. Kitang-kita sa buong lunsod ang napakataas na tore ng diyos na iyon. Ang sinasamba ni Sara ay ang tunay na Diyos, si Jehova. Walang sinasabi ang Bibliya kung paano siya nagkaroon ng gayong pananampalataya. May panahong ang kaniyang ama ay naging mananamba ng idolo. Pero napangasawa niya si Abraham na 10 taon ang tanda sa kaniya. * (Genesis 17:17) Nang maglaon, si Abraham ay nakilala bilang “ama ng lahat niyaong may pananampalataya.” (Roma 4:11) Magkasama nilang binuo ang isang maganda at matibay na ugnayan bilang mag-asawa. May respeto sila sa isa’t isa, maganda ang komunikasyon nila, at nagtulungan silang harapin ang mahihirap na sitwasyon. Pero higit sa lahat, makikita sa kanilang pagsasama na mahal nila ang kanilang Diyos.

Mahal na mahal ni Sara ang asawa niya at tumira sila sa Ur, malapit sa mga kamag-anak nila. Pero di-nagtagal, bumangon ang isang problema. Sinasabi ng Bibliya na si Sara ay “nanatiling baog; wala siyang anak.” (Genesis 11:30) Sa kultura at panahong iyon, napakahirap ng kalagayan ni Sara. Pero nanatili siyang tapat sa Diyos at sa kaniyang asawa. Lumilitaw na itinuring nilang anak ang kanilang pamangking si Lot dahil wala itong ama. Nagpatuloy sila sa buhay—hanggang isang araw, nagbago ang lahat.

Lumapit si Abraham kay Sara na may dalang magandang balita. Halos hindi siya makapaniwala sa nangyari. Ang Diyos na sinasamba nila ay nakipag-usap at nagpakita pa nga sa kaniya sa pamamagitan ng isang anghel! Nakikita mo ba si Sara habang nakatingin ang kaniyang mapupungay na mata sa kaniyang asawa, at sinasabi: “Ano’ng sinabi niya sa ’yo? Sabihin mo na sa ’kin, pakisuyo.” Malamang na naupo muna si Abraham at binulay-bulay ang buong pangyayari. At saka niya ikinuwento kay Sara ang sinabi ni Jehova: “Lumabas ka mula sa iyong lupain at mula sa iyong mga kamag-anak at pumaroon ka sa lupain na ipakikita ko sa iyo.” (Gawa 7:2, 3) Pagkatapos nito, pinag-isipan nilang mabuti ang atas na ibinigay ni Jehova sa kanila. Iiwan nila ang kanilang maganda at komportableng buhay at magpapalipat-lipat ng tirahan! Tiyak na hinintay ni Abraham ang magiging reaksiyon ni Sara. Ano kaya ang magiging tugon niya? Makikipagtulungan kaya siya kay Abraham sa malaking pagbabagong gagawin nila sa kanilang buhay?

Baka hindi natin maunawaan ang hamong napaharap kay Sara. Baka maisip natin, ‘Hindi naman ipinagagawa ng Diyos sa aming mag-asawa ang gaya ng ipinagawa niya kina Abraham at Sara!’ Pero hindi ba talaga tayo napapaharap sa gayong mga hamon? Nabubuhay tayo sa materyalistikong daigdig na humihimok sa atin na unahin ang ating sariling kaalwanan, mga ari-arian, o ang pagkadama ng kapanatagan. Pero hinihimok tayo ng Bibliya na unahin ang espirituwal na mga bagay, at palugdan ang Diyos sa halip na ang sarili. (Mateo 6:33) Habang isinasaisip natin ang ginawa ni Sara, tanungin ang sarili, ‘Ano ang pipiliin ko?’

