Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | IKAW AT ANG APAT NA MANGANGABAYO

Ang Apat na Mangangabayo—Sino Sila?

Ang Apat na Mangangabayo—Sino Sila?

Ang apat na mangangabayo ay parang misteryoso at nakatatakot. Pero ang totoo, hindi naman. Bakit? Dahil ang Bibliya at ang mga pangyayari sa modernong kasaysayan ay tumutulong sa atin na malaman kung ano ang inilalarawan ng bawat mangangabayo. Nagbabadya ng kapahamakan sa lupa ang kanilang paghayo, pero may dala rin itong mabuting balita para sa iyo at sa iyong pamilya. Sa paanong paraan? Alamin muna natin kung ano ang inilalarawan ng bawat mangangabayo.

ANG SAKAY NG KABAYONG PUTI

Ganito nagsimula ang pangitain: “Nakita ko, at, narito! isang kabayong puti; at ang isa na nakaupo sa ibabaw nito ay may isang busog; at isang korona ang ibinigay sa kaniya, at humayo siyang nananaig at upang lubusin ang kaniyang pananaig.”—Apocalipsis 6:2.

Sino ang sakay ng kabayong puti? Nasa aklat din ng Bibliya na Apocalipsis ang sagot. Dito, tinukoy ang makalangit na sakay nito bilang “Ang Salita ng Diyos.” (Apocalipsis 19:11-13) Ang titulong ito, Ang Salita, ay nauukol kay Jesu-Kristo dahil siya ang tagapagsalita ng Diyos. (Juan 1:1, 14) Tinawag din siyang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon” at inilarawan siya bilang “Tapat at Totoo.” (Apocalipsis 19:16) Ipinakikita nito na may awtoridad siya bilang mandirigmang-hari, at hindi niya aabusuhin ang kaniyang kapangyarihan. Pero may mga tanong na bumabangon.

Sino ang nagbigay kay Jesus ng awtoridad na manaig? (Apocalipsis 6:2) Sa isang pangitain na nakita ni propeta Daniel, ang Mesiyas ay itinulad sa “anak ng tao.” Tumanggap siya ng “pamamahala at dangal at kaharian” mula sa “Sinauna sa mga Araw,” ang Diyos na Jehova. * (Daniel 7:13, 14) Maliwanag na ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang nagbigay kay Jesus ng kapangyarihan at karapatang mamahala at maglapat ng hatol. Sa Bibliya, madalas gamitin ang kulay puti bilang simbolo ng katuwiran. Kaya ang kabayong puti ay angkop na simbolo ng matuwid na pakikipagdigma ng Anak ng Diyos.—Apocalipsis 3:4; 7:9, 13, 14.

Kailan nagsimulang humayo ang mga mangangabayo? Ang unang mangangabayo, si Jesus, ay nagsimulang humayo nang tumanggap siya ng korona. (Apocalipsis 6:2) Kailan siya nagsimulang maging Hari sa langit? Noon bang umakyat siya sa langit matapos siyang buhaying muli? Hindi. Ipinakikita ng Bibliya na kailangan pa niyang maghintay. (Hebreo 10:12, 13) Nagbigay ng tanda si Jesus sa kaniyang mga tagasunod para matukoy nila kung kailan matatapos ang paghihintay na iyon at kung kailan magsisimula ang kaniyang pamamahala sa langit. Sinabi niya na sa pasimula ng kaniyang pamamahala, lalong sasamâ ang kalagayan ng daigdig. Magkakaroon ng digmaan, kakapusan sa pagkain, at mga salot. (Mateo 24:3, 7; Lucas 21:10, 11) Nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I noong 1914, kitang-kita na dumating na ang yugtong iyon ng panahon. Ang napakasamang kalagayang ito ay tinawag ng Bibliya na “mga huling araw.”—2 Timoteo 3:1-5.