“LUMABAS [SILA] MULA SA LUPAIN”

Habang nag-iimpake si Sara, nahirapan siyang magdesisyon kung alin ang dadalhin at iiwan niya. Hindi niya puwedeng dalhin ang anumang bagay na hindi magkakasya sa caravan ng mga buriko at kamelyo, o ang mga bagay na hindi naman magagamit ng isa na nagpapalipat-lipat. Tiyak na marami sa kanilang ari-arian ang kailangang ibenta o ipamigay. Iiwan din niya ang komportableng buhay sa siyudad na may mga palengke o tiangge kung saan madali siyang makabibili ng butil, karne, prutas, damit, at iba pang mahahalagang bagay.

Dahil sa pananampalataya, iniwan ni Sara ang komportableng buhay

Siguro mas mahirap para kay Sara na iwan ang kaniyang bahay. Kung katulad ito ng maraming bahay sa Ur na nahukay ng mga arkeologo, malaki talaga ang mawawala kay Sara. Ang ilan sa mga bahay na iyon ay may napakaraming silid, mga bukal ng tubig, at instalasyon ng tubo at gripo. Maging ang mga simpleng bahay ay may matibay na bubong, pader, at pinto na puwedeng ikandado. Maibibigay ba ng isang tolda ang gayong proteksiyon laban sa mga magnanakaw, o leon, leopardo, oso, at lobo—na pangkaraniwan lang sa mga lupain noong panahon ng Bibliya?

Kumusta naman ang tungkol sa pamilya? Sino-sino ang maiiwan ni Sara? Baka lalong nahirapan si Sara sa utos ng Diyos na ‘lumabas mula sa kaniyang lupain at mula sa kaniyang mga kamag-anak.’ Isa siyang magiliw at mapagmahal na babae, kaya malamang na may mga kapatid siya, pamangkin, at mga tiyuhin at tiyahin na malalapít sa kaniya. At malamang na hindi na niya sila makikitang muli. Pero desidido si Sara, kaya araw-araw siyang naghanda para sa kanilang pag-alis.

Sa kabila ng mga hamong ito, nakaimpake na si Sara at handa na siyang umalis sa itinakdang oras. Kasamang maglalakbay nina Abraham at Sara si Tera na kanilang patriyarka, bagaman mga 200 taóng gulang na ito. (Genesis 11:31) Tiyak na kailangang alagaan ni Sara ang kanilang tatay na may-edad na. Sasama rin sa kanila si Lot at susunod sa utos ni Jehova na ‘lumabas mula sa lupain ng mga Caldeo.’—Gawa 7:4.

Naglakbay muna sila patungong Haran, mga 960 kilometro patungong hilagang-kanluran, na binabagtas ang Eufrates. Pansamantala silang tumigil sa Haran. Malamang na may sakit na si Tera noong panahong iyon, kaya hindi na niya kayang maglakbay pa. Nanatili sila roon hanggang sa mamatay si Tera sa edad na 205. Bago nila ipagpatuloy ang paglalakbay, muling kinausap ni Jehova si Abraham. Minsan pang sinabi ni Jehova sa kaniya na iwan niya ang lupaing ito at pumunta sa lupaing ituturo niya sa kaniya. Pero sa pagkakataong ito, idinagdag ng Diyos ang kapana-panabik na pangakong ito: “Gagawa ako ng isang dakilang bansa mula sa iyo.” (Genesis 12:2-4) Pero nang umalis sila sa Haran, 75 taóng gulang na si Abraham at 65 naman si Sara, at wala silang anak. Paanong isang bansa ang magmumula kay Abraham? Kukuha ba siya ng ibang asawa? Pangkaraniwan ang poligamya noon, kaya malamang na naisip ito ni Sara.

Gayunman, nilisan nila ang Haran at patuloy na naglakbay. Pero pansinin kung sino na ang mga kasama nila. Sinasabi ng ulat na lumisan ang pamilya ni Abraham dala-dala ang mga kayamanan pati na “ang mga kaluluwa na kanilang kinuha sa Haran.” (Genesis 12:5) Sino ang mga kaluluwa, o mga taong iyon? Malamang na mga alipin. Pero tiyak na ibinahagi nina Abraham at Sara ang kanilang pananampalataya sa mga taong handang makinig. Kaya sinasabi ng ilang sinaunang komentaristang Judio na ang mga kaluluwang tinutukoy sa tekstong ito ay mga proselita rin, mga taong sumama kina Abraham at Sara sa pagsamba kay Jehova. Kung ganoon nga, tiyak na nakatulong ang matibay na pananampalataya ni Sara kaya nakumbinsi niya ang iba nang ipakipag-usap niya sa kanila ang tungkol sa Diyos at sa kaniyang pag-asa. Mahalagang bulay-bulayin ang halimbawa ni Sara, dahil nabubuhay tayo sa panahong iilan lang ang may pananampalataya at pag-asa. Kapag may natutuhan ka mula sa Bibliya, handa ka bang ibahagi ito sa iba?

“LUMUSONG PATUNGONG EHIPTO”

Pagkatapos nilang tumawid sa Eufrates, malamang na noong Nisan 14, 1943 B.C.E., tinahak nila ang daan sa timog papunta sa lupaing ipinangako ni Jehova sa kanila. (Exodo 12:40, 41) Ilarawan sa isip si Sara habang hangang-hanga sa magaganda at iba’t ibang tanawin, at habang nasisiyahan sa magandang klima ng lupain. Di-kalayuan sa Sikem, malapit sa malalaking punongkahoy ng More, nagpakitang muli si Jehova kay Abraham, at sinabi: “Sa iyong binhi ay ibibigay ko ang lupaing ito.” May malaking kahulugan para kay Abraham ang salitang “binhi”! Tiyak na naalaala niya ang hardin ng Eden, kung saan inihula ni Jehova na balang-araw, isang binhi ang pupuksa kay Satanas. Sinabi na ni Jehova kay Abraham na ang bansa na magmumula sa kaniya ay magdadala ng mga pagpapala sa mga tao sa buong lupa.—Genesis 3:15; 12:2, 3, 6, 7.

Pero hindi ligtas sa problema ang pamilyang ito. Nang magkaroon ng taggutom sa Canaan, ipinasiya ni Abraham na maglakbay sila sa timog papuntang Ehipto. Gayunman, nakita niyang manganganib sila sa lugar na iyon. Kaya kinausap niya si Sara: “Pakisuyo, ngayon! nalalaman kong lubos na ikaw ay isang babaing maganda ang anyo. Kaya talagang mangyayari na makikita ka ng mga Ehipsiyo at magsasabi, ‘Ito ang kaniyang asawa.’ At tiyak na papatayin nila ako, ngunit ikaw ay iingatan nilang buháy. Pakisuyong sabihin mo na ikaw ay aking kapatid, upang mapabuti ako dahil sa iyo, at ang kaluluwa ko ay tiyak na mabubuhay dahilan sa iyo.” (Genesis 12:10-13) Bakit hiniling iyon ni Abraham?

Hindi sinungaling o duwag si Abraham, gaya ng sinasabi ng ilang kritiko. Talaga namang magkapatid sila sa ama. At may makatuwirang dahilan si Abraham para gawin iyon. Alam nina Abraham at Sara na wala nang mas mahalaga pa kaysa sa layunin ng Diyos na maglaan ng natatanging binhi at bansa sa pamamagitan ni Abraham, kaya napakahalaga ng kaniyang kaligtasan. Isa pa, ipinakikita ng mga ebidensiya ng arkeolohiya na pangkaraniwan noon sa mga makapangyarihang lalaki sa Ehipto na kumuha ng asawa ng ibang lalaki, at pagkatapos ay papatayin ang mister nito. Kaya matalino ang naging desisyon ni Abraham, at nakipagtulungan naman sa kaniya si Sara.