Pero kung namamahala na si Jesus mula noong 1914, bakit pasama nang pasama ang kalagayan? Dahil noong 1914, nagsimulang mamahala si Jesus sa langit, hindi sa lupa. Di-nagtagal, sumiklab ang digmaan sa langit. Inihagis ng bagong-luklok na Haring si Jesus, na siya ring Miguel, si Satanas at ang mga demonyo nito sa lupa. (Apocalipsis 12:7-9, 12) Galít na galít si Satanas dahil alam niyang hindi na siya makababalik sa langit at biláng na ang araw niya. At talagang kaunting panahon na lang bago isagawa ng Diyos ang kaniyang hatol kay Satanas. (Mateo 6:10) Alamin natin ngayon kung paano pinatutunayan ng tatlong iba pang mangangabayo na nabubuhay na tayo sa maligalig na “mga huling araw.” Ang unang mangangabayo ay tumutukoy sa espesipikong indibiduwal, pero ang tatlong iba pa ay kumakatawan sa mga kalagayan sa daigdig na sasapit sa lipunan ng tao.

ANG SAKAY NG KABAYONG PULA

“May isa pang lumabas, isang kabayong kulay-apoy; at ang isa na nakaupo sa ibabaw nito ay pinagkaloobang mag-alis ng kapayapaan mula sa lupa upang magpatayan sila sa isa’t isa; at isang malaking tabak ang ibinigay sa kaniya.”—Apocalipsis 6:4.

Ang mangangabayong ito ay kumakatawan sa digmaan. Pansinin na aalisin nito ang kapayapaan, hindi lang sa ilang bansa kundi sa buong daigdig. Noong 1914, sa unang pagkakataon, sumiklab ang isang digmaang pandaigdig. Sinundan pa ito ng ikalawang digmaang pandaigdig na naging mas mapaminsala. Ayon sa ilang pagtantiya, mahigit 100 milyon ang namatay dahil sa digmaan at armadong labanan mula pa noong 1914! At napakarami pang indibiduwal ang napinsala.

Gaano na kalalâ ang digmaan sa panahon natin? Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan, lumilitaw na may kakayahan ang tao na lipulin ang buong sangkatauhan. Kahit ang mga organisasyong tinaguriang tagapag-ingat ng kapayapaan, gaya ng United Nations, ay walang nagawa para pahintuin ang sakay ng kabayong pula.

ANG SAKAY NG KABAYONG ITIM

“Nakita ko, at, narito! isang kabayong itim; at ang isa na nakaupo sa ibabaw nito ay may isang pares ng timbangan sa kaniyang kamay. At narinig ko ang isang tinig na para bang nasa gitna ng apat na nilalang na buháy na nagsabi: ‘Isang quarto ng trigo para sa isang denario, at tatlong quarto ng sebada para sa isang denario; at huwag mong pinsalain ang langis ng olibo at ang alak.’”—Apocalipsis 6:5, 6.

Kumakatawan sa taggutom ang mangangabayong ito. Ipinakikita ng tekstong ito ang malalang kalagayan sa suplay ng pagkain. Ang isang quarto, o 700 gramo, ng trigo ay nagkakahalaga ng isang denario, isang araw na suweldo noong unang siglo! (Mateo 20:2) Sa halaga ring iyon, makabibili ng tatlong quarto, o dalawang kilo at 100 gramo, ng sebada na mas mababa ang uri kaysa sa trigo. Pero hindi pa rin iyan makasasapat sa isang malaking pamilya. Babala ito na dapat tipirin kahit ang pangkaraniwang pagkain noon na gaya ng langis ng olibo at alak.

Ano ang ebidensiya na humahayo na ang mangangabayong ito mula pa noong 1914? Noong ika-20 siglo, mga 70 milyon ang namatay dahil sa taggutom. Ayon sa pagtantiya ng isang awtoridad, “805 milyon katao—mga isa sa bawat siyam na tao sa buong daigdig—ang kulang sa nutrisyon noong 2012-14.” Sinabi naman ng isa pang ulat: “Kahit pagsama-samahin ang bilang ng mga namamatay sa AIDS, malarya, at tuberkulosis, mas marami pa rin ang namamatay sa gutom taon-taon.” Sa kabila ng maraming pagsisikap na pakainin ang mga nagugutom, patuloy pa rin sa paghayo ang sakay ng kabayong itim.