Di-nagtagal, napatunayan na may dahilan ngang matakot si Abraham. Napansin ng ilang prinsipe ni Paraon ang kahanga-hangang kagandahan ni Sara sa kabila ng kaniyang edad. Sinabi nila ito kay Paraon, at iniutos nito na dalhin sa kaniya si Sara! Isip-isipin ang pangamba at kirot na idinulot nito kay Abraham o ang takot na nadama ni Sara. Pero lumilitaw na itinuring siya bilang panauhing pandangal at hindi bilang isang bihag. Posibleng pinlano ni Paraon na ligawan at pahangain si Sara sa kaniyang kayamanan at pagkatapos ay kausapin ang “kapatid” nito na kukunin niya si Sara bilang asawa.—Genesis 12:14-16.

Nakikita mo ba si Sara habang pinagmamasdan niya mula sa bintana o balkonahe ng palasyo ang tanawin sa Ehipto? Ano kaya ang nadarama niya ngayong nakatira siya uli sa isang palasyong napapaderan at may bubong, at may masasarap na pagkaing inihahain sa kaniya? Natukso ba siya ng maluhong buhay na ito—malamang na mas sagana pa nga kaysa sa nakasanayan niya sa Ur? Tiyak na napakasaya ni Satanas kung inabandona ni Sara si Abraham at pumayag na maging asawa ni Paraon! Pero hindi iyon ginawa ni Sara. Tapat siya sa kaniyang asawa at sa kaniyang Diyos. Kung magpapakita lang sana ng gayong katapatan ang lahat ng may asawa sa imoral na daigdig na ito! Matutularan mo ba ang katapatan ni Sara sa pakikitungo mo sa iyong minamahal at mga kaibigan?

Sa kabila ng mga iniaalok kay Sara sa palasyo ni Paraon, nanatili siyang tapat sa kaniyang asawa

Ipinagsanggalang ni Jehova ang kaibig-ibig na babaeng ito. Nagpasapit siya ng salot laban kay Paraon at sa sambahayan nito. Nang malaman ni Paraon na asawa ni Abraham si Sara, pinabalik niya si Sara sa asawa nito at hiniling na lisanin ng buong pamilya ang Ehipto. (Genesis 12:17-20) Tiyak na napakasaya ni Abraham nang bumalik sa kaniya ang pinakamamahal niyang asawa! Tandaan na magiliw niyang sinabi kay Sara: “Ikaw ay isang babaing maganda.” Pero higit pa sa pisikal na kagandahan ang nagustuhan niya kay Sara. Taglay nito ang tunay na panloob na kagandahan. At iyan ang mahalaga kay Jehova. (1 Pedro 3:1-5) Puwede rin tayong magkaroon ng ganitong uri ng kagandahan. Kung uunahin natin ang espirituwal na bagay sa halip na materyal, sisikaping ibahagi sa iba ang tungkol sa Diyos, at mananatiling tapat sa pamantayan ng Diyos hinggil sa moral sa harap ng mga tukso, matutularan natin ang pananampalataya ni Sara.

^ par. 3 Sa simula, Abram at Sarai ang kanilang pangalan, pero mas kilala sila sa pangalang ibinigay ni Jehova sa kanila.—Genesis 17:5, 15.

^ par. 8 Si Sara ay kapatid ni Abraham sa ama niyang si Tera, pero magkaiba ang kanilang ina. (Genesis 20:12) Sa ngayon, hindi na tama ang gayong pag-aasawa. Pero tandaan na naiiba ang pag-aasawa noong panahong iyon. Ang mga tao noon ay malapit pa sa kasakdalang naiwala nina Adan at Eva. Kaya kahit maging mag-asawa noon ang malalapít na magkakamag-anak, hindi nagkakaroon ng diperensiya ang anak nila. Pero pagkalipas ng mga 400 taon, ang haba ng buhay ng tao ay katulad na ng sa atin ngayon. Noong panahong iyon, ipinagbawal na ng Kautusang Mosaiko ang lahat ng seksuwal na ugnayan sa pagitan ng magkakamag-anak.—Levitico 18:6.