ANG SAKAY NG KABAYONG MAPUTLA

“Nakita ko, at, narito! isang kabayong maputla; at ang isa na nakaupo sa ibabaw nito ay may pangalang Kamatayan. At ang Hades ay sumusunod kaagad sa kaniya. At binigyan sila ng awtoridad sa ikaapat na bahagi ng lupa, upang pumatay sa pamamagitan ng mahabang tabak at ng kakapusan sa pagkain at ng nakamamatay na salot at ng mababangis na hayop sa lupa.”—Apocalipsis 6:8.

Ang ikaapat na mangangabayo ay kumakatawan sa kamatayang dulot ng salot at iba pa. Di-nagtagal, pagkaraan ng 1914, ang trangkaso Espanyola ay pumatay ng milyon-milyong tao. Posibleng mga 500 milyon ang naging biktima nito—mga 1 sa bawat 3 taong nabubuhay noon!

Pero ang trangkaso Espanyola ay simula pa lang ng salot. Tinataya ng mga eksperto na daan-daang milyon ang namatay dahil sa bulutong noong ika-20 siglo. Sa ngayon, marami ang namamatay dahil sa AIDS, tuberkulosis, at malarya, sa kabila ng puspusang pananaliksik ng medisina.

Digmaan man, taggutom, o salot, iisa lang ang resulta—kamatayan. Hindi tumitigil sa pangongolekta ng biktima ang Hades, at wala rin itong ibinibigay na pag-asa.

MALAPIT NA ANG MAGANDANG KINABUKASAN!

Malapit nang magwakas ang maligalig na panahong ito. Tandaan: Si Jesus ay ‘humayong nananaig’ noong 1914, at inihagis niya si Satanas sa lupa, pero hindi pa tapos ang kaniyang pananaig. (Apocalipsis 6:2; 12:9, 12) Hindi na magtatagal, sa Armagedon, aalisin ni Jesus ang impluwensiya ni Satanas at pupuksain ang lahat ng taong sumusuporta sa Diyablo. (Apocalipsis 20:1-3) Hindi lang pahihintuin ni Jesus sa paghayo ang tatlong mangangabayo, papawiin din niya ang pinsalang idinulot ng kanilang paghayo. Paano? Alamin natin ang mga pangako ng Bibliya.

Sa halip na digmaan, kapayapaan ang iiral. “Pinatitigil [ni Jehova] ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa. Ang busog ay binabali niya at pinagpuputul-putol ang sibat.” (Awit 46:9) Ang mga umiibig sa kapayapaan ay “makasusumpong . . . ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:11.

Sa halip na taggutom, magkakaroon ng saganang pagkain. “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.”—Awit 72:16.

Malapit nang pawiin ni Jesus ang mga pinsalang idinulot ng tatlong mangangabayo

Sa halip na salot at kamatayan, ang lahat ay magkakaroon ng magandang kalusugan at buhay na walang hanggan. “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.”—Apocalipsis 21:4.

Noong nasa lupa si Jesus, ipinakita niya kung ano ang magiging buhay sa ilalim ng kaniyang pamamahala. Itinaguyod niya ang kapayapaan, makahimalang nagpakain ng libo-libo, nagpagaling ng mga maysakit, at bumuhay pa nga ng mga patay.—Mateo 12:15; 14:19-21; 26:52; Juan 11:43, 44.

Matutuwa ang mga Saksi ni Jehova na ipakita sa iyo mula sa Bibliya mo kung paano ka magiging handa kapag pinahinto na sa paghayo ang mga mangangabayong iyon. Gusto mo bang matuto pa nang higit?

^ par. 7 Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